Ang Sipol

Ang Sipol

ni Metaporista

Ang maalinsangang gabi ang gumising kay Bob sa kanyang pagkakahimbing pagkagaling sa trabaho. Nakabukas ang dalawang bentilador na nakatutok sa kanila ng kanyang anak ngunit tila mainit na hangin ang inilalabas nito. Bumangon siya at sinilip sa kabilang kwarto ang kanyang Tatay. Nakita niyang nakatalukbong ang kalahati ng katawan ng kumot at tila hindi ramdam ang init ng hangin. Tiningnan ang madilim na paligid sa bintana at binalingan ang dalawang kamay ng orasan na magkalapit sa 2. Bumalik sa pagkakahiga si Bob bitbit ang pamaypay na pamigil sa namumuong pawis sa noo ng kanyang anak. Pinaypayan niya ito hanggang sa bumagsak na ang kanina pang nagpipigil na ulan.

Gumising si Bob ng alas-singko para magluto ng kanilang almusal, paliguan, bihisan at ihatid si Julio sa paaralan at maghanda naman ng sarili para sa kanyang trabaho sa NBI. Normal na ruta na iyon ng kanyang buhay. Ang kanyang ama ang taga-bantay ng kanilang bahay at naiiwan sa tanghali. Dinadaanan niya si Julio pagkagaling sa trabaho at kung minsan naman ay isinasabay ng kanyang kumpare at ihinahatid sa kanila.

————-

Bob Morgan – Half-Filipino, Half-American – Nag-iisang anak, Matangkad, Malinis ang tabas ng buhok, Makisig at may dating na kagalang-galang. Namatay ang asawa sa isang aksidente ng motor. May isang anak, si Julio Morgan na pinakamatalinong bata sa paaralan at Ama na si David Morgan na isang Mekaniko at mas matanda sa asawa ng labin-limang taon.

Lumaki si Bob sa piling ng kanyang ina. Isang beses sa isang taon kung sila ay dalawin ng kanyang Amang amerikano kaya kahit masaya siya sa mga regalo at tsokolateng pasalubong ay hindi pa rin niya ganoon kakilala ang kanyang Ama. Masasabing lumaki si Bob sa payak at mariwasang pamumuhay ngunit sa public school pa rin siya nag-aral. Mas malaki ang baon niya kumpara sa ibang kaklase, bago ang sapatos at damit at mga gamit sa eskwelahan na kinaiinggitan ng lahat.

Sa di inaasahang pagkakataon, natigil ang sustento sa kanila ng 1 taon dahil sa aksidente sa paa ng kanyang Ama. Doon palang nakaranas si Bob ng gutom at pagtanggi ng kanyang Ina sa kanyang mga gustong bilhin. Napadalhan sila ng 1 buwan ngunit natigil nanaman ito ng 4 na buwan dahil hindi pa pala lubos na nakakabalik sa normal na kalagayan ang paa ng kanyang Ama. Malaki ang gastusin at hindi sapat ang tulong na ibinibigay ng gobyerno para sa kaniya. Muling bumalik sa normal ang kanilang buhay pagkatapos na makapagpagaling ng mahabang panahon.

Nagpasyang permanenteng manirahan ang kanyang Ama sa pinas dahil sa lungkot at panghihina ng katawan. Ngunit imbis na ikatuwa ay lubos na ikinalungkot iyon ng kanyang Ina. Sapat ang kanilang pensiyon na natatanggap mula sa gobyerno ng amerika para makakain sa araw-araw ngunit hindi sapat para sa kanyang Ina na abutin ang kanyang luho.

Isang araw, galing sa hospital ang Ama at Ina ni Bob. Malungkot na ibinalita ng kanyang nanay na meron daw nakakahawang sakit ang kanyang tatay. Bawal matalsikan ng laway, dugo, sipon ang sinuman gayundin ay bawal daw na makisalamuha sa tao dahil madali raw makahawa. Mula noon ay hindi na lumalabas ng bahay ang kanyang Ama at nagkukulong naman sa kwarto pag tuwing nandyan ang pamilya. Nagpasya ang kanyang Ina na pumunta ng Amerika para magtrabaho at masuportahan sila pero mula ng makaalis ay wala na silang naging balita.



——-

Dumating si Bob isang araw bitbit ang litsong manok at atchara na kanilang hapunan. Katatawag lamang ng kanyang asawa na nasa Dubai na isang opisyal sa embahada  at naghatid ng magandang balita tungkol sa pagtaas ng suweldo. Ngunit imbis na maghatid ng masayang kuwento ay nakita niya ang kanyang anak na nakahiga sa kama ng kanyang lolo. Hindi sila magkatabi  pero magkatapat. Magkadikit ang palad ng kanilang paa at parehong tulog at sumisipol kapag naghihilik. Ginising niya si Julio at dagling pinagalitan. Binuhat palayo at sinabihan na wag na muling lalapit sa kanyang lolo at makikipag-usap. Nagising ang kanyang Ama at kinausap sila na nakatalikod at nakatakip ang bibig. Humingi ng pasensya ang Ama at nangakong hindi na mauulit. Pero hindi nakapagpigil si Julio at nagtanong sa Ama na bakit hindi siya nahahawa sa kanyang lolo kahit matagal na siyang palihim na nakikipaglaro, nakikitulog sa tabi at tinuturuan siyang gumawa ng mga takdang aralin at magsalita at magbasa ng ingles. At kung bakit sa tagal na panahon ay hindi nagkasakit o nanghina man lang. Tinanong ni Bob ang kanyang tatay kung totoo ba ang sinasabi ni Julio. Sumagot ito ng oo at maging siya ay nagtataka din.

Nagpacheck-up sila sa bagong lipat na doktor na kanilang kapit-bahay at nalaman na wala naman palang nakakahawang sakit ang kanyang tatay. Kaya agad niyang hinanap ang lumang dokumento ng kalagayan ng kalusugan ng kanyang ama at nakalagay nga na nadiskubre na may malubha at nakakahawang sakit. At dahan-dahan niyang sinuri gaya ng trabaho niya sa araw-araw at bumagsak ang kanyang mga tuhod sa sahig. Peke ang dokumento. Napa-akap siya sa kanyang tatay na may higpit at halong di maipaliwanag na pananabik.

Nabalitaan na lang nila na nakapag-asawa ulit ang kanyang ina ng Amerikanong matandang madaling mamatay kapalit ng kanyang anak, apo at asawang umiibig sa kanya ng lubusan at totoo.

————————–

Lahok sa kategoryang Maikling Kwento

sa Saranggola Blog Awards 2013

Image

Leave a Reply