Sa Likod ng mga Libro



IMG_3890-0.PNG

Lahok sa Saranggola Blog Awards 2014

Kategoryang Maikling Kwento

—————————————————

Sa Likod ng mga Libro

ni Metaporista

 

 

Malapit na matapos ang buwan ng Mayo. Paboritong buwan ng mga estudyante dahil ito ang kasarapan ng kanilang bakasyon at isa namang kinatatakutan na buwan ng magulang dahil sa nag-aabang na mga nakakalulang gastusin. Maliban sa pagparada ng mga dilag na may natatanging ganda sa Flores de Mayo ay inaabangan din ang parada ng mababalasik na kasapi ng Kilusang Mayo Uno. Ito rin ang buwan kung kailan hinahatulan ang mga nominado na nagnanais manungkulan, maglingkod at magnakaw sa bayan. Pero para kay Dondon, wala ng mas eespesyal pa sa buwan ng Mayo. Ito ang panahon kung kailan niya nakita ang kulay ng kanyang buhay.. sa likod ng mga libro.

————–

Lumuwas ang pamilya ni Dondon sa Manila at nagpalipas ng ilang araw para magbakasyon at bumisita sa kanilang kamag-anak. Napasyal sila sa isang mall at humiwalay si Dondon ng lakad.

Nagkasalubong ang mata ni Dondon at Maan sa hilera ng mga libro. Maamong ngumiti si Maan at agad siyang naglakad patungo sa pwesto ni Dondon.

“Yes Sir, may hinahanap po kayong libro?” magiliw na tanong ni Maan na naka-postura sa puting uniform at nasasabitan ng pulang ID lace.

Nakatingin lang si Dondon sa mukha ni Maan. Hindi alam ang isasagot. Bumagal ang mundo. Dahan-dahan siyang yumuko at tumingin sa sahig at sumagot.

“Wala po. Nagtitingin-tingin lang.”

Agad siyang lumipat sa Reference Section at kunwaring tumitingin ng mga nakahilerang English-Tagalog Dictionary. Ramdam niya na namula ang kanyang mukha dahil sa biglang init na naramdaman niya. Unti-unti niyang tinaas ang kanyang mata at hinanap si Maan. Nakita niya itong may inaasistehang kostomer at wala sa hinagap niya na sa pangalawang pagkakataon ay mahuhuli siyang nakatingin kay Maan. Agad siyang yumuko at naglakad ng mabilis palabas sa National Bookstore nang biglang tumunog ang Security alarm. Hinarang siya ng guard na may pagmamadali at pinagtinginan siya ng lahat ng tao. Kinapkapan siya at nakita ang baggage number sa kanyang bulsa. Nakalimutan niyang i-claim ang back pack na kanyang iniwan sa baggage area sa pagmamadali na matakasan ang pagkahuli sa kanya ni Maan. Pagkakuha ng bag ay kumaripas na siya ng takbo palayo at patago sa kahihiyang kanyang inabot.

—————

Trese anyos, di katangkaran at nagsisimula ng lumitaw ang manipis na bigote at mangilan-ngilang buhok sa kili-kili. Hilaw pa sa pagkabinata at hinog na sa pagkabata. Edad kung kailan natututo ng humanga at sa kalagayan niya, umibig. Matagal na niyang naririnig ang `love at first sight` at lagi niyang pinaglalaban na imposible yun at hindi totoo. Hanggang sa aktuwal  niyang naranasan sa babae na nagnakaw ng kanyang pusong hilaw sa isang iglap. Wala siyang masabihan ng kanyang nakakahiya at nakakatuwang karanasan. Bumibilis ang tibok ng puso niya tuwing maaalala si Maan. Babaeng may maamong mukha at mala-anghel na ngiti na para sa kanya ay diwata na nagniningning. Nakakapanglambot ng tuhod. Nakakawala sa sarili. Alam niyang masyado pang maaga at tiyak na hindi pa nakikiayon ang tadhana. Pero meron siyang mahalagang naitabi: Maan Estrella. Pangalan na nasulyapan sa ID lace. Pangalan na kanyang itatago at hahanapin muli sa tamang panahon.

————

Unang linggo pa lamang ng Mayo ay lumuwas na si Dondon sa Manila. Nakituloy siya sa unit ng kanyang tiyuhin na matagal ng walang nangungupahan dahil sa kupas na pintura at nagngingitngit na bintana at pinto. Iniwanan na sa kanya ang unit mula ng mapunta sa abroad ang buong pamilya ng kaniyang Tito. Ilang minutong lakad lang ay tanaw na niya ang City Hall ng Manila na korteng kabaong, ang LRT Central Station at ang palamigan ng lahat sa katirikan ng araw, ang SM Manila. Hindi siya masyado nahirapan mag-adjust sa kanyang bagong paligid dahil madalas din silang lumuwas ng Manila noong nandito pa sa Pinas ang kanyang Tito. Pinaghahandaan niya ang nalalapit na pagsimula ng unang araw ng kanyang kolehiyo at higit sa lahat, ang pamumuhay niya mag-isa. Sa ilang linggo niyang pag-iisa ay nakaramdam na siya ng konting lungkot pero kahit papaano ay nadadaig ito ng kanyang kasabikan sa pagsisimula ng bagong parte ng kanyang pagkabinata.

Nakalista na ang lahat ng kanyang mga gagawin at bibilhin bago ang pasukan. At ang una sa kanyang listahan: hanapin si Maan.

Matagal na niyang ginoogle at hinanap sa ibang social networking site ang pangalan niya ngunit wala siyang makitang kahawig niya.

Bitbit man ang hiya sa nakalipas, naglakas-loob siyang bumalik sa SM Manila National Bookstore. Sa 5 taong lumipas ay malamang na hindi na siya maaalala ni Maan at ng Guard na pumigil sa kanya. Hindi siya masyadong umaasa na makikita ang kanyang iniibig sa dating lugar dahil sa 5 taong lumipas ay baka nailipat na siya ng pwesto, branch at trabaho. Pinasok niya ang bookstore at naglakad-lakad. Nagmasid. Unti-unti niyang nararamdaman uli ang kabog sa dibdib. Hindi niya alam ang magiging reaksyon niya sakaling makita ang babaeng may hawak ng puso niya. Dahan-dahan siyang naglakad nang marating niya ang hilera ng mga libro. Huminga ng malalim at nilusong ang hilerang minsang naging lugar kung saan tinabas at naiwan ang kanyang puso. Isa-isa at maingat niyang tiningnan ang mga babae. Nakakita siya ng mga nag-aasisteng mga babae ngunit wala sa kanila si Maan Estrella. Pumunta siya sa customer service at lakas-loob na nagtanong kung doon pa nga ba nagtratrabaho ang babaeng hinahanap niya. At gaya ng kanyang inaasahan. Wala na raw siya roon at wala na raw silang balita kung nasaan.

Pinaglaruan ng kapalaran ang kanyang damdamin sa murang edad. Pinatikim ng paghanga at pag-ibig ngunit pinalamon ng kawalang pag-asa at sakit. Laging tinatanong ni Dondon ang sariling kapalaran. Kung maaga lang daw sana siya pinangak ay baka nagkalakas siya ng loob ng mga pagkakataong iyon. Kung maibabalik lang ang panahon ng pangalawang beses na pagtagpo ng kanilang paningin ay sasabihin na niyang antayin siya sa panahon na magiging katanggap-tanggap na sa lipunan ang kanyang pagmamahal na nagmula sa kanyang kagandahan.

————

Ngayon ang unang araw ng klase ni Dondon sa kolehiyo bitbit ang alab at pag-asa na balang araw ay makikita niya muli ang kanyang puso. Kung hindi man niya mabawi ay umaasa siyang tubuan ng panibago para maranasan muli ang umibig. Kabaliwan niyang itinuturing ang kanyang naging paghanga. Ni hindi nga niya alam ang edad at tunay niyang pangalan. Ni hindi niya alam kung may asawa na ba siya. Umasa siya sa kutob. Kutob na ang babaeng nakita niya sa likod ng mga libro ang laan ng tadhana para sa kanya. Kutob na kanyang sinandalan sa loob ng 5 taon. Kutob na aayon din sa kaniya ang kapalaran pagdating ng tamang panahon.

Unang pinasukan ni Dondon ay ang kanyang klase sa General Psychology na hawak ni Ms. Mary Ann Estrella.

 

 

 

 

Leave a Reply