Ang Mahiwagang App



Lahok sa Saranggola Blog Awards 2014

Kategorya – Kwentong Pambata

 

——————————–

Ang Mahiwagang App

ni Metaporista

 

 

Si Rancho ay isang batang labing isang taong gulang na kinaiinggitin ng kanyang mga kalaro at mga kaklase. Mayroon siyang mga bagong gadgets na lumalabas sa sikat na tindahan. Tiyak na hindi mo siya mauunahan sa mga bagong app at balita sa lahat ng bagay dahil sa mahabang oras na nilalaan niya sa paglalaro at internet araw-araw.

Isang araw, buwan ng Disyembre, niyaya siya ng kanyang magulang sa kanilang probinsya sa isang linggong bakasyon para dalawin ang kanyang lola na ngayon ay umaaasa na sa insulin para sa kanyang mapaglarong diabetes. Binitbit ni Rancho ang lahat ng kanyang bagong gadgets na paglilibangan sa biyahe at sa kanilang tutuluyan. Ang hindi alam ni Rancho, may malaking problemang nag-aabang sa kanya.

Pagkatapos ng labing isang oras na biyahe sa Bus, tumuloy sila at dumating ng alas-kwatro ng hapon sa bahay ng kanyang lola na naghanda ng masasarap na mga bagong huling isda, pusit at salungo mula sa kanilang katabing dagat . Nagsalo silang lahat at nagkumustahan ng mga pangyayari sa kanilang buhay. Ilang saglit lang ay nagpaalam si Rancho para maglaro ng kanyang mga gadgets ngunit nagulat siya dahil halos lahat ng gadget niya ay walang baterya maliban sa kanyang bagong smart phone. Nagpaalam siya sa kanyang lola kung pwede raw siyang makisaksak ng charger ngunit tinawanan lang siya at sinabihan na sa tinagal ng panahon, hindi pa sila naaabot ng linya ng kuryente. Kung gusto raw niya gumamit ng kuryente ay bibiyahe pa sila ng apat na oras at kalahati ngunit ang susunod na biyahe ng bus ay sa susunod pang linggo, sakto sa araw ng kanilang pag-uwi. Namula sa inis si Rancho at di napigilang magtaka na may bayan pa ring hindi naaabot ng suplay ng kuryente ngayong laganap na ang teknolohiya. Binitbit niya ang kanyang smart phone, ang natitira niyang gadget na may charge, at humiga sa kanilang banig sa kan`lang pansamantalang kwarto. Ngunit pagkahiga niya ay narinig niya ang tawanan, hiyawan at ingay na dulot ng masayang paglalaro ng patintero, tumbang preso at syato ng mga bata sa kalapit nilang bahay. Palihim siyang dumungaw at nagmasid sa kasiyahan ngunit dala ng kanyang pagka-asar at dismaya, pinili niyang humiga at gamitin ang smart phone na nangangalahati na ang charge. Medyo napipikit na siya ngunit pinilit niyang nilabanan ang mabigat na antok.

Search – Latest Cool Apps

 

Search result – Sekai No.1 Game

Klinick niya ang App at ininstall sa kanyang smart phone at agad niyang binuksan. May dumungaw na babala.

Babala: Basahin ang lahat ng rules bago magpatuloy –

Tinawanan ito ni Rancho at binale-wala ang babala. Pinindot niya ito at nagulat siya ng naramdaman niyang unti-unting namamanhid ang kanyang daliri. Hinihigop ng Smart phone ang kanyang hinlalaki. Nagpatuloy ito hanggang nahigop na ang kanyang buong kamay, braso at buong katawan. Sa isang iglap ay nawala sa kwarto si Rancho.

———————

“WELCOMEEEEEE!!! Ngayong kumpleto na ang sampung kalahok, sisimulan na natin ang paligsahan!” bungad ng host na nakabihis na parang isang mahikero sa Plaza.

Pinilit magsalita ni Rancho ngunit nagtataka siya dahil hindi niya maibuka ang kanyang bibig. Kung anu-ano na ang pumasok sa kanyang isip. Hindi niya alam kung anong laro ang kaniyang nasalihan. Bigla na lamang lumabas ang sampung puting upuan na magkakatabing nakahilera na may kani-kaniyang pangalan. Pagkaupo nila`y lumabas ang mesa na may mga papel, ballpen at iba`t ibang gamit sa kani-kanilang upuan. Otomatikong lumabas ang harang sa gilid ng kanilang upuan kaya hindi sila nagkakakitaan.

Medyo napanatag si Rancho dahil kahit papaano ay kasama siya sa top 5 sa kanilang klase mula sa simula ng kanyang pag-aaral. Lagi rin siyang nanood ng balita at mga bagong teknolohiya kaya tiyak na may maisasagot siya.

“Muli ay babanggitin ko ang rule no.74 na pinaka-importante sa lahat. Ang may pinakamababang puntos ay hindi makakabalik sa realidad at habang-buhay na magiging kapiranggot na buto ng pakwan. Mayroong papel sa harap ninyo na may tatlong katanungan. Sagutan ninyo ito sa loob ng isang oras. Ang puntos ay ibabase sa kung gaano katotoo ang inyong mga sagot. Simulan na ninyo in 3.. 2.. 1.. Go!” sigaw ng host na galak na galak sa mga contestant.

Namutla si Rancho sa kapalaran ng magkakaroon ng pinakamababang puntos. Naisip niya na wala na siyang magagawa kundi ituloy ang paligsahan na aksidente niyang nasalihan.

————

Question No. 1

Kung hindi naimbento ang mga gadgets at internet, ano sa tingin mo ang iyong magiging libangan?

Question No. 2

Kung hindi naimbento ang mga gadgets at internet, sino ang pinakamatagal mong makakakwentuhan?

Question No. 3

Kung hindi naimbento ang mga gadgets at internet, saan mo gusto magpalipas ng bakasyon?

————-

Dinampot ni Rancho ang ballpen at pinag-aralan maige ang mga tanong. Napakamot siya ng ulo dahil hindi niya inakala na ganito ang magiging katanungan. Akala niya ay trivia, matematiks at lohika. Huminga siya ng malalim at sinagot ang unang tanong.

Sa loob-loob niya, kung hindi naimbento ang mga gadgets at internet ay mas pipiliin niyang hindi siya ipanganak. Hindi niya maisip ang mundo na walang Facebook, Twitter at Youtube. Hindi niya alam kung titiyagain ba niya ang paghalungkat sa naka-alphabetical order na mga eksplanasyon sa mga encyclopedia at dictionary. Hindi niya rin alam kung matitiis niya ba na pumunta sa library para magbasa ng libro at hindi para gawing palamigan lang at tambayan para kalkalin ang mga nakakatawa at kamangha-manghang bagay sa internet. Makikita mo siyang naglalaro ng basketball ngunit hindi bilang siya kundi bilang isang Lebron James sa kanyang PSP. At kung magkakaroon nga siya ng libangan kung sakaling hindi naimbento ang mga gadgets at internet, wala siyang ibang magiging sagot kundi ang maglaro sa kalye kasama ang mga kaibigan niya, noon. Noong hindi pa sila nakakaluwag sa buhay, sobrang dami ang kaniyang mga kaibigan dahil tuwing sasapit ang hapon, lalabas sila sa kalye para maglaro ng Agawan-base hanggang manlambot ang kanilang tuhod. Maglalaro sila ng tamaang tao hanggang hindi natatamaan sa ulo ang kanilang kalaro at magkaka-iyakan. Hindi rin niya pinalalampas ang patintero, tagu-taguan at tumbang preso. Ngunit nabago ang lahat. Lumipas ang taon at ang mainit na samahan nilang magkakaibigan ay nagkaroon ng uwang. Kadalasan ay solo siyang naglalakad pauwi habang suot ang earphones at hindi pinapansin ang kaway ng kanyang mga kaibigang sabik na gawin siyang kakampi dahil sa kanyang bilis, talino at diskarte. Ngayon, malamig na ngiti na lang ang kanyang isinusukli, na minsan, kaniya pang pinagkakait. Sinulat niya ang sagot sa unang tanong ng walang pag-aalinlangan.

Tumungo siya sa pangalawang bilang at hinanap ang sagot sa kalaliman ng kanyang isip. Sa loob-loob niya`y mayroon din naman siyang mga kakwentuhan na nagaganap sa pagchat niya sa iba`t ibang social media. Nailalabas niya ang kanyang saloobin at naipapahayag ang sarili. Pwede kang magtanong at sasagutin ka ng mga kakilala mo. Maraming tao na ang nahanap, nabigyan ng hustisya at napasikat sa pagkwento at pagkalat ng mga larawan sa internet. Ngunit mayroon siyang pinakanais makakwentuhan ng lubos. Mula sa kanyang pagkabata, inaliw siya ng mga alamat at tinatakot sa kwento ng mga duwende at kapre. Pinapaulanan siya ng mga kasabihan, pamahiin at kwento ng katatawanan ni Juan at Pedro. Hindi rin siya pinagsawaang sagutin at kwentuhan ng mga tunay na pangyayari noong martial law at ang sikat na anting-anting ni Nardong Putik. Kung walang mga gadgets at internet, wala siyang ibang pipiliing makakwentuhan kundi ang kanyang lola na hindi nakakalimot maglagay ng pulbo at tuwalya sa kanyang likod bago makipaglaro. Tiyak niyang hindi sila mauubusan ng pagkwekwentuhan at tiyak niyang ang kanyang mga payo ay hindi lang udyok ng kaalaman kundi pati ng pagmamahal.

Tumuloy na siya sa panghuling tanong. Alam niyang napakadali sagutin ang huling katanungan. At alam rin niya na hindi ang kwarto niyang punung-puno ng gadgets ang sagot. Sa buong buhay niya, mayroon siyang isang lugar na babalik-balikan. Ito ay ang dagat. Ang maalat na simoy ng hangin, walang tigil na pag-awit ng alon, ang mga iba`t ibang klaseng kahanga-hangang nilalang sa dagat at ang pagtitig sa papalubog na araw na nagpapapula ng kalangitan habang nakasakay sa balsa na inaalon-alon pabalik sa mabatong tabing dagat, ang dahilan, kaya niya pipiliin ang mapang-akit na kalawakan ng dagat. Naalala niya na mas maganda pa rin ang hinahain ng kalikasan kaysa sa hinahain ng parisukat na screen ng kanyang mga gadgets. Sinulat niya ang sagot sa huli at iniratay ang sarili sa pagkakaupo.

Maya-maya ay nagising si Rancho sa malalim na pagkakatulog at agad na kinuha ang smart phone sa kanyang tabi. Binuksan niya ito at ilang segundo lang ay kusang namatay dahil sa pagkaubos ng baterya. Ngunit hindi siya nagmukmok. Bumangon siya at hinagkan ang kanyang lola na ubod ng higpit. Nagpakwento siya ng sari-saring bagay at nagyaya na sa araw ng bukas ay tumungo sa dagat kasama ang mga batang kanyang nasulyapan na tiyak na mas nakakaalam ng mga pasikot-sikot at lihim na kagandahan sa kanilang bayan.

 

 

 

0 thoughts on “Ang Mahiwagang App

Leave a Reply