Mababa Lang Pala Ang Langit

 

from: larawangpinoy@blogspot.com

 

Mababa Lang Pala Ang Langit

ni Metaporista

Bagong lipat lang kami dito sa Maynila. Mausok, mabaha at wala halos damo na manguya para sa aming dalawang kambing na alaga. Maingay, magulo at mahal ang bilihin! Ang baon kong tatlong piso ay halos walang marating!

Apat na Buwan na ang nakakaraan mula ng kami ay lumisan sa aming bayan. Nalulungkot ako dito at nais ko na muling makalaro at makasama ang lima kong makukulit na kaibigan. Nahihiya kasi akong lumabas dito dahil parang napakahirap nilang pakibagayan. Pag lumalabas akong kasama ang aking mamang at papang, lahat ng mata ng mga bata, sa amin ay nagkukumpulan.

Ang mahaba bang balbas ni papang ang kanilang kinatatakutan? O baka ang damit ni mamang na itim na balot ang kanyang buong katawan? O baka ako, na nag-iisang ย bata sa aming lugar na hindi pumapasok sa paaralan?

Mag-aanim na taong gulang na ako sa susunod na buwan. Pero wala pa rin akong makitang kaibigan tulad ng lima kong kalaro sa aming bayan. Ang papang ko’y nakahanap na ng trabaho sa isang tindahan sa lugar na di naman kalayuan. Si mamang naman ay nasa bahay lang, nagpapagaling ng sugat sa kanyang paanan.

“Papa ayoko na sa Maynila!” Nasasambit ni mamang sa tuwing pakiramdam niya na kami ay para ring nasa ibang bansa. Kapwa namin pilipino sa amin ay walang tiwala. Dahil ba si Allah ang aming sinasamba? At sa inyo’y ang inyong diyos na nilagyan ng tinik na korona? Kahit rin naman kayo ay mayroon ding pagkakaiba diba? May hindi kumakain ng dugo, may naghahagis ng panyo at mayroon din nagpapapako. Ngunit bakit kayong lahat ay tila nagkakasundo? Pero bakit sa amin, kayo’y patuloy na lumalayo?

Balang araw ay matatanggap rin ninyo kami. Di na ninyo kami lalayuan at ang pagkakaibigan nati’y patuloy na ring gagaang…

Paano..?

Siguro pag nalaman ninyo ang dahilan ng aming paglisan sa pinakamamahal naming bayan…

Na imbis na tilaok ng manok ang gumigising sa amin sa umaga, putok ng baril ang lagi sa aming bumubulaga… Ang alaga ni papang na pitong kalabaw at walong baka, inagaw na pilit at kambing lang ang itinira! Ang mga kapitbahay naming lumalabang walang laban, inubos ng siyam na taong may hawak na machine gun. Ang limang batang kalaro ko sa pagtago at paglundag, may kanya-kanyang unan na pangtakip at pangsalag. Pangsalag sa mga balang dudurog sa kanilang buto? Hindi. Pangsalag sa tumatalamsik na dugo at ingay, sa mausok at bumabahang mga pulbura, sa magulo at mamahaling kapayapaan. Alam ko bata pa ako pero sana’y marinig niyo.. Hindi rin kami pare-parehas tulad ninyo! Hindi kami lahat mamamatay tao gaya ng tingin niyo!

Kahit tatlo lang kami sa darating kong kaarawan…

Kahit ako lang lagi mag-isa ang naglalaro ng tagu-taguan…

Kahit pagtawanan pa ninyo kami sa aming kasuotan…

Wala akong masasabi kundi salamat na lang..

Dahil kahit papaano,

pinahintulutan niyo kaming mamuhay ng payapa kahit sampung buwan lang..

Sa akala niyong Maynilang nilamon na ng kasamaan..

Ito ngayon ang aking langit..

Kahit masikip at maliit..

Wala ng bala ng baril..

Ang sa saranggola ko’y pupunit..

–Metaporista

 

SARANGGOLA BLOG AWARDS

DMCI HOMES

ALTA VISTA DE BORACAY

0 thoughts on “Mababa Lang Pala Ang Langit

  1. reyalidad na sumasalamin sa mata ng isang batang muslim na kawangis ng nararamdaman ng isang batang kristyano na napadpad sa lugar na karamihan ay mga muslim.

    hindi sa relihiyon ang problema, nasa tao kung paano nya kayang tanggapin ang ibang kapwa ng walang paghuhusga.

    nice piece.

    1. Oo tama, dapat talaga hindi maging hadlang ang relihiyon. Pero kahit ang mga kristiyano ay nagtatalo rin.. pati ang shiite at sunni muslim ay nagpapatayan rin.. Para bang napakahirap na sa mga tao na tanggapin ang kapwa dahil sa pagkakaiba ng paniniwala. Salamat nini.

  2. nakikibahagi ako sa kwento mo sir M.
    Andito ako sa bansang Islam ang relihiyon, hindi ko masasabing alam ko ang lahat tungkol dito, may mga bagay na nagkakahawig o nag-iiba man ang mahalaga ay may respeto sa bawat isa dahil lahat tayo ay anak ng Diyos at tayo ay namumuhay bilang tao.

    Madaming istorya na mapapait, kahit ako mismo dumanas dito pero nagiging bahagi ito ng aking karanasan na nagbibigay ng mas ibayong katatagan.

    Sa pakiwari ko walang panalo sa giyera lahat talo. Talo ang kristiyano, muslim o iba pa kung may giyera dahi lbuhay ang nauutas. Ito’y opinyon ko lamang.

    Kapayapaan ang hangad ko, natin at ng bawat isa. Hindi dugo o ingay ng baril ang musikang magmumulat sa murang kaisipan ng mga musmos.

    Great piece sir M. be blessed!

        1. kuya, mahabang usapin ang usapang ancestral domain, pwede naman yan ibigay basta malinaw ang motibo, sa parte ng gobyerno may dahilan bakit di iyon maibigay, at sa parte din ng mga taong isinusulong, lahat yang di makikita kung hanggang pagbabasa lang sa dyaryo ang gagawin, mas malalim pa sa pag-intindi ng kultura ng iba…

          “motibo” ang ginamit kung salita dahil hindi lahat may positibong resulta pag naibigay ang isang bagay sa hindi pa handang mga sundalo.

  3. very touching naman nito!

    hmmmm, sensitibo ang issue pero talagang dapat bigyan pansin ng marami. ang Pinas ay para sa mga Pilipino kahit ano pa ang lengguwahe/dialect, paniniwala at itsura. ang iba kasi mas sanay pa sa mga foreigners.

    I’m happy naman na mga naging close friends kami na iba ang religion. nasa samahan naman yan e hindi sa pagkakaiba ng background.

    1. Ang swerte mo kung ganun at ang swerte rin nila sayo.. hindi naging hadlang ang relihiyon at paniniwala para may mamagitan sa inyong pag-kailang.. YAN ANG TAMA kiri.. Kung pupwede lang sana lahat ay kagaya ng pagkakaibigan niyo..

  4. meron akong mga kaibigang mga taga-Mindanao dito.. ๐Ÿ™‚
    wala lang,masayahin silang tao,masarap kausap, at proud sa lugar nila.. ๐Ÿ™‚
    ganda ng istorya met! ๐Ÿ™‚

    gandang araw sa’yo! ๐Ÿ™‚

      1. oo nga eh.. ang lungkot isipin ang pagkakaiba ay nagiging sanhi ng di pagkaka-intindihan.. eh sa kaibahan naman mas nakikita ang kagandahan…

        sana magkaroon ng kapayapaan..
        para sa ating bansa..
        para sa mga Pilipino..
        Para sa mga bata..
        para sa kapwa-tao.

        magandang araw met! ๐Ÿ™‚

  5. relihiyon kaya idelohiya o sadyang galit lang sa kapwa?para sa akin,ang ugat talaga ng hindi matapos tapos na digmaan ay ang poot sa dibdib.kahit kasi kapwa muslim ang biktima,o di kaya ay ang mga batang walang malay,sinusulong pa rin ang karahasan.

    piyudalismong kultura na ikinukubli sa relihiyon at idelohiya…ang totoo,gusto lang nilang maghari sa lupang para naman sa lahat ng nagpapagod para ito.

    itabi muna ang galit kasama ng armas
    at subukang pag usapan ang problema
    sa bawat araw na lilipas na walang labanan
    ay baka makahanap ng mapayapang lunas
    at sasaya ang pilipinas…

    -Sasaya ang Pilipinas;Kanta ng APO

    1. Sana nga boss ay maging permanente na ang kanilang pagtabi ng galit.. Sasaya talaga at magbubunyi ang pilipinas kung magkakasundo na sila.. masakit pumatay ng kaaway mong dayuhan.. lalo na ang pumatay ng kababayan mo dahil lang sa prinsipyo’t kagustuhan sa buhay..

  6. sad reality.
    salamat sa panggising na entry.
    naniniwala ako at umaasang matatakasan nila ng tuluyan ang digmaan at diskriminasyon saan mang bayan.

    Salamat sa pagsali sa SBA 2010.
    hanggang sa muli!

    1. Naniniwala din po ako sa pinaniniwalaan ninyo na makakatakas rin sila.. Hindi lang po sa digmaan at diskriminasyon kundi pati na rin po sa bangungot na kanila ng naranasan.. Magigising din sila at maibabalik din po ang pag-asa..

  7. kaibigan, hinanap kita ngunit di natagpuan
    naligaw, nagliwaliw kung saan-saan
    nasan na kaya yun? tanong ko sa sarili ko
    ayun nakalimutan ko,wala ka pala sa blogroll ko.

    haha, kaya pala di ko mabasa ang iyong mga akda kaibigan! ngayon i-aadd na kita!

    napakagndang piyesa nito! pumupukaw ng damdamin, nanunuot ang bawat emosyong sinasambit!

    para saken ang pakikipag-kapwa tao, wala sa relihiyon, nasa pakikisama.

    kung tao ka namang humaharap at nakikipagugnayan sa kapwa mo, hindi ba’t ganun din ang ibabalik sayo?

    ang problema kasi sa’ting mga Pinoy, kung ano ang nakalakihan, dun na tayo, ayaw natin mag-explore, ayaw natin sumubok! sa mga dating akda mo nga, sabi mo “pwede na yan”

    totoo, ganun tayo! Pag may dumarating banyaga, todo-serve pero pag mga taga-Mindanao, kahit sariling lahi, self-service.

    Nakakalungkot!

Leave a Reply