May Nyebe din sa Pinas

Hindi ang pekeng nyebe sa Baguio ang tinutukoy ko kundi ang nyebe sa mga tollgate tulad na lang sa coastal road. Oo, ang mga munting resibo na nagkalat sa tuwing ako’y tumatawid dun. Meron namang nakahandang munting basurahan dun pero mas gusto pa rin ng karamihan na ilaglag ito sa kalsada. Kung ang simpleng bagay lang na resibo ay hindi magawang itapon ng mga driver ng maayos, paano pa kaya ang kabuuan ng ating populasyon. Siguro nga at hindi kakalat palayo ang resibong kinakalat nila dahil mahahawi lang ito papunta sa gilid at tsaka na lamang nila ito wawalisin. Tama ba naman yun? Hindi ba mas ok kung wala ng wawalisin yung taong gagawa nun? Paano na nga naman pala ang ating mga oyster sa kalsada sa manila na linis ng linis kung wala na silang basurang lilinisin kundi ang mga nalalagas na dahon na lang? Mawawalan na ba sila ng trabaho? Oo, may pera sa basura, pero sa pagkakalat natin nito, kailangan nating magbayad para malinis ito. At hindi lang pagbabayad ng pera ang ibig kong sabihin kundi ang pagbabayad sa ginawa nating kasiraan sa kalikasan. hindi ba’t lahat naman ng drayber na makakapagdrayb sa highway ay dapat ng 18 anyos pataas? Ibig sabihin, 18 anyos na sila pataas pero hindi pa rin nila alam ang epekto ng pagkakalat ng basura? Sana maglagay na lang sila sa tollgate ng mga karatula na itapon ng maayos ang kanilang basura o kaya naman ay bigyan ng seminar ang mga kukuha at magpapanibago ng lisensya sa pagmamaneho patungkol sa pagiging responsableng mamamayan na iiwas sa pagkakalat. Nakakaawa naman sila. 5 taong gulang pa lang ako alam ko na na masama ang magkalat at pinipilit ko sa sarili ko na sundin yun. Tipong pag-ihi nga sa dagat ay hindi ko magawa nung bata ako dahil alam kong madudumihan iyon.

Napakadami nating munting magagawa para makatulong tayo sa pagbawas ng kalat sa kapaligiran. Ito ang ilan sa mga naisip ko:

  • Sino ba ang nagpauso ng pagsalin ng softdrinks sa plastic ng yelo at lagyan ito ng straw? Yan kasi ang karaniwang nakikita kong kalat sa kalsada e. Sana ipagbawal na yun sa lahat ng Sari-sari store sa buong pilipinas.
  • Sa UP Los banos bawal ang plastic bag. Sa UP diliman bawal ang styropor. Sa Singapore bawal ang chewing gum. Hindi ba natin pwedeng ipagbawal yung 3 sa buong pilipinas? Sa ilang shopmart sa japan, may additional na bayad pag ipapaplastic mo yung bibilhin mo. Kaya kahit papaano maiisip mo na magdala na lang ng malaking bag na pwedeng paglagyan para makalibre. Buti pa nung unang panahon kung saan uso pa ang balde at bayong, hindi tulad ngayon plastic bag na na diretsong tapon.
  • “Practice segregation”, “Paghiwa-hiwalayin ang mga basurang nabubulok at hindi nabubulok” at iba pa. Yan ang makikita nating nakapaskil sa mga Truck ng Leonel Waste management at sa mga pader kung saan-saan. Umaga na, dadaan na ang truck, ilalabas na ng bawat bahay ang kanilang basura, ilalapag sa gilid ng kalsada, kukuhain ng basurero, paghihiwa-hiwalayin ng basurero bago itapon. Tanong, para saan pa yung “Practice segregation” kung yung mga basurero lang din naman pala ang magsesegregate? Ang masama ay iba ang sinesegregate ng ibang basurero. Imbis na nabubulok at hindi na bubulok, Mapapakinabangan at hindi na mapapakinabangan ang kanilang nagiging basehan. Alam nyo bang sa Japan ay hindi nila dadamputin ang basura niyo pag hindi nyo ito sinegregate? sobrang higpit nila pagdating sa basura. “Mamatay kayo sa baho, hindi namin dadamputin yan para matuto kayo“, yan ang prinsipyo nila na sa tingin ko ay dapat nating tularan. Iba na din kasi ang prinsipyo sa atin, “Boy pakihiwalay na lang ha, ako ng bahala sayo sa pasko“. Isa pa, Umagang-umaga, papasok ka sa opisina, bagong ligo ka nakagayak ng maayos tapos dadaanan ka lang ng truck ng basura ni Leonel na umaalingasaw. Sana Mga bandang alas- 2 o tres na lang sila mangolekta. Bumabaho ang umaga ng pinoy e.
  • Alam nyo bang napakasama sa katawan ang sobrang lead? Kaya nga meron na tayong unleaded ngayon. Ibig sabihin ay hindi na nilalagyan ng lead. Oo, hindi ibig sabihin ng unleaded ay tinanggalan ito ng lead kundi hindi ito nilagyan ng lead. Ang lead ay isang additive lang sa gasolina. Tanong, bakit nilalagyan ng lead ang gasolina dati? Nilalagyan nila ng lead dati ang gas dahil nakakapagpatibay ito ng loob ng makina ng isang sasakyan pero hindi pa nila alam noon na makakasama ito sa katawan ng tao pag nasobrahan sa langhap. Isa sa epekto ng lead ay ang pagkatulog habang nanunuod ng TV. Nakakatuwa dahil sinosolusyunan na ng gobyerno ang problemang ito. Dapat lang na ipagpatuloy nila ito.
  • Tingin sa kaliwa, Tingin sa kanan, sabay tapon ng basura sa creek. Mga hindi edukado ang gumagawa nito. Dapat sa kanila, barilin sa sentido.

May nyebe din sa pinas.. mabaho nga lang ito at karaniwang hindi puti.. Kung saan-saan din ito bumabagsak.. Pwedeng sa bubong.. sa creek.. sa kalsada.. at pwedeng pwede rin sa mga basurahan, kaya lang, kinatatamaran..


-Metaporista

Marso 16, 2010

0 thoughts on “May Nyebe din sa Pinas

  1. disiplina.dito tayo nagkukulang.maliit na scope lang ang mga ‘nyebe’ pero sumasalamin ito sa pangkalahatang bahagi ng lipunan.

    magandang araw.nakiraan lang sa iyong pahina.

  2. Salamat sa pagdaan. Tama, disiplina nga ang wala tayo. Wala kasi tayong tamang paraan ng pagdisiplina. Kung magkakaroon man, matagal pa mababago ang mga taong walang disipllina dahil dominante sila sa mundo. At dahil milyong tao ang may motto na “nobadis parpek, tao lang”.

Leave a Reply