Kailan Lalaya?



Lahok sa Saranggola Blog Awards 2014

Para sa Kategoryang Liham

————————————————

Kailan Lalaya?

ni Metaporista

 

Dear Anak,

Alam kong nagdamdam ka sa bagay na ibinalita ko sa iyo kamakailan. Alam ko yun dahil hindi mo na sinasagot ang tawag ko at hindi mo na ako nirereplayan sa facebook. Anak, sana mapatawad mo ako kung nasaktan ko ang kalooban mo. Sana maintindihan mo rin ako balang araw. Alam mo naman na kaya ko pinili na magtrabaho dito sa abroad ay dahil namatay na ang Papa mo at wala na akong ibang maisip na paraan para mapag-aral ka sa isang maayos na Unibersidad. Alam mo naman na iyan ang priority ko dahil ayaw kong magaya ka sa akin na highschool lang ang natapos. Ayaw kong maramdaman mo na manliliit ka sa mga kaibigan mo at sa liligawan mo. Ayaw kong mabigo ka sa mga pangarap mo kaya mas pinili ko ang lumipad dito kahit ang kapalit ay magkalayo tayong dalawa. Anak matagal nang patay ang papa mo pero mahal na mahal ko pa rin siya. Wala pa ring papalit sa kanya. Pero anak, sa 4 na taon ko dito, paminsan-minsan ay nalulungkot ako dahil hindi ako makauwi dyan. Iniiyak ko na lang sa unan bago matulog.

Anak, dahil sa lubos kong kalungkutan ay nakipagkaibigan ako sa mga Pilipino para makalimot at malibang habang hinihintay na matapos ang aking kontrata sa susunod na taon. Doon ko siya nakilala sa isang gathering ng mga Pilipino. Naging magkaibigan kami at naging malapit. Palagi kitang nakukwento sa kanya at tuwang-tuwa siya dahil xerox copy ka raw ni Papa mo at nabalitaan niya na masipag ka mag-aral. Siya ang naging labasan ko ng loob pag napapagalitan ako ng aking mahigpit na amo. Pinapautang niya rin ako pag kinakapos ako sa pagpapadala sayo. At laging siya ang sumasama sa akin sa ospital kapag sinusumpong ako ng highblood at paninikip ng dibdib. Naging espesyal ang turing ko sa kanya kahit alam ko na bawal dahil mayroon siyang naiwang mga anak sa Pilipinas. Biyudo rin siya. Sana intindihin mo na sa aking pagtanda ay kailangan ko rin ng makakasama sa buhay dahil darating ang araw ay mag-aasawa ka at iiwan mo ako. Hindi mo ba naalala kung gaano ako kalungkot noong iniwan tayo ni Papa mo? Halos hindi na nila ako makilala dahil sa laki ng pinayat ko. Ngayon medyo nakakarecover na ako at madalas na ring ngumingiti dahil sa kanya. Kung nagagalit ka sa akin dahil magpapakasal kami pag-uwi ko riyan ay wala akong magagawa. Kailangan ko rin ng pagmamahal at pag-aaruga. Hinahanap ko ang lambing ni Papa mo lagi pero alam kong hindi na yun maibabalik at pawang alaala na lamang ng kahapon.

Alam kong hindi mo pa matanggap sa ngayon anak ko. Please I`m very sorry. Mahal ko na siya at sana maintindihan mo ako. Sana pansinin mo na ako dahil hindi ako makatulog sa gabi simula nung hindi mo na ako nirereplayan. Please anak. Alam kong mababasa mo ang sulat na ito. Alam kong mahal na mahal mo ang Papa mo at walang papalit sa kanya dahil siya ang pinakamabuting Ama at asawa na nakilala ko. Pero sana lang.. Please.. Maging maluwag din sayo ang pagtanggap. Palayain mo na si Papa mo. Sana dumating ang araw na papalayain mo na rin ang puso ko. I love you very much Anak. Sana love mo pa rin si Mommy.

 

Nagmamahal,

Mommy

 

 

 

Leave a Reply