Bunso’y

Bunso’y

ni Metaporista

Lola,

Naalala mo pa nung tinutugtugan kita ng gitara? Malamang hindi na dahil maging ako’y di mo na kilala. Humina pa ang tenga, naputol pa ang paa at maging ang kaliwang braso ay tuluyan ng naparalisa. Nakilala ka sa paglalako ng paninda! Sa umaga’y isda na nasa balde at mga gulay na nasa planggana. Ang hapon ay di mo pa pinatatawad dahil sa Banana-que mo at Maruya. Gabi na lang ang iyong pahinga sa loob ng apatnapung taon mula ng pinanganak mo ang iyong panganay. Paano mo kinaya magpalaki ng siyam na bata? Paano mo kinaya gayung iniwan ka pa ng iyong asawa?

Alam mo ba ang iyong panganay ay isa ng kapitana ng barangay? Ang pangalawa naman ay mekaniko at may 2 anak na tisay. Ang pangatlo ay nakapangibang bansa at maalwa na ang buhay. Ang pang-apat ay nakapangasawa na at may anak na prinsesa! Ang panglima’y nasa china at nakatakas na sa mga problema. Ang pang-anim ay Parlorista at ang ilong ay tumangos na! Ang pang-pito ay isang sundalo at sa mindanao ay isang CAFGU. Ang pang-walo ay masahista at nag-kaanak ng walang Ama. Ang bunso mo’y napariwara, nabaon sa utang at ang inaatupag ay TOMA. Marami ang nakaraos, pero marami rin sa kanila ang muntik ng mamalimos. Kung ang buhay mo’y nadagdagan lang ng mga 10 taon at 6 na buwan, tiyak ang bunso mo ay di naligaw ng landas. Di niya naisip ang ugat mong lumalabas na sa paa at ang buhok mong namumuti at nakakalbo na. Di niya naalala ang mga payo mo at saway! Mula ng mawala ka, kumawala siya at sumakay! Sumakay sa bisyo ng barkada, pambababae at droga at pangloloko sa kapwa para lang magkapera. Kung sino pa ang mataas ang pinag-aralan, siya pa ang naligaw ng daan.

Kasalanan mo nga ba dahil nag-anak ka ng siyam? Tingin ko’y hindi dahil ginawa mo naman lahat para panindigan na kaya mong buhayin ang iyong angkan. Kasalanan ng asawa mo? Malamang, dahil pagkatapos kang anakan, naghanap ng maliit na butas at ikaw ay iniwanan. Pero tingin ko ay tigilan na ang sisihan. Dahil wala ka na rin naman para mamalo ng walis. Walis na pang-linis ng ugali at budhi.

Lola pwede bang bumalik ka na lang? Pag nalulungkot kasi ako’y wala ng matakbuhan. Pag maysakit ako’y wala na ang champoradong sa sikmura ko’y nagpapainit at nagtatanggal ng kalam. Lola kung nandito ka lang, mababago mo si Papa sa isang akap mo lang. At baka sana hindi rehas ang kanyang hawak kundi ang kamay kong laging sabik sa kanya.  Ikaw ang depinisyon ng tahanan. Ikaw ang depinisyon ng pag-ibig.

Nagmamahal,

Apo

——————-

Lahok sa Saranggola Blog Awards 2013

Liham Sanaysay

Leave a Reply