High School Life

Anim na taon na pala mula nung nakapagtapos ako ng hayskul. Hindi ko masasabing mabilis ang oras dahil akala ko ay sampung taon ko na sila hindi nakakasama. Kung hindi ko pa kokomputin, hindi ko malalaman na anim na taon palang pala.

Tulad niyo at ng pangkaraniwang mga kwento, naghiwa-hiwalay din ang aming mga landas. Mayroon ng nagtratrabaho, mayroong nasa abroad, may nag-adik, may nag-aaral pa rin hanggang ngayon, may patuloy na nagmamahalan parin mula nung hayskul (isang pares lang ang nanatiling matibay), may nagtransform na dating akala mong ubod ng Maria Clara yun pala Maria Ozawa, may naging becky at mayroon pa ring hindi naglaladlad, may nagpa-bello, meron ng naging pagano, may sumikat at may mga pangarap na nawasak.

May propesiya ako dati na may mamatay ng maaga sa aming magkaklase pagkagraduate. Hanggang ngayon ay wala pa ring namamatay. Sa literal, wala pa. Wala pa pero meron ng hindi na nagpaparamdam. Kung sa anong kadahilanan, yun ay di ko alam. Mukhang nagkatotoo ang propesiya ko.

Nangarap kaming lahat noon. Nangarap na magkamal ng malaking salapi pag nakapag trabaho na. Nangarap kaming tumira kasama ang lahat ng kaklase sa isang malaking bahay na may basketball court, swimming pool, bilyaran, music studio, jacuzzi, sauna at malaking parking lot. Nangarap kami minsan na habang buhay na magkakasama, magkukulitan, magbabatuhan ng sunkist at magbabibold study. Sabi nila, lahat daw ng pangarap ay pwedeng abutin pero ito yatang pangarap namin ang isa sa isang libong walang mararating.

Marami akong natutunan noon. Gusto kong ipamahagi ito ngayon.

Lesson:

Wag magsusulat sa sofa sa library kung lagi ka doon nakatambay, walang ibang pagbibintangan kundi ikaw lalo na pag pangalan ng section niyo pa ang nakasulat dun.

Kung nasusuka ka, wag mong titiisin. Kung di lumubog ang echas mo sa bowl wag mo na lang pansinin. May janitor naman tayo na handa iyon linisin.

Pumasok ng late kung ayaw mong magflag ceremony.

Kung galit ka sa faculty, dun ka dumaan sa basketball court pag gabi. Akyatin mo ang rehas, lumingon lingon, at isambulat ang lahat ng gamit sa faculty room.

Wag kang mag-jojogging pants ng wala kang brief o shorts. Tandaan, hindi ka na tulad ng elementary na may armas na sing liit ng toothpick. Isa pa uso na rin ang hubaran sa highschool.

Dapat ay magkaroon ka ng bestfriend. Required yun. Para may taga abot ka ng tissue o taga-igib ka ng tubig pag na-eechas ka.

Pagbabae kang lalampa lampa, gawin mong palusot na Meron ka para di ka na mag-PE.

Matuto kang magpigil ng tawa pag nakakita ka ng matandang nagtitinda ng softdrinks na abot sa labi ang kanyang buhok sa ilong bilang pag respeto.

Wag kang tutuhog sa addict mobile ng sobra sa binayad mo. May karma tayong tinatawag at wala siyang karma na pwedeng ibalik sa iyo kundi hepa.

Wag kang magiiwan ng Porn sa locker. Lalo na kung nakikigamit ka sa illegal locker na walang lock.

Wag uutot sa sahig na gawa sa kahoy. Mararamdaman ng lahat ang pagvibrate nun at wala ka na lang ibang mapapalusot kundi “Its human nature”.

Wag kang magsusulat sa 2 mong palad ng “Fuck You” na pang backstab sa teacher. Di mo alam kung kelan ka magkakaroon ng tiyansa para makapag-recite.

Wag kang magdadala ng babae sa room na madilim. Kahit wala pa kayong ginagawa e kakalat na agad ang balitang nakapatong na siya sayo.

Maging loyal sa adviser. Sila ang attorney ng buhay niyo, architect ng classrom niyo, pulis ng paligid niyo at taga-kain niyo ng papel.

Wag kang mangaasar sa kaklase mong babae na may buhok siya sa kili-kili lalo na kung totoo. Masasampal ka sigurado.

Pag niyaya ka maging muse wag kang tatanggi. Maraming babae ang willing magsilbi ng isang taon sa pagtitimpla ng kape basta lang mapili silang representative.

Pag may choral singing competition, wag kang tututok sa mic. Ikaw lang ang maririnig ng buong school.

Mag-aral maige ang buong barkada. Corny pag may klase pa tuwing summer.

Pag ayaw mong maraming cheche bureche pag christmas party, magtaas agad ng kamay at magvolunteer ka na ikaw na bahala sa drinks.

Wag kang magpapakalbo dahil tatawin kang Oblak. Pumasok kang di naligo matatawag kang Ohab.

Oo ang baking soda at suka ay magandang panglinis ng tiles sa banyo pero hindi ito effective pag ginamit mo ito sa iyong kili-kili.

Wag kang magdadala ng kaluluwa sa school niyo galing sa inyong field trip. Kahit ikaw ang pinakabalasubas na estudyante, makakabisado mo ang dasal na araw na araw na ginagawa para sa ligaw na kaluluwa.

Wag kang ngunguya ng pintura chewing gum pag di ka nakapag toothbrush ng 3 araw. Oobvious tinga mo.

Wag kang magraraise ng flag ng wala kang brief at nakabahag ka lang. Pag may nakita kang sexy, aangat ang bahag mo.

Wag kang mananahimik kung masama ang pakiramdam mo. Mukha kang katawa-tawa pag nahimatay ka at lumusot ang ulo mo sa bangko.

Wag kang bibigay pag tinutukso tukso ka sa isang babae o sa lalake. Napilitan ka lang umibig nun dahil yun ang gusto nila. Magdesisyon ka sa sarili mo at hindi yung galing sa ibang tao ano man ang sabihin nila sayo.

Gamitin mong pangkampanya sa Student Council Election ang “remember M remember E put them together remember me..” at tiyak hindi ka makakalimutan ng lahat ng nakarinig sayo.

Ang pinaka-kinukulit mong teacher(tulad ng paghatak sa buhok) sa buong pag-aaral kahit di mo na siya adviser ang pinaka-di mo malilimutan sa kanilang lahat . Lihim mo sa iyong sarili na siya ang nag-alis ng takot at tumulak sa iyo para ilabas ang iyong tunay na sarili.

Wag kang maiinlove sa iyong teacher. Nasa batas ng lahat ng school na bawal silang maging magkarelasyon hangga’t estudyante ka sa paaralan nila.

Apat na taon ka lang magha-highschool. Diyan mo matututunan ang lahat ng importanteng bagay na sapat para harapin ang mundo. Ang kolehiyo lang ang magbibigay sa atin ng direksyon kung anong trabaho ang haharapin natin. Pero hindi ba ang karamihan ng nagtatapos sa kolehiyo ay ibang linya rin ang kanilang napupuntahan? Hindi ba’t pag nag-asawa na ang ibang babae ay nag-aalaga na lang sa bahay ng bata at hindi na niya na-papraktis pa ang kanyang pinag-aralan ng kolehiyo? Hindi ba’t may yumayaman rin sa atin kahit hindi nakapag tapos ng kolehiyo? Ang Kolehiyo ay para sa hanap-buhay ng tao. Ang Hayskul ay para sa pag harap ng tao sa mundo. Ang elementarya para sa pagdisiplina at paghulma. Ang NKP para sa pagbibilang, pagsusulat at pagbabasa. Lahat yan ay mapagdadaanan natin dahil sa suporta ng magulang, Guro na nagtitiyagang magsalin ng karunungan at kaklase na siyang saksing buhay kung ano at sino ang iyong pagkatao kung sakaling ikaw ay pumanaw. Sila ang magpapatuloy ng mga katatawanan at kagaguhang ginawa mo. Sila ang magkwekwento kung gaano ka kamapagbigay ng intermediate sheet sa mga kaklase mo. Kung gaano ka kagaling sa basketbol nung hindi ka pa ganyan kataba. Kung paano mo binuhat ang isang babae na sinasaniban ng demonyo. Kung gaano ka katiyaga na magturo sa kaklase mong parang laging bagong gising ang utak. Kung paano mo tinanggap ang pagkatao ng bawat isa at tinuring mo silang kaibigan. Ang kaklase na minsan mong naging sandalan nung panahong binaon ka sa putik ng problema at kalungkutan ng iyong panahunan, ngayon ay walang ibang hangad kundi makita ka at kung ano ang naging bunga ng minsang kayo ay nagkasama.

Ilan man sa atin ay parang patay na, wag na ninyong ikalungkot at ikaluksa pa. Taon-taon naman noon ay may larawan tayong magkakasama.. sa class picture na seryoso at may pahabol na wacky pa. Pasalamat na lang tayo at mayroon pang naging ebidensya, na tayong lahat minsan ay nagkaisa at nagkasama.. at yun ay ang panahong tumitig tayo sa isang lens ng Camera.


0 thoughts on “High School Life

  1. Ganda naman nito sir M.
    lapit na din ang reunion namin next year after 10 years excited na lahat.

    Be blessed po!

    marahil magtatanong ang bawat isa, san na kaya sila?

    1. naobserbahan ko lang yan salbe. Di lang nila yan ginagamit sa PE kundi pati sa CAT. Nakakahiya naman kung kailangan pang ipakita ang ebisensya na meron talagang dugo. Kaya no choice na lang.. hehe.. Kaya ang mga lalaki lang ang walang lusot..

  2. OK ang sharing mo Igan. meron din lusot ang mga lalake. kunwari may lagnat. lalo na sa CAT kapag tinamad pumasok ang ibang students kasama ako doon, maglalagay kami sa singit ng dinikdik na siling labuyo at bawang – nakakalagnat pala iyon.

  3. whoah!!!! atlast nakapunta narin ako dito, gamit ko lang proxy server block padin kasi site mo sakin hahaha.

    lahat ba ng lessons mo e, base sa tunay mung karanasan? haha patawa. anu kaya ikaw nun hayskul?? 😀

    LIKE.

      1. naku, parang showbiz ang dating ng tanong…uhummmm…no comment na lang para titigil na ang isyu…yaks!

        hinalungkatko ang ilan sa mga likha mo kasama at kapatid, malalaman at nakakaaliw din..maari ko bang idagdag ang bahaymo sa mga katambayanko sa karitonko para madagdagan pa ang aking mga kablogs at kabarkada…

        salamat po…oopsss… nsagotko ba ang tanongmo Sir?

        😀

Leave a Reply