Ang Batu-Balani

Ang Batu-Balani

ni Metaporista

Sa tahanan ng Bakalan,

May magkapatid na walang pagod na naghahabulan,

Si Batu at si Balani ang kanilang pangalan

Si Batu ay isinilang na may malakas na katawan

Sikat at ipinagmamalaki siya ng kanyang mga magulang

Dahil lagi siyang nananalo sa lahat ng paligsahan na kanyang sinasalihan

Si Balani ay isinilang na may mahinang katauhan

Mahiyain, madamdamin, matatakutin at pihikan

Sa takbuhan at akyatan, lagi siyang naiiwan

Ngunit kahit sila’y magkaiba, sila ay hindi nag-iiwanan

Dahil sila ay magkapatid at matalik na magkaibigan

Ang pagkukumpara sa kanila ay hindi nila pinakikinggan

Sa baon nilang tinapay, sila ay naghahatian

Pag magkaiba ang kanilang baon, sila ay nagbibigayan

Kahit sa inumin na gatas sila ay hindi naglalamangan

Si Balani ay laging ipinagtatanggol ni Batu

Sa tuwing malungkot si Balani ay sinasayawan niya ito

Sinasampa niya sa kanyang likod pag inaantok at hapo

Lumipas ang mga panahon at sila’y tumanda




Si Batu ay nanligaw sa isang magandang dalaga

Ngunit siya’y di pinapansin at pinagtatabuyan pa nga

Nalungkot si Balani sa kanyang nakita

Si Batu , sa unang beses ay nakita niyang lumuha

Di siya nagpatumpik-tumpik at sinayawan ang kanyang kuya!

Inakyat niya ang puno ng mangga kahit di siya marunong kumapit sa sanga

Namitas, binalatan, hiniwa at nilagay sa pinggan

Iniabot niya ito kay Batu kasama ang paborito niyang sawsawan!

“Ang dalaga’y wag mong sukuan! Natitiyak kong siya’y malas, pag ikaw ay pinakawalan!

Haranahin natin siya’t suyuin hanggang ang puso niya’y di na mag-alinlangan!

Ubusin ang laman ng alikansya ko’t ibinili natin ng bulaklak na may kamahalan!”

Di nagtagal, ang dalaga’y napasagot

Si Batu ay nagbunyi at naglulundag habang umiikot!

Si Balani’y lubos na natuwa sa tulong niyang naidulot!

Sa tahanan ng Bakalan,

Ang magkapatid ay napagod ng maghabulan

Pero ang kanilang pagtutulungan, natitiyak na walang hangganan

Dahil si Batu ay si Batu at si Balani ay si Balani,

Ang pagkakaiba nila’y  tinakpan lang ng pang-unawa at kiliti

Tulungan at pagmamahalan ang dapat na isinusukli

 ——————————————————–

Lahok sa SBA 2013

Kwentong Pambata

0 thoughts on “Ang Batu-Balani

Leave a Reply