Ang Mang-aawit ng Ginaria

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

An entry for Saranggola Blog Awards 2

Category: Kwentong Pambata

Ang Mang-aawit ng Ginaria

ni Metaporista

Sa bayan ng Ginaria, may isang batang labis na kilala. Ang pangalan nya ay Jiko. Lumaking walang Ama’t Ina. Gayunpaman, ang buong bayan sa kanya ay humahanga. Taglay niya ang talento sa musika at pagkanta. Siya ang laging nangunguna pag may paligsahan sa kanila. Ang sarili niyang mga awit ang kanyang kinakanta. Hindi siya kumakanta ng gawa ng iba kahit na alam niyang ang liriko niya ay pambata at walang maibubuga sa kakompitensiya niyang matatanda. Sa ganda ng kanyang boses, sa kanya ay walang makapag-patumba. Ang napapanalunan niyang premyong medalya ay kanyang kinokolekta. At ang kaunting naman niyang pera ay iniipon sa kanyang paboritong kulay pulang baboy na munting alikansiya.

Si Jiko ay nakatira mag-isa sa kanyang munting tahanan. Sa isang abandonadong jeepney sa loob ng kagubatan. Gubat na may masaganang mga puno at halaman.  Lanzones, Saging, Mansanas at Dalandan. Ang mga pananim niya ay kanyang araw-araw na dinidiligan kapag walang ulan. Kahit tuloy di siya marunong magluto, ang tiyan niya ay hindi kumakalam dahil pag siya’y gutom siya’y aakyat sa puno at pipitas lang sa bunga ng mga puno at halaman. Dahil sa labis niyang pagmamahal sa kagubatan na kanyang tinitirahan, araw-araw niya rin itong kinakantahan. Sa ganda ng kanyang boses, ang lahat ng hayop, puno at halaman sa kagubatan sa kanya ay tunay na nalilibang.

Kapag magsisimula na ang pasukan sa paaralan, ang kanyang kulay pulang baboy na alikansiya ay kanya ng binubuksan. Ang naipon niyang mga pera ay pinambabayad sa eskwelahan. Pinambibili rin niya ito ng mga lapis at papel na kanyang susulatan na gagamitin sa pasukan. Akit na akit man siyang bumili ng mga bagong laruan sa tindahan, pinipigilan niya ang kanyang sarili dahil mayroon pa siyang mga dapat na tulungan. Pag may labis na pera sa kanyang mga napanalunan, agad siyang pumupunta sa kanyang matalik na kaibigan. Kakamustahin niya at pasurpresang bibigyan ng gamot para sa malubhang sakit ng pinakamamahal niyang kaibigan. Nagtatabi rin siya ng pera para sa mga mamamayan ng kanilang bayan na mayroong butas na bubungan. Hindi matiis ni Jiko na may tumutulo sa loob ng bahay ng kanyang mga kababayan tuwing umuulan. Pag may bakante siyang oras sa eskwelahan, tumutulong na rin siya sa pagkumpuni ng mga bubungan. Para pag may malakas na bagyo na sa bayan nila ay dadaan, lahat sila ay handa at walang pangangambahan.

Isang araw, habang nasa daan papasok sa kanyang paaralan, may isang malaking agila ang nagmamadaling lumapag sa kanyang harapan.

“Jiko! Jiko! Ang kabilang bayan ay mayroong malaking paligsahan ng kantahan! Agad nila akong pinapunta para ikaw ay imbitahan bilang representante ng Ginaria na iyong bayan! Ang premyo ay natatangi sa lahat ng paligsahan! Tatlong kahilingan ng mananalo ang agad nilang bibigyan ng katuparan! Mauuna na ako at ikakalat ko pa sa ibang kalahok sa ibang bayan.”

Tumungo si Jiko at sumenyas ng pagpapasalamat sa agilang mabilis na nag-ulat. Sa isip-isip niya’y sobrang gagaling ng kanyang mga makakalaban na magmumula sa iba’t ibang bayan. Pero ang premyo ang nagpapalakas sa kanyang dibdib at kalooban. Habang tinutuloy ang paglalakad papunta sa paaralan, wala siyang ibang iniisip kundi ang tatlong kahilingan na kung saka-sakali ay maaari niyang mapanalunan.

“Kung ako ang mananalo, una, hihilingin ko magkaroon ng sariling palasyo. Pangalawa, isang magandang kalesa na may malakas, maputi at mabilis na kabayo. At ang pangatlo, hihilingin ko ang lahat ng laruan sa tindahan!” Kinikilig at masayang sambit ni Jiko sa sarili na may kasabikan.

Nagsimula ng mag-ensayo si Jiko araw-araw pagkagaling niya sa eskwela. Alam ng buong bayan na siya ang representante ng Ginaria. Kaya naman ang buong bayan, sa kanya ay todo suporta. Lalo na nung kanilang malaman na kasali sa paligsahan si David Pomeran na kilala bilang eksperto sa larangan ng kantahan! Nagtipon ang magagaling na mananahi sa bayan para gawan ng damit si Jiko na gawa sa telang may kamahalan. Hinahandaan nila ng masasarap na lutong pagkain si Jiko gabi-gabi pagkatapos ng ensayo para siya ay lalo pang ganahan. Palihim na nagkasundo ang lahat na sila ay pupunta at manonood sa paligsahan para suportahan si Jiko na kanilang kababayan.

Lumipas ang linggo, araw, oras at dumating na ang araw na pinakahihintay ng lahat.

Puno ang plaza ng mga sabik na manonood sa paligsahan. Suot na ni Jiko ang damit na tinahi para sa kanya ng mga sastre ng kanilang bayan. Nagsisigawan na ang mga kababayan ni David Pomeran. Naghihiyawan. Nagtitilian. Malakas ang palakpakan. Si Jiko na ang sunod. Dahan-dahang napalunok nung tinawag na ang kanyang pangalan. Pumanhik na siya at nakita ang kanyang buong kababayan na sabay sabay na sinisigaw ang kanyang pangalan.

“Ji-Ko! Ji-Ko! Ji-Ko!”

Umuugong ang kanyang pangalan. Lumakas ang loob ni Jiko at lalo na siyang ginanahan at tuluyan ng nawala ang kaba sa dibdib niyang pinanghihinaan. Nagsimula ng tumahimik ang lahat bago siya magsimula kumanta. Lahat ng manonood ay nabigla nung marinig ang boses ng batang si Jiko na ubod ng ganda! Lahat ay nahalina! Di na napigilan magsigawan at magtilian ang mga tao sa ganda! Maging si David Pomeran ay halos sumuko na bago pa matapos ni Jiko ang kanyang kanta!

Dahil sa napakagandang boses ni Jiko na ngayon ay hinahangaan na ng mas nakararaming tao at ng mga hurado, si Jiko ng bayan ng Ginaria ang nanalo. Tuwang-tuwa ang kanyang kababayan. Naglundagan sila at muling naghiyawan. Hindi rin maipaliwanag ang tuwang nadarama ni Jiko na mababakas sa kanyang ngiti na para bang permanente at tinatakan na ng kasiyahan.

“Jiko, binabati ka naming lahat sa iyong pagtatagumpay sa paligsahan na ito. Bilang gantimpala sa pag-kapanalo mo, mayroon kang tatlong kahilingan na aming agad na tutuparin.” Sambit ng hosto sa paligsahan na kilalang panauhin.

Hawak na ni Jiko ang Mikropono. Inisip niya muli ang kanyang tatlong napagplanuhan na hilingin.

Palasyo, kalesa at laruan. Palasyo, kalesa at laruan. Palasyo, kalesa at laruan. Mga salitang patuloy na naglalaro sa kanyang musmos na kaisipan.

Sasambitin na sana niya ang nasa kanyang naiisip ng makita niya ang kanyang pinakamatalik na kaibigan na naka-upo sa wheel chair at hawak ang pinakamalaking placard na may nakasulat na..

“KAY JIKO WALANG MAKAKATALO, IPUPUSTA KO ANG BUHAY KO, SIYA SIGURADO ANG MANANALO”

Napansin nya rin na ang lahat ng taga-Ginaria ay nakasuot ng kulay pula na damit na paborito niyang kulay. Maging ang isang kababayan niyang walang kapera-pera ay napansin niyang suot ang pamilyar na kulay pulang T-shirt ng kanyang guro. Nanghiram para lang makapag-kaisa sa pagsusuot ng pula.

“Jiko, Pwede ka ng humiling.. Tatlo iyon iho..”

“Palasyo, kalesa at laruan po sana ang hihilingin ko.. Kaya lang.. Nagbago na po ang isip ko..”

Nanatiling tahimik ang lahat ng mga tao.

“”.. ang una ko pong hiling, paki-dala po sa hospital ang matalik kong kaibigan para po gumaling na siya sa sakit niya..”

Pumatak ang luha sa mata ng matalik niyang kaibigan. Nangingimi ang labi at pigil ang paghinga para di dumaloy ng lubusan ang kanyang luha.

“..pangalawa ko pong hiling ay mga bagong yero po na sasapat ang dami para sa lahat ng bahay sa aking mga kababayan..”

Nagtinginan ang mga tao sa hiling ng bata.

“..at ang huli ko pong hiling..”

Inaabangan ng lahat ang huling hiling ng bata.

“..mahalin po ng lahat ng anak ang kanilang mga magulang.. dahil kahit anong oras ay maaari silang mawala sa ating piling.. hindi na nila maririnig ang sigaw ng pagmamahal ng kanilang damdamin.. lalo na kung parehas na silang nailibing..”

—————–

WAKAS

0 thoughts on “Ang Mang-aawit ng Ginaria

  1. nabasa ko din. grabe yung pangatlong hiling. di ko expected yun. hehehe. noong una kala ko ang daloy ng istorya ay pipiliin niya yung tatlong gusto niya tapos sa bandang huli a y magsisisi siya pero nagkamali ako sa konklusyon. ganda…

  2. tol met,ang ganda nito.hindi makasariling hiling.para sa iba ang unang naisip ni jiko bago pa ang para sa sarili nya.

    mabuhay si jiko at ang iyong panulat.magaling na namang lahok ito!

Leave a Reply