An Open Letter to Chito Miranda

Chito Miranda

 

Dear Chito,

 

Bago ang lahat, congrats sa iyong matagumpay na proposal.

Tulad ng maraming nakikinig sa musika ng banda niyo, isa rin ako sa di maipagkakailang tagahanga niyo. Hindi lang kami hanga sa boses mong malamig sa tenga, hanga din kami sa buong banda. Simula yata sa Khangkhungkherrnitz hanggang Gulong Itlog Gulong ay inabangan ng lahat ang original album niyo sa tape at CD. Ang iba naman na gustong magtipid ay matiyagang nag-aabang ng kanta niyo sa radio habang nakasalang ang bakanteng cassette tape. Nag-aantay ng tamang tiyempo para pindutin ang record button. Stop. Rewind. Play hanggang makabisado ang tono at lyrics. Takbo sa bilihan ng songhits. Magtatawag ng tropa. Itotono na ang gitara. Sabay-sabay kakanta hanggang sa mapaos ang buong barkada. Inabangan din naman namin ang mga kasunod niyong album kaso nauso na ang mga pirata, mp3 at YouTube na swak sa bulsa ng lahat.

Mula sa kantang Harana, Gitara, Pangarap Lang Kita hanggang sa How to Make a Love Song ay nakatulong kayo ng malaki sa pagnakaw ng puso ng mga pinangarap naming makasama habang buhay. Salamat din pala sa paalala na bago kami mag-away ay amin munang pag-usapan ang hindi maunawaan  kung ayaw namin mangyari ang nangyari sa iba, Oo, salamat sa pagpapaalalang dapat kaming magpakumbaba. Salamat sa iba`t ibang Genre ng inyong musika. Minsan kasi gusto naming makinig ng Rap, Rock, Acoustic at Pop at ihinain niyo na sa amin halos lahat. Hindi niyo siguro alam na kabisado pa rin namin ang Yakinikitombo at ang ginawa ni Pedro sa panty ng kanyang Auntie. Ganyan kayo halos tumatak sa bawat Pilipino. Kilala halos kayo ng lahat. Mula sa mga batang mas kabisado pa ang Papa Cologne kesa sa Lupang Hinirang at mga lolong kumakanta sa videoke at umiindak sa Mr. Suave. Halos ka tropa na namin kayong lahat ng hindi niyo nalalaman.





Ngayong palusong ka na sa pag-aasawa, gusto ka naming batiin lahat. Kamayan. Apiran. Takte si Chito ikakasal na?!! Masaya ang lahat. Sobrang saya. Pinakita mo sa lahat na hindi lang dapat puro sa salita ang pagiging sweet kundi pati sa gawa. Para kaming nanood ng isang pelikulang romantiko. Si Neri ang iyong bidang artista at mukhang ikaw lang ang karapat-dapat na leading man. At sa tingin at hiling  naming lahat, magwawakas yan sa pag-ibig na wagas.

Ang totoo, saludo talaga kami sayo. Sa kabila ng mga pinagdaanan mong malaking problema nitong nakaraan, bumangon ka at nanindigan. Salamat at hindi ka sumunod kay Buloy. Salamat sa banda at mga taong nasa paligid mo na hindi nang-iwan. Buti marami kang Eman na kaibigan. Isa kang huwarang Daruma. Kahit suntukin ka nila at itapon ay tumayo ka. Kailangan pa ng mga tenga namin ang musika ng Parokya niyo.

Problema ay kasama ng tadhana.. Pagkat lahat ito`y sinasadya.. Subukan mong sakyan ang pagdurusa.. Ngiti ka lang, magpasalamat ka.. Pagkat hindi ka titingala, kapag wala ka sa baba, Kailangan din kung minsan madapa!

 

Metaporista

 

0 thoughts on “An Open Letter to Chito Miranda

Leave a Reply