Pansamantalang abala, kapalit ay pangmatagalang ginhawa

Pansamantalang abala, kapalit ay pangmatagalang ginhawa..”

Yan ang ating mababasa sa mga lugar na inaayos, pinapaganda at pinapalawak. Tulad na lang nung pagdugtungin nila ang ating MRT at LRT sa Monumento. Kung minsan kasi, ang pagbabago ay napakahirap simulan o gawin dahil maraming maapektuhan sa hakbang natin na iyon. Kung isasaayos mo kunwari ang daanan na isang kalsada, dapat lang na hindi mo ito muna padaanan hanggang sa maisaayos na. Ang epekto ay magiging napakalaki dahil magdudulot ito ng trapik at pagkairita sa mga dumadaan dito. Kung gusto mong sunduin ang anak mong dalaga galing school araw-araw para masigurong wala siyang magiging boyfriend, magsasakripisyo ka ng oras para masundo pa siya. Oo’t maaabala tayo saglit, ngunit para sa huli’t huli, tayo rin ang makikinabang dito.

Alam niyo bang napapalibutan tayo ng ganitong bagay? Tulad na lang ng mga sumusunod na mga tao na nakakabilib dahil ginagawa nila ng tama ang kanilang trabaho.

  • Mas nakakabilib ang guard na mahigpit at walang palya na tumitingin sa bag at kumakapkap kahit mahaba na ang pila kesa dun sa guard na walang pakialam kung ano man ang laman o dala ng taong papasok sa kanilang establisyimento.
  • Mas nakakabilib yung Janitor na magalang kang papalipatin ng pwesto o ipapataas ang paa mo para malinisan niya ng maige ang lugar na iyon kesa dun sa lalaktawan ka na lang dahil ayaw niyang maistorbo ka.
  • Mas nakakabilib yung teller sa MRT at Coastal road at iba pa na nagpapatupad ng exact toll o fare only na hindi ka pabibilihin pag hindi sakto ang pera mo o kaya’y hindi  ka na lang nila susuklian para maging patas sa lahat at para mapanatili ang kanilang mabilis at tuloy-tuloy na serbisyo.
  • Mas nakakabilib yung cashier sa National bookstore na nanunukli ng tigsisingko at diyes para mabigyan ka nila ng saktong sukli.
  • Mas nakakabilib yung mga gasoline boy na hindi umaangal kung may magpapalagay ng tubig sa radiator kahit na mahaba ang pila para na mapanatiling maayos ang makina ng kostumer nila.
  • Mas nakakabilib yung mga kartero sa manila na ang libangan ay paglalaro ng Darts at hindi ang pagbulatlat sa mga sulat at package ng mga tao.
  • Mas nakakabilib ang mga nagtitinda ng kendi at yosi sa kalye kahit tig sisingkwenta sentimo lang ang tubo nila kada stick kapalit ng pagbilad sa init ng araw kesa sa mga holdaper na ubod ng sipag sa gabi.
  • Mas nakakabilib yung mga nagpropromote ng ng produkto sa SM na buong araw nagsasalita at tumatawag ng mam sir mam sir kahit na hindi sila pinapansin ng mga taong dumadaan.
  • Mas nakakabilib yung mga jeepney driver na walang pakialam kahit tumutuktok na ng napakalakas ang pasahero hangga’t wala pa sa tamang daanan kesa dun sa isang tuktok lang e titigil na agad kahit nasa gitna pa siya ng crossing.
  • Mas nakakabilib ang mga baguhang nurse sa probinsya na tinitiis ang paunang bayad na walong libong piso sa  mga lokal na hospital kesa sa mga nurse na pinili magtrabaho sa Jollibee para kumita ng mas malaki.
  • Mas nakakabilib ang mga nagtitinda ng kwek-kwek at isaw na hindi namumulot at nagrerecycle ng stick na pantuhog para mapanatiling malinis at ligtas kainin ang tinda nila.
  • Mas nakakabilib yung mga secretary sa mga lokal na school na inaasikaso ang kailangang papeles ng mga studyante sa pinakamabilis na panahon kesa sa mga secretary UP educ na sobrang bagal ang serbisyo at tila hindi nililingap ang kanilang mga estudyante.
  • Mas nakakabilib yung presidenteng napagtulungang mapatalsik na madaming magawa kesa sa presidenteng nakatapos ng termino na walang kaunlarang naidulot.
  • Mas nakakabilib ang mga pulis na payat kesa sa mga pulis na parang buntis.
  • Mas nakakabilib ang mga taong baon sa utang na pilit na nagbabayad paunti-unti kesa sa mga taong tinatakasan na lang ito sa pamamagitan ng pagtatago at pagpapakamatay.
  • Mas nakakabilib ang mga kabataang nakabuntis na pinanagutan ang kanilang girlfriend at anak kahit wala pa silang kakakayahang mabuhay ito ng marangal kesa sa kabataang pipiliing ilaglag ang anak para mapanatili ang karangalan nila.
  • Mas nakakabilib ang pilipinong killer na nagbagong buhay na kesa sa pilipinong mabait kunwari ngunit palihim namang nangpapadukot at nangpapapatay ng midya at mamamayan.

Napakarami pang dapat kabiliban sa ating kapaligiran pero minsan, dahil sa ating yabang at agarang pagbibigay ng kritisismo sa isang sistema o taong nakakadulot sa atin ng abala, hindi natin sila makita. May mga taong gustong magsimula ng pagbabago. Hindi nga lang nila minsan iyon maipagpatuloy dahil napanghihinaan sila ng loob sa mga komento ng naaabala. Kaya, kung gusto nating simulan ang pagsasaayos at pagpapagawa, ipamukha at ipaalala muna natin sa kanila na ating gagawing Pansamantalang abala, ang kapalit ay pangmatagalang ginhawa.

– Metaporista

Leave a Reply