Ang Mahiwang Torotot ni Torong Torotot

Ang Mahiwang Torotot ni Torong Torotot



Ang Mahiwagang Torotot ni Torong Torotot

ni Metaporista


Isang araw sa bayan ng mga minerong kabayo ay may malaganap at malalang epidemyang kumalat na nagdudulot ng lagnat, pagkahilo at pagsakit ng tiyan. Halos lahat ng mga kabayo sa bayan na iyon ay nadapuan ng matinding sakit. Hinala nila ay dahil iyon sa kanilang nahukay na kemikal na humalo sa hangin at katubigan. Ilan sa kanila ay nahihirapan ng magtrabaho at halos araw-araw ay may nababalitang mayroong nahahawa.

Natakot silang lahat at nag-alala lalo na ang mga namumuno sa kanilang bayan. Gusto na sana nilang lisanin ang lugar ngunit malaki ang kanilang panghihinayang dahil nakakapamuhay sila ng may karangyaan dahil sa kanilang sari-saring mga mineral na namimina. Nagpagamot na sila sa mga kwagong doktor ngunit wala pa raw lunas sa ganitong uri ng sakit kaya’t nag-isip ang namumuno kung ano ba ang kanilang magandang gawin.

Isang araw, habang abala sa pagtratrabaho ang mga minerong kabayong may sakit ay dumating si Torong Torotot bitbit ang kaniyang dalawang torotot mula sa malayong lungsod. Dumiretso siya kay Kakang Kabayo na siyang namumuno sa kanilang bayan.

“Mahal na Kakang Kabayo, umabot sa aming lungsod ang kalagayan ng iyong bayan. Marami raw ang nagkakasakit at patuloy raw ito na kumakalat at ito ay dahil sa kemikal na humalo sa hangin at katubigan.” ang magalang na paunang salita ni Torong Torotot.

“Ako si Torong Torotot at marami na akong napagaling na iba’t ibang uri ng hayop. Noong nabulag ang mga Karterong ibon ay ginamit ko ang aking torotot upang mapagaling sila at muling makakita” dagdag na kwento ni Torong Torotot.

“Noong inatake ng hika ang mga panaderong aso ay agad nila akong pinatawag at akin silang ginamitan ng aking mahiwagang torotot at sa isang iglap ay nanumbalik ang kanilang paghinga.” patuloy na pagsasaad ni Torong Torotot.

“Noong mangulubot ang balat ng mga tinderang tilapia ay tinorotot ko sila isa-isa at isa-isa silang gumaling at ikinatuwa nila iyon at ipinagpasalamat ng malaki.” sambit pa ni Torong Torotot.

“Lahat sila ay aking napagaling dahil sa aking mahiwagang torotot. Gusto ko kayong matulungan at mapagaling ngunit gusto kong ipaalam sa inyo na kailangan niyong makapasa sa pagsusulit na aking ibibigay. Kapag hindi kayo nakapasa ay hindi gagana ang aking dalawang mahiwagang torotot at hindi na kayo gagaling pa.” paliwanag ni Torong Torotot.

“Torong Torotot, ngayon ko lamang narinig ang iyong pangalan. Sana ay mas maaga nakarating sa iyo ang aming kalagayan. Anuman ang pagsusulit na iyan ay nakahanda kami na iyan ay malampasan para gumaling kami sa aming mga karamdaman.” mataimtim na sagot ni Kakang Kabayo.

Ipinatawag ni Torong Torotot ang lahat ng mga kabayong minero at tinipon sa kuwadra. Ipinaliwanag niya ang kondisyon sa lahat ng mga kabayo at matimong nakinig sa kanya ang lahat.

“Maghanda kayo ng tatlong karo na inyong pagdudugtungin. Ang unang karo ay maglalaman ng lahat ng ginto na maaaring mapagkasya at inyo itong tatakpan. Ang pangalawang karo ay maglalaman ng lahat ng diamante na maaaring mapagkasya at inyo ring tatakpan. Ang pangatlong karo ay maglalaman ng mga papel na susulatan ninyo ng inyo-inyong pangalan at kahilingan na kayo ay gumaling sa karamdaman at inyo rin itong tatakpan. Ngayong gabi ay ihahanda natin ito at iiwan sa gitna ng bayan. Susubukan ko kung malinis ba ang inyong puso. Dapat ay wala ni isa man sa inyo ang gagalaw ni sisilip sa tatlong karo. Sa araw ng kinabukasan sa ating paggising ay bibilangin natin ito ng sabay-sabay para matiyak na nakapasa kayo sa inyong pagsubok.” Paliwanag ni Torong Torotot sabay ihip sa kanyang dalawang torotot na napakalakas na dumagundong sa buong bayan na ikinatuwa ng lahat ng mga kabayo.

Nagtulong ang mga minerong kabayo na ihanda ang mga karo, ginto, diamante at papel na lakip ang kanilang pangalan at kahilingan. Matapos maihanda ang lahat ay mapayapa silang bumalik sa kanilang mga tahanan upang matulog. Galak na silang gumaling sa kanilang karamdaman sa araw ng kinabukasan.

Pagkatilaok ng mga manok sa umaga ay sabay-sabay na nagtungo ang mga minerong kabayo sa gitna ng kanilang bayan. Nakapalibot sila sa tatlong karong may takip at handang-handa na sila na bilangin ang lahat ng mga kayamanan.

“Mga kakabayo, ilang sandali na lang ay gagaling na tayo sa ating mga karamdaman! Mabuhay ang mahiwagang torotot!” sigaw ni Kakang Kabayo.

Lalong nadagdagan ang kanilang kasabikan sa sigaw na iyon. Inaantay na lamang nila ang pagdating ni Torong Torotot upang masimulan ng bilangin ang laman ng karo.

Ngunit..

Lumipas ang isang oras ay wala pa rin si Torong Torotot.

Lumipas ang dalawang oras at hindi parin ito nagpapakita.

Lumipas pa ang mga oras at nainip na sila.

Nakaramdam ng paghihinala si Kakang Kabayo. Lumapit siya sa mga karo para ito ay silipin ngunit pinigilan siya ng mga minerong kabayo dahil baka kasama raw ito sa pagsubok at pag ginalaw at sinilip nila ito ay hindi na sila gumaling pa. Tumigil sandali si Kakang Kabayo at bumalik sa kanyang pagkaka-upo.

Lumipas pa ang ilang oras at tuluyan na ngang gumabi.

Nagpasya ang mga kabayo na bumalik na lamang kinabukasan upang antayin ang pagbabalik ni Torong Torotot.

Nang makaalis na ang mga kabayo, tahimik na naglakad si Kakang Kabayo para silipin ang mga karo. Sinilip niya ang karong naglalaman ng mga pangalan ng mga kabayo at laking gulat niya dahil nandoon pa rin ang mga papel na nakasulat ang kanilang pangalan. Patahimik siyang naglakad palayo habang nagsisisi dahil siya pala ang magiging dahilan sa hindi paggaling sa kanilang karamdaman dahil ginalaw niya ang karo. Nagsimulang pumatak ang luha sa kanyang mga mata dahil sa pagsisisi nang biglang umihip ang napakalakas na hangin. Nagulat siya dahil gumalabog ang sahig dahil hinangin ang tatlong karo na nasa gitna ng bayan.

Kumaripas siya pabalik para tingnan ang karo at laking gulat niya nang matanggal ang takip ng mga ito. Hinangin ang mga papel pataas na nasa pangatlong karo at lumipad ito hanggang sa hindi na niya ito makita. Napadapa siya sa sahig nang makita niyang walang laman ang una at pangalawang karo. Sumigaw siya ng napakalakas “Magnanakaw! Manloloko! Mga kakabayo niloko tayo ni Torong Torotot!”

Naglabasan ang mga kabayo at nakita nga nila ang kalagayan ng karo.

Agad silang tumakbo bitbit ang ilaw para habulin si Torong Torotot ngunit dahil silang lahat ay may sakit, hindi na sila nakalayo at humabol pa. Umiyak silang lahat sa galit at pagka-inis kay Torong Torotot. Hindi sila makapaniwalang pinalitan ni Torong Torotot ang dalawang karong may kayamanan at iniwan ang karong naglalaman ng kanilang pangalan, pangarap at pag-asa.

Wakas


Ilang libong pamilya at pangarap na ang gumuho dahil sa mga mapagsamantalang tao. Mula sa mga illegal recruiter hanggang sa mga scammer na nangangako ng magandang buhay gamit ang matatamis na salita at pangako na hindi mo akalaing pangako lang sa hangin. Sa hirap ng buhay at di makatarungan batas, nagagawa ng iba na makapanloko at makapandaya. Karaniwan, inaalam muna nila ang kahinaan mo at doon ka nila aatakihin ng mga pangako dahil tiyak na doon ka maaakit. Lalo na ngayon na umusbong na ang teknolohiya, marami ang gumagamit nito sa kasamaan, paninirang-puri at panloloko. Ito ang panahon na napakadaling magpakalat ng katotohanan pero napakadali ring magkalat ng kasinungalingan. Maraming nadadaya gaya ng paggamit ng mga pekeng account na may alias at ang mas matindi ay paggawa ng mga account ng ibang tao o mas kilala bilang poser. At ang sinasabi ng iba, hindi na raw sila madadaya ninuman sa internet dahil hindi na raw sila bata… Oo yun ang problema, ang mga bata. Sila na hilaw pa ang kaisipan at parang inaalon ang isip. Sila na nagsisimula pa lang mag-experimento ng mga bagay-bagay. Sila na nagsisimula pa lang mangarap. Sila ang mga minerong kabayo na hindi makakapalag dahil mahihina. Sila ang pinakamadaling mauto at madaya ni Torong Torotot. At di natin maipagkakaila na mula ngayon hanggang sa kanilang pagtanda ay tiyak na may manloloko sa kanila. Hindi natin alam kung ano ba ang makukuha sa kanila: Pera, Dangal o Buhay. Walang masama kung ipapaalam natin na maraming Torong Torotot ang nagkalat sa mundo. Wala sa hitsura, estado ng buhay at pinag-aralan. Kahit sinong ating nakakasalubong ay pwedeng makapandaya kaya lubos na pag-iingat ang kailangan.


Ito ay lahok para Saranggola Blog Awards 2015 – Kategoryang Kwentong Pambata

sa pangunguna ni Sir Bernard Umali

Saranggola 336x280

Featured image from littleeuropeproperties.com

Leave a Reply