Sampaguita o Laruan?

Napagkalawak ng klase ng mga larong mapaglilibangan. Lalo na ngayon na hindi lang limitado sa larong pisikal dala na rin nang mabilis na pag-usbong ng teknolohiya. Sabi nga nang ilan, tila daw nalilimutan na ang mga tradisyunal nating laro at puros daw pabili ng pabili ang mga bata.

MAGASTOS. Yan ang katotohanan. Di tulad noon na trumpo, yoyo, lata, tansan, kaha ng sigarilyo, lamog na tennis ball, human figure na binalutan ng alambre, teks, pogs, baraha, lumang gulong, garter, chalk at kahoy lang ay solb-solb na ang mga kabataan. Ngayon kung hindi, i-touch, i-pad, laptop, desktop, psp, wii, x-box, nintendo ds, ps3, magic cards, RC cars, RC plane, RC helicopter, RC boat at pellet gun ang kanilang lalaruin ay tiyak na busangot ang mukha ng mga bata.

Gayunman, di rin naman natin sila masisisi. Nagbabago naman kasi talaga ang panahon at hindi lang iyon. Pati na rin kasi ang paligid ay tuluyan na ring nagbago.

>Wala nang masyadong punong mapagtataguan, maakyat at masisilungan

>Unti na lang ang mga malalaking bato o nakatumbang puno ng niyog na pwede mong maging langit sa nananayang kalaro na nag-aabang na tumapak ka sa lupang katumbas ay impyerno para ikaw ay mataya

>Istorbo ang mga sasakyan sa patintero, agawan base at tamaang tao lalo na sa basketball sa kalye

>Alas singko na ay nakakapaso pa rin ang init ng araw na maaaring magdulot ng skin cancer at pekas

>Nagkalat ang lamok, kidnapper at rapist

>Wala na gaanong nag titinda ng trumpo, yoyo at teks

>Di na makakalayo ang shatoooooooooooooooooo.. dahil kung hindi sa bubong ng kapit-bahay ay sa loob na ng bakuran nila ito mapupunta..

Pero sabi nga, kung gusto, may paraan. Nasa diskarte na yan ng mga bata at syempre nasa diskarte na rin ng magulang.

Parte na ng bata ang paglalaro at pagkakaroon ng laruan. Hindi man halata ay isa rin itong magandang daan ng kanilang maagang pagkatuto at pagtuklas ng mga bagay-bagay.



Sabi nga nila:

Ang buhay ay parang gulong.  Tumitigil, nanlalambot, nabubutas at nauubos. May manipis, , may maliit, may malaki at may madaling mapudpod. Anong mang ganda ng klase ng gulong mo, hahalik ka rin sa lupa at madudumihan. Pero ayos lang naman ang mapudpod at madumihan. Isa lang naman ang ibig sabihin nun… Malayo na ang narating mo.

Ang babae daw ay parang barbie. Puwede mo raw paglaruan, pagsawaan at pag ayaw mo na ay itapon na lang sa isang tabi. Pwede mong ilublob sa tubig, sabunutan at ihagis pag galit. Pwedeng di mo na pakainin at ikulong sa bahay. Pero tandaan mo daw..

ang tunay na lalaki, hindi naglalaro ng barbie.

by Seth Barnes

Ang buhay ay parang habulan. Masarap ang magpahabol lalo na pag nakikita mong tinatiyaga ka niyang habulin kahit na sinabi mong mabilis kang tumakbo at imposible ka niyang mataya. Pero dahil sa tiyaga niya, titigil ka rin at bibigay. Kung ayaw mong mapagod kakaiwas, umayaw ka na lang o wag na siyang pasalihin sa laro mo. Wag mo na siyang pasalihin kung alam mong hindi ka rin niya mahahabol. Wag kang magpa-asa. Darating ang araw na ikaw na ang maghahabol sa kanila dahil wala nang naglalakas loob sumali sa laro mo.

Ang pag-ibig ay parang tong-its. Yung gusto mong mabunot ay tinatapon lang ng iba. Yung pinaka-aantay mo, hindi dumadating dahil nabuo na sa iba. Nakabuo ka na, sasapawan ka naman. Minsan kelangan mong mamili kung ano ba ang dapat mong itapon sa natitira mong baraha. Pinakamasakit ay yung pa-tong-it ka na, naunahan ka lang ng iba.

Walang hanggan ang ating matutunan sa paglalaro. Hayaan nating maglaro at tiyaking may malalaro ang mga bata. Hayaan natin silang matuto. Hayaan natin silang makaramdam ng pagkatalo at pagkapanalo. Hayaan natin silang makipag-away para matutunan nilang maaga kung paano magpatawad at makipagbati. Hayaan natin silang maagawan, masiraan at mawalan nang laruan para di sila gaanong masasaktan pag dumating ang araw na sila ay maagawan ng kasintahan, masiraan ng reputasyon at mawalan nang minamahal. Paghandaan natin sila.. Paghandaan ang pagpapamilya. Wag nating hayaang pagtitinda nang sampaguita ang maging libangan nila.

-Metaporista

————————————————————————————————————

–LAHOK SA SARANGGOLA BLOG AWARDS 3 Kategoryang Blog

0 thoughts on “Sampaguita o Laruan?

  1. Dito sa amin sa probinsya, maswerte pa rin ang mga bata dito sa aming lugar.. meron pang mga malinis na ilog na maaring pagdaluyan ng bangkang papel. Meron pang malawak na kapatagan kung saan maaring magpalipad ng saranggola. Meron pa ding naglalaro ng yoyo, shato at holen.. Meron pa ding naglalaro ng habulan at barbie..

    Pero hindi ko rin maiwasang maisip kung hanggang kailan mananatiling ganito.. Kasi nga, sa iyong nabanggit.. sa paglipas ng panahon, nagbabago rin ang lahat, pati na ang mga laruang kinawiwilihan ng mga bata.

    Hm. Tama. Isang mahalagang parte ng buhay ng isang bata ang paglalaro. Kaso sa panahon ngayon, madaming mga bata ang nagtatrabaho’t naghihirap para mabuhay, sa halip na ma-enjoy ang kanilang kabataan.. 🙁

    Magandang akda. Good luck po sa inyong SBA entry. 🙂

  2. as usual, astig na obserbasyon at paghahambing ng mga laro nuon at laro ngayon. sadya kasing ibang iba na ang paligid, hindi na siya safe and friendly para sa mga bata. its one thing na hindi na mararanasan lalo na nung mga bata na nasa city na o kaya sa develop na rural community.

    maligo sa ilog, mag hunt ng pugo itlog ng pugo. mangilaw ng gagambang talahib sa gabi. ah, ang dami pa bukod sa mga larong binanggit mo. kung mas matatag yung paa ko ngayon sa takbuhan, may kinalaman yun dun sa mga laro namin dati.

  3. sapul ang tong-its. i agree, kulang sa araw at laro ang mga bata ngayon… pinangako ko sa sarili ko na kapag nagka-anak ako, makakatikim siya ng init ng araw, sariwang hangin at silong ng mga puno, at kakain ng lupa, pawis, at sariling sipon. 😀

  4. Grabe. Nagreminisce ako ng aking kabataan. Di man ganun kaganda ang mga laruan ko, masaya naman at mas marunong ako makisalamuha. Naikumpara ko din yung kabataan noon sa ngayon. ang resulta? mas materialistic ang mg kabataan ngayon. Yan ang natutunan ko sa mga “mumurahing” laruan ko noon: Na maappreciate ang maliliit pero simpleng bagay. Kaya hindi ako nangangarap ng iPhone ngayon. Masaya na ko sa PC. Haha.

    AT NAIIYAK ako sa tong-its. Sapul. Lalo na ‘yung NAUNAHAN.

Leave a Reply