Ang Bumerang

Ang Bumerang


Kaklase: O! Nabuhay ka ahhh!
Ako: Oo naman.. Ako pa.. Aral ulit..
Kaklase: Ano nangyari sayo?
Ako: Basta mahaba.. Kain muna tayo.. Kwento ko..

Yan ang mga pambungad na bati ngayon ng mga naging kaklase ko noon. Nakakatuwa dahil di nila ako nakalimutan. Tuloy-tuloy ang kwentuhan hanggang sa magtatanungan na ng mga kursong kinuha para sa susunod na tatlong buwan. Ang iba ay hindi makapaniwala na naiwan na talaga nila ako. Bakit ba naman hindi? Dalawang taon ba naman ako halos tumigil e. Ngunit hindi Ko naman masasabi na nasayang ang panahon na iyon sapagkat nakasama at naalagaan Ko naman ang aking Ama, na naging daan para Ako’y maging isang ganap na tao, hanggang sa huling sandali ng Kanyang buhay.

Nagtrabaho Ako para makasuporta sa Aming pinansyal na gastusin na hindi ko pinag-dalawang isipan dahil ako ang panganay na anak sa aming pamilya. Wala akong ibang magagawa dahil ang aking Ama ay nasa banig noon ng isang malubhang karamdaman. Apat na kumpanya ang aking napagtrabahuhan sa bansang Hapon. Nasubukan kong mag tapal ng semento sa mga biyak-biyak ng poste, Mag-lagay ng mga produktong plastik sa kahon, Mag-Welding ng mga bakal na ginagamit sa mga parte ng sasakyan at ang huli ay ang mag-kontrol ng robot na gumagawa ng mga parte ng mga makinang pang-imprenta. Nagtagal ako sa huling kumpanya dahil mayroon akong nakasamang mga Pilipino na madali ko nakagaangan ng loob na hindi gaya sa mga una kong napasukan. Buti na lamang at parehong lenggwaheng tagalog ang aming alam. Mayroon din ibang mga pilipino doon ngunit hindi ko sila makausap dahil hindi sila marunong mag-tagalog at hindi ako marunong mag-bisaya. Bagama’t parehas kaming pilipino, Ingles na lang ang aming ginagamit sa aming usapan upang lubusan na magkaunawaan.

Ang Aking pangalan ay nangangahulugang, “Unang Heneral” na ibinigay ng aking Ama. Kasalukuyang labing siyam na taong gulang. Ipinanganak noong Hunyo 10, 1988, alas-11 ng gabi, sa Bacoor, Cavite. Ang aking ama ay Isang Enhinyero Sibil Ng Kumpanyang Nippon Concrete, Lumaki sa Oita ken, Hita City, Japan, at magdiriwang ng kanyang unang taon ng pagkamatay sa Kanyang Kanser sa Atay sa Darating na Pebrero 12. Ang aking Ina ay Lisensiyadong Cultural Dancer Noong 80`s, Isang mabuting Ina na nabiyayaan ng talento sa pagluluto at matuwid na pagpapalaki sa anak. Ako’y may isang kapatid na Artistahin na may pagkamukhang Italiano dahil sa taglay na matangos na ilong. Mapapansin nyo ako sa aking pagiging Balbon, Singkit na mata, Kayumanggi at may tamang Taas. Hindi ako Maarte sa Pagkain. Wag lang Dinuguan. Mahilig akong Mag-Kape, Sa Bahay at hindi sa StarBucks. Hindi Ako mahilig manood ng TV. Sa Diyaryo At Internet lang ako kumukuha ng Balita. Mahilig ako sa Musika, Pero wala yatang hilig ang musika sa akin. Mahilig ako sa Pepperoni at Mustard. Naglilinis lang ako ng bahay pag may ipis akong nakita o kaya pag may bisitang paparating. Wala akong Bisyo.

Kaklase: Bakit hindi ka na lang mag aral sa Japan?
Ako: Bihira sa kanila ang marunong mag ingles e.. Hindi naman ako ganun kagaling maghapon kasi dito ako lumaki sa atin..
Kaklase: Pwede naman mag-aral diba?
Ako: Sayang sa oras..
Kaklase: Bakit di ka lumaki dun?
Ako: ah e..

Yan ang tanong nila. At yan din ang tanong ko sa aking sarili at sa aking mga magulang. Bakit hindi nila ako doon pinalaki? Pinaliwanag na naman na nila sa akin at nakumbinsi naman nila ako sa kanilang mga sagot. Una ay ang malaking Gastusin. Sunod ay ang kanilang pangamba na baka raw makuha namin ang ugali ng ibang hapon na parang istatwa lamang ang turing sa kanilang magulang na dinaraan-daanan lamang pag sila ay tumanda na. Hindi raw sa lahat ng oras ay nariyan sila sa aming tabi upang kami’y gabayan. Kung doon kami mag-aaral ay tiyak na maiimpluwensiyahan kami ng aming kapaligiran. Hindi naman sa sinasabi ko na masama ang kapaligiran ng hapon. Sa totoo nga ay napakapayapa  ang loob ko sa bansang iyon. Malinis, Masarap ang pagkain, Walang namamalimos, Walang Kotongerong Pulis, Wala masyadong gulo at away, Walang bako-bakong daan, Walang Tambutsong nagbubuga ng napaka-itim na usok at higit sa lahat, Walang NPA o Abu Sayyaf na nanggugulo sa kapayapaan ng bansa. Pero Hindi ko naman minamaliit ang Pilipinas ng ganun. Kahit Ganito ang ating Bansa, Mas mahal ko ito kaysa sa bansang hapon.

Lumaki akong Batang Kalye dito sa Pilipinas. Walang larong Kalye na hindi ko nalaro. Kung may parusa lang sa mga batang sobra ang paglalaro, Tiyak, masisintensyahan ako ng habang buhay na pagkabilanggo. Hindi mabubura sa aking alaala ang aking kabataan. Kaya sa Cavite ko sinalubong ang taong 2008 para makamusta ko naman ang aking mga kababata na minsan pa’y nagpangiti sa aking munting labi.

Pagdating sa pag-aaral, hindi ako ganun kasipag. Ayaw kasi ng aking mga magulang na pilitin ako mag-aral dahil naniniwala sila na makakasama sa bata ang sobrang pag-aaral. Gusto nila na ma-enjoy namin ang aming kabataan. Pero hindi naman kami nagpapahuli at napapabayaan dahil tinuturuan naman kami ng aming magulang sa alam nilang mas epektibong paraan.

Apat na paaralan ang nilipatan ko ng ako’y nasa elementarya pa lamang. Kaya hindi na naging mahirap sa akin ang makisalamuha sa iba’t ibang uri ng mukha sa aking murang edad. Pero tulad ng Isang ordinaryong bata, Isa rin akong mahiyain na hindi mo mapapakanta ng Sitsiritsit Alibangbang ni’ mapapasayaw ng boogie. Mahabang pakiusapan bago maipilit na ibuka ang aking bibig para sumabay sa himig ng buong klase. Kung ano-anong pang-uuto ang kanilang ginagawa para maigalaw Ko lang ang Aking mga paa upang sumayaw.

Ngunit nawaglit din ang aking pagiging mahiyain noong Ako’y nasa sekondarya na. Sa wakas, Sa Awa ng Diyos. Naging aktibo sa aktibidad sa lahat ng Isports lalo na sa Pagtakbo At Basketbol. Naging mananayaw ng Iba’t ibang sayaw na ipinanlalaban sa ibang kalapit na Paaralan. Gumanap sa Iba`t Ibang katauhan sa Larangan ng Pag-arte sa aming Paaralan. Ngunit ang Pinaka-gusto ko sa lahat ay ang Sabayang Pagbigkas. Nakilala ako na may Pinaka-Dumadagundong na Boses. Malakas na Boses na nagiging daan na rin para makabawas ng paminsang Sama ng Loob.

Wala naman naging Problema sa aking Akademiko. Siyensiya’t Agham, Matematiko at Filipino Ang aking naging Paborito. Pinaka-ayaw ko naman ang Ingles dahil inaantok ako sa Pag-buo ng mga salita na hindi ko matangkilik kahit na anong pilit. Kung Minsan ay hindi na ako nakakagawa ng Takdang Aralin dahil pagdating sa bahay ay kain at tulog na lang. Pagod dahil pagkatapos ng klase ay Diretso agad sa Basketbolan at Pagkatapos maglaro, Diretso sa Kompyuteran at pag masakit na ang mata, Diretso na sa kaibigan Hanggang sa hanapin na ng Magulang. Pasaway akong Bata. Pero sa tingin ko, Kung haharapin ang Realidad, Ay normal lang ang mga bagay na iyon. Tiyak hindi ako mauubusan ng Kwento sa magiging Apo ko tulad ng ibang lolo na Walang ibang ma-ikuwento, Kundi ang kanilang pagiging kaanib sa Hukbalahap at pagtago sa likod ng mga Damong Dayami. Sana lang ay hindi ko lubusang Malimot ang mga bagay sa mga darating na panahon.

Gumising ako isang araw na nakangiti. Unang Araw sa Kolehiyo. Panibagong Mundo, Malalaki na ang mga tao. Hindi puwedeng Hindi ko ito ayusin. Isa na Ito sa magiging batayan ng Hinaharap ko. Kailangan ko ng Mag-Seryoso. Hindi na Biro kapag Matrikula na ang Pag-uusapan. Kung babagsak, Malaking pera ang masasayang. Kung Babagsak, Kailangan nanaman mag patulo ng Pawis ang aking mga magulang. Kung Babagsak, Sayang ang Tatlong buwan. Kaya naman pinilit ko ng Makakuha ng Akademikong Iskolar. At sa awa ng Diyos, Napunta ako sa mga Gurong may Utak at Puso dati.

Pinili ko ang Programa ng Pagiging Enhinyero Sibil, Dahil alam ko, Gaya ng aking Ama, Hindi ako mapapaupo sa Opisina ng Walong Oras At Hanggang Mamanhid na ang Puwet. Ang Gusto ko ay ang Magtrabaho Sa Labas na may Sariwang Hangin, Malayang Kumilos, Maraming Lugar na Napupuntahan, Maraming natutulungan, Gumawa ng Bagay na Magiging Kapakinabangan Ng Sangkatauhan At Trabahong may Karangalan na walang natatanggap na banta sa Aking buhay at Pamilya Gaya ng mga nasa Politika, Pulisya at Media.

Sino na ba ako ngayon? Ama na ako ng aking Ina at Kapatid. Isa pa ring Istudyante na namumuhay mag-isa na malayo sa mga kamag-anak. Sariling Saing, Laba, Plantsa at Linis. Buti na lang at tinuruan ako ng aking Ina ng mga gawaing bahay at Hindi kami Sinanay na maging Senoritong Mangmang na nganganga lang at ngunguya.

Nagsisikap ako ngayong Termino na mabawasan ang aking Matrikula sa susunod na termino sa pamamagitan ng mataas na grado. Sana Lang Ay Walang maging hadlang. Sana di ako madaig ng tukso na magpabaya sa Pag-aaral. Pero alam ko, Na hindi ko yun magagawa kung hindi itutulot ng Diyos na nagtitiyagang Magdagdag ng aking hininga para manatili akong buhay. Ika nga ni Andrew E. “Nasa Diyos ang Awa, Nasa tao ang Gawa”. Kaya naman, Dahil nakabalik na ako sa Pag-aaral, Dahil malakas at Buhay pa ang Ina at Kapatid ko, Dahil kaya ko pang Tumikim ng Kape, Dahil buo pa ang Kamay at Paa ko, Dahil alam ko pa ang Sagot sa 1+1, Dahil Matibay pa akong nakapananatili sa Relihiyong aking kinabibilangan At Dahil Andiyan si *** na aking Inspirasyon, Karapat-dapat lang na Ibalik ko sa Diyos ang Lahat ng Kapurihan sa kanyang banal na Pangalan.

Pagbabago. Permanente na talaga yun sa buhay ng tao. Pwedeng mapabuti, Pwedeng mapasama. Pero kung alinman sa Dalawa ang mangyari, Diretso lang tayo. Wag isuko ang buhay dahil sa maliit na sugat na ating natamo. Kapag Pakiramdam natin na tayo ay Wala ng kuwentang tao, Sulyapan lang natin ang magagandang bagay ng ating nakaraan, Kung Paano ka ngumiti at Nagpangiti ng kapwa mong minsan ding nagdanas ng mabibigat na problema.

Kaklase: May notes pa akong nakatabi tsaka mga Libro.. Sabihin mo lang..
Ako: Salamat.. Sabihin ko na lang sayo sa susunod..
Kaklase: Teka.. Teka.. Ang Taba mo ah!!!

Enero 8, 2008

Talambuhay ni Metaporista

-metaporista

0 thoughts on “Ang Bumerang

  1. Apat na taon na pala ang lumilipas.

    Mainam ito, maaga pa lamang ay alam mo na kung saang daan ka patutungo. Yong buhay na gusto mo, masaya, payapa, may kapakinabangan, magmamahal, tutulong..ano pa…Basta marami.

    Happy New Year Met

Leave a Reply