Dog Love



Kwento ng asong umiibig

Wahhhhh.. Umaga na pala.. Parang ambigat ng katawan ko ngayon ah.. Panaginip lang pala yun.. hayup! Akala ko totoo na.. Badtrip!

Oo nananaginip din kaming mga aso. Sana nga hindi na lang. Para hindi ako gumigising tuwing umaga na matamlay sa pag-aakalang hindi na ako torpe. Sa lahat yata ng aso ako ang pinaka-duwag. Bakit nga ba? Hindi ko pa rin alam.. Pag andyan kasi siya pinagpapawisan ang mga paa ko. Naninigas ang mga shoulder blades ko na para bang kumokonekta sa kabuuan ng aking skeleton. Naninigas. Hindi makatingin. Gustuhin ko mang ipagpag ang mga buntot ko para mapansin niya ako ay hindi ko magawa.. Ni hindi ako makatahol kahit hindi naman ako Basenji, oo, sila yung breed ng aso na hindi tumatahol.. Kailan ko pa kaya magagawang masabi ang nararamdaman ko para sa kanya.. Wala na akong oras, buti sana kung tulad ng wolf ang mukha ko na patulis at pahaba, mahaba ang life span, marami pang pwedeng palampasin na pagkakataon. Hindi gaya kong bulldog na saglit lang ang tinatagal sa mundo.

Una ko siyang nakita nung pinasyal ako ng amo ko sa plaza. Tamad na tamad ako nun maglakad at maglakwatsa pero ano pa nga bang magagawa ko pag tinalian na ako sa leeg. Kesa naman masakal ay maglalakad na lang ako. Naalala ko pa, malayo pa lang siya ay nakita ko na ang kanyang kagandahan na sooooobrang angat sa iba. Napatitig ako pero tuloy-tuloy ang aming paglalakad.. Nakalagpas na kami pero ang leeg ko ay nakabaling parin sa maamo niyang mukha. Ninanamnam ang bawat segundo dahil tiyak, paglagpas sa poste, hindi ko na siya makikita ulit. At buti na lang mali ako. Dahil tuwing M-W-F na ang aming pamamasyal pero tuwing wednesday ko lang siya nakikita sa plaza mga 5:30 pm sa tapat ng isang tindahan kasama ang amo niyang bumibili. Meron lang akong 15 seconds para matitigan siya. 15 seconds kada linggo x 4 weeks/month = 1 minuto kada buwan. Pwede ko naman siyang makilala sa loob ng 15 secs pero kung ganito kahina ang puso ko, lalong walang mangyayari.

Medyo malungkot din kasi sa bahay. Ako lang mag-isa ang aso doon pero may tropa rin naman akong isang daga.   Siguro kung si Kublai Khan ang amo ko, tiyak hindi ako mayayamot dahil ayon sa history meron siyang alagang 5,000 na aso. Ansaya sana nun pero sobrang ingay! E kami pa naman pag may kumahol na isang aso kakahol na rin kami lahat agad.

Papansinin kaya niya ako pag nagpakilala ako? Labrador siya, bulldog ako. Mukhang suntok sa buwan. Buti sana kung naging k-9 ako na may kakaibang skill o german shepherd na may kakaibang built o great dane na may kakaibang height o kaya ang pinakapangarap kong rottweiler na may kakaibang katapangan at lakas ng loob. Pucha, para kaming beauty and the beast. Ang kaibahan lang, kahit ibigin niya ako, hindi ako gagwapo. Pero malay natin, ang dalmatian nga pinapanganak na puti lang lahat at wala pang batik e. hayyy. Peste kasing evolution yan. 12,000 years ago pa na-trace ang lahi naming mga aso pero tinitiyak ko noon, na wala pang asong busaklot ang mukha, tulo laway at laging malungkot na mukha.

Kaya naming maka-detect ng sound kung saan ito nanggaling 1/600 second at 4 times ang layo na kaya naming marinig kumpara sa inyong mga tao. Pero ganunpaman, hindi namin kaya basahin ang isip ng kapwa naming aso kaya nga hindi ko madetect kung may pag-asa ba ako sa kanya. Talagang hindi ko malalaman kung hindi ako magsasalita at di ko susubukan. Noong 2005 nasa 400 million na ang aso sa buong mundo. Ito ang medyo masakit na part kung sakali.. na sa 400 million na yun, wala ni isa ang ginawa para sa akin. Kahit baldadong bulag na aso, wala. Oo alam kong unique ang nose print ng mga aso tulad ng finger print niyo. Pero yung pagiging ganito kamalas ibang klaseng ka-uniquean ito. Dude, alam kong color blind kaming mga aso pero pag nakikita ko siya umaayos ang kulay ng buong daigdig ko. Swear.

Alam niyo bang nasa 9000 ang taste buds niyo at 1700 taste buds lang sa aming mga aso. Pero alam niyo bang 1000 times na mas malakas ang pang-amoy namin kesa sa inyo? Kaya please, pakainin mo na ako ng ampalayang sariwa wag ka lang uminom ng gatas at umutot sa tabi ko. Siguro isa rin yun sa ikinahumaling ko sa kanya.. Sobrang bango niya kasi.. Laging amoy palmolive pink na shampoo.. Nakakahumaling.. Sana mag wednesday na at magfreeze ang oras habang tinititigan ko siya at naaamoy.

Aminado akong mas matalino kayong mga tao kesa sa amin. Ang katumbas lang namin ay 2 to 3 years old na bata na pwedeng matuto ng 150 hanggang 200 na salita at hand signals. Pero ito lang ang masasabi ko, pagdating sa pag-ibig, pare-pareho tayo nagiging tanga. Hindi kakayanin ng utak mo pag puso na ang nagdidikta sayo. Minsan kailangan nating sumugal at itaya ang ating pagkatao at pagka-aso. Pilit natin binabago ang sarili natin para sa mahal natin. Pero tingin ko mali ang magpanggap. Ang dapat lang baguhin ay yung mali at nakakasama. Pero yung totoong tayo, hindi natin dapat tinatago yun. Mas madaling tanggapin na hindi ka niya gusto dahil sa totoong pagkatao mo kesa nagustuhan ka niya dahil sa mapagpaimbabaw mong pagkatao. Kahit gaano ka katalino, hindi lahat ng gusto mo makukuha mo. At kahit gaano ka man ka-bopols, imposibleng hindi mo maabot lahat ng gusto mo.

Alak pampalakas loob? Sus. Lisensya lang yun para makapang-tsansing.  Hindi ako ganun. Pakainin mo na ako ng grapes at raisins na pwedeng ika-renal failure ko o kaya ng chocolate, macadamia, nilutong sibuyas at painumin ng cafe namakakapagdulot ng masama sa katawan ko o pakainin ng apple at peras na pwedeng ikamatay ko basta`t wag mo lang ako painumin ng alak. Wala akong balak bastusin ang pinakamamahal kong babae sa buong buhay ko. Pagnakikipagusap ka nga sa boss mo dapat alam mo ang pinagsasabi mo dapat lalo na pag kausap mo ang pinakamamahal mo. Wala akong mabibigay sa kanya kundi ang mataas kong pagrespeto at paghanga. Kung mag-a-ilove you ka dapat nasa wisyo ka.

Kikilalanin ko na siya at magtatapat sa kanya. Kung anong maging resulta, tanggapin. Life is short for me pero atleast ibibigay ko ang best shot ko. Ok lang siguro kung mamatay na ako na ang humawak lang sa aking mukha ay ang aking amo. Atleast nakilala ko siya at natagpuan. Kahit hindi siya maging akin.

 – Metaporista

0 thoughts on “Dog Love

Leave a Reply