June 30, 2010 ng Pilipinas

 

Para sa ilan, ito raw ay araw na simula ng pagbabago sa ating bansa. Para sa karamihan, ito ay ordinaryong araw na lilipas na kaparehas lang ng mga nagdaan.

Si P-Noy at B-Nay ay manunumpa ngayong araw sa Quirino Grandstand. Sasaksihan sila ng buong pilipinas at ng mga pilipino na nasa ibang bansa. Ispesyal ang araw na ito. Ito ang araw na pagtataas ng kanilang kanang kamay at panunumpa sa bawat pilipino na kanilang masasakupan. Hindi ordinaryong panatang makabayan ang kanilang sasambitin kundi isang panunumpa sa paglilingkod ng tapat sa buong pilipino sa loob ng anim na taon. Walang bahid na dungis. Walang pag-iimbot. Walang sawa.

Bagaman magkakaroon tayo ng bagong mangungulo sa atin, hindi sapat na iasa lamang sa kanila lahat ng solusyon sa ating bansa. Nandiyan sila para magmando, manguna at magdesisyon ng mga bagay na ikabubuti ng ating bansa. Inuulit ko, ng ating bansa at hindi lamang mayayamang tao sa ating bansa.

Hindi ko tinutuligsa ang mga mayayaman. Karamihan sa kanila ay naabot ang kanilang estado dahil sa pagsisikap at pagtitiyaga na kanilang ginawa. Iilan lang naman sa kanila kung tutuusin ang yumabong ang kabuhayan dahil sa pandaraya at panloloko. Pero natitiyak ko na lalagpas ang bilang nila sa mga daliri ko sa kamay at paa.

Hindi ko rin sinasabi na hindi nagsusumikap ang mga mahihirap. Karamihan sa kanila ay nagsisikap ngunit hindi pa rin sapat ang kanilang kinikita para makaalwa sa buhay. Sinisisi nila ang maliit na pasahod, mahal na bilihin, mahal na singil sa serbisyo at higit sa lahat kurakot.

Mahirap ding puntiryahin na kaya sila naghihirap ay hindi sila nakapagtapos ng pagaaral. Dahil maraming pilipino ang hindi nakapagtapos ang nakaahon sa kahirapan. Mali ang itinanim sa isip natin na ang pagtatamo ng edukasyon ay katumbas ng pagkakamit ng kayamanan. Dahil maraming nakapagtapos ang hindi makahanap ng trabahong kanilang pwedeng pasukan.  Maraming dahilan yan kung bakit hindi sila matanggap sa trabahong gusto nilang pasukan. Una, hindi lahat ng school ay magkakaparehas ng kalidad. Pangalawa, hindi lahat ng tao ay magkakaparehas ng abilidad. Pangatlo, kokonti ang trabahong nakalatag. pang-apat, pang-lima, at ang mga kasunod pa ay pare-parehas lang ang tutumbukin. E bakit nga ba nating ipagpipilitan na isiksik ang sarili natin na maging empleyado kung pwede naman pala tayong magnegosyo. Ang tanong, san ka kukuha ng puhunan? sa kakilala mo? malabo. Sa banko? Malamang.

Tandaan na lang natin na sa buhay, hindi pwedeng lahat tayo ay doctor. Sino ang magtatanim at magaani ng bigas na kakainin natin? hindi rin pwedeng lahat tayo ay magsasaka. Marami nga tayong kakanin ngunit sino ang manggagamot sa atin pag tayo ay nagkasakit?

Lahat tayo ay may kanya-kanyang role sa ating bansa at sa  ating buhay. Ang pinakadahilan kung bakit hindi tayo makaahong lubos sa kahirapan ay ang pagiging talangka ng maraming pilipino. Hayaan ninyong umunlad ang iba. May kanya kanya tayong panahon at pagkakataon. Hindi ko sinasabing antayin mo ang pagkakataon na iyon. Ang sinasabi ko, gumawa ka ng paraan para dumating sayo ang pagkakataong iyon na wala kang hinahatak at tinatapakan pababa.

Manunumpa na si P-Noy at B-Nay. Kung hindi natin sila bibigyan ng pagkakataon para maipakita ang kanilang kayang gawin sa ating bansa, wala tayong gagawin kundi paninira sa kanila para mapababa sa kalalagyang pwesto, wag ka ng umasang uunlad pa tayo.

Sa pagkakataong ito hindi pa naman nababaril si P-Noy o si B-Nay. Kung mabaril sila at mamatay ngayong araw, ang bumaril o nagpabaril sa kanila ang pinaka-malaking talangka sa pilipinas. Ang talangkang pumipigil sa pag-unlad ng pilipinas. Itaas natin ang ating moralidad kasabay ng ating muling paghahawak ng kamay tungo sa pagkakaisa.

Showing din ng Eclipse ngayon. Nood kayo.

— Metaporista

Leave a Reply