Kung ako’y magiging pulubi

Namatayan ng Ama’t Ina.

Pumunta ng Manila ng walang kakilala at baong sapat na pera.

Napasama sa sindikato.

Hindi marunong bumasa at magsulat.

May Kapansanan.

May sakit ang magulang.

Pinalayas sa squatter area.

Nasunugan.

-Ito ang karaniwang mga dahilan kung bakit namulubi ang mga pulubi natin sa kalsada. Hindi nila ginusto. Hindi nila pinangarap. Hindi nila kasalanan.

Oo, hindi nila kasalanan dahil likas sa tao ang mangarap na guminhawa sa buhay kaya kahit wala silang kakilala dito sa maynila ay handa silang makipagsapalaran. Hindi rin nila kasalanan mamatayan ng ina at ama dahil darating at darating talaga iyon sa buhay ng tao. Hindi rin nila kasalanan ang mapasama sa sindikato dahil mas siguradong hindi kakalam ang sikmura nila sa gabi dahil kahit papaano ay may kasiguruhan na may kakainin sila kesa wala. Hindi rin nila kasalanan kung hindi sila pinag-aral lalo na kung hindi pinaunawa ang kahalagan nito sa buhay ng tao. Sino bang gustong magka-polio, hydrocephalus at maging bulag? Sino bang gustong masunugan ng bahay? Sino bang gustong lumayas sa libreng tahanan sa squatter area kung ang tanging ibabayad mo lang ay ang boto sa tuwing darating ang eleksyon? Wala.

—————————–

Ayon sa isang pag-aaral, mas maliit raw ang tiyansa na matulungan ang taong nangangailangan ng tulong sa mataong lugar kesa sa hindi masyadong mataong lugar. Kunwari nasaksak ka ng snatcher sa kanto sa harap ng maraming tao, maliit ang tiyansang matulungan ka nila agad. Bakit? Dahil ayon sa pag-aaral umiiral daw sa atin ang tinatawag na Diffusion of Responsibility. Hindi mo agad tutulungan yung taong nasaksak dahil marami kayong tao doon at sasabihin mong ‘Sila ng bahalang tumawag sa pulis .Di ko naman kilala yan e. Maubos pa load ko’. Magtuturuan, magpapasahan ng responsibilidad. Pag 3 lang kayong tao nung mangyari yun. Malamang ay gagawin mo na lahat ng makakaya mo para makatulong dahil pag umalis yung isa ay wala ng ibang hihingi ng tulong at magiging  malaking konsensiya sayo iyon.

———————————————————————————–

Ganun din ang mga pulubi na nangangailangan ng tulong. Pag may umakyat na batang naglilinis ng sapatos sa jeep na maraming pasahero ay magtutulog-tulugan ka. Pag nanghihingi na ang bata ay hindi mo ito papansinin na para bang wala kang nakita. Pag kinalabit ka ng bata ay i-iiling mo ang leeg mo. Pag kinalabit ka pa ng isang beses sasabihin mo wala kang pera kahit na may hawak-hawak kang touch screen na phone. Sasabihin sayo ng bata ‘Sige na kuya pangkain lang’. Medyo maaawa ka pero di ka pa rin magbibigay dahil nakita mo na ang matandang ale na nasa tapat mo na umaakma ng dudukot ng barya niya sa kanyang pitaka at ituturo mo na ang bata dun sa ale. Titingin ka sa ale at sasabihin sa iyong isip na ‘Ang dali namang mauto ng matandang ito. Ipangkakara-krus lang naman ng bata yan e o kaya ipang-rurugby lang‘… yan ang idadahilan natin sa ating sarili pag tinanong mo ang sarili mo kung bakit di ka nagbigay kahit piso. Ang akala ng iba, ang mga batang iyon ay naka-200 pesos na sa buong araw kakakolekta, malamang ay nagkakamali ka. Diffusion of Responsibility nga. Lumalayo ang tao sa responsibilidad. Normal daw sa tao yun. Pinagana mo nanaman ang Id mo at hindi ang Super Ego o Ego man lang.

——————————————————————————–

Kung ako ay magiging isang pulubi……

1. Hindi ako pupwesto sa lugar na marami ring pulubi. Magkakaroon ka pa ng kakompetensiya. E ang tao pa naman pag nagbigay na sa ibang pulubi ay bihira na ito magbigay sa iba pang pulubi dahil iisipin na kakuntsaba ito ng una mong pinagbigyan at maiisip mo na ikaw ay pinagsasamantalahan na.

2. Wag sa ma-taong jeep o lugar para mas kokonti silang magpapasahan ng responsibilidad.

3. Gagawa ako ng schedule. Dapat rotation.

Monday-                                                    Tuesday

5 to 6pm- Area 1                                    5 to 6pm -Area 2

6 to 7pm-Area 2                                    6 to 7pm – Area 3

7 to 8pm-Area 3                                    7 to 8pm – Area 1

Sa ganitong paraan, hindi nila masyado matatandaan yung itsura ko. Ang tao pa naman pag namukhaan na yung bata ‘Araw-araw na nanghihingi yan.. Abuso na yan ah’.

4. Pag binigyan ako, hindi ko kakalimutan magpasalamat. Ito kasi ang problema sa ibang pulubi. Ang ilan sila ay hindi nakaka-appreciate ng mga bagay na binibigay sa kanila. Kunwari kakabukas mo pa lang ng Coke in can mo tapos biglang may batang lumapit sayo, hinihingi nya sayo ang coke mo na hindi pa bawas, naawa ka, binigay mo. Pagkakuha ng bata tatalikod na ito agad ni wala man lang ‘Thank you kuya ha.. kanina pa kasi ako nahihirinan at natutuyuan ng laway e.. Ang tamis kasi masyado ng Choco Butternut at Bavarian’.

5. Gagamit ako ng ‘Po’ at ‘Opo’ sa nakakatanda. Ngingiti ako lagi at hindi yung mukhang iiyak sa pagmamakaawa. Ang alam kasi ng iba umaarte lang ang mga pulubi. Kunwari nagiiyak-iyakan, naglulungkot-lungkutan. Wala akong magagawa kung yun na ang paniniwala nila. Kung artehan ang labanan, aartehan ko sila na masaya ako parang walang problema at laging nakangiti. Hindi ba’t mas mahirap gawin iyon.. habang ang tiyan ay kumakalam sa gutom?


6. Maghahanap ako ng karton at manghihiram ako ng pentel pen at ipapasulat ko sa mabait na mama na marunong magsulat

‘KAHIT WAG NA PO BARYA, PATURO NA LANG PONG MAGSULAT AT MAGBASA’

o

‘PATURO NAMAN PONG MAGTAHI, ANG DAMIT KO PO KASI NABUBUTAS PALAGI’

o

‘MARUNONG NA PO AKO MAG-GUPIT NG DAMO. KUNG KAILANGAN NIYO PO NG TULONG AY TAWAGIN NYO LANG AKO’


o

‘BAWAL PO UMIHI DITO, HIGAAN KO PO ITO’

o

‘NAKAKAWALA DAW PO NG GUTOM ANG RUGBY PERO MASAMA SA KATAWAN. BAHALA NA. PAHINGI NAMAN PO KAHIT ISANG BOTE LANG’

o

‘WANTED: MADER AT PADER’


o

‘PANDESAL+TUBIG  =  UMAGA

ENSAYMADA+TUBIG  = TANGHALI

KANIN+ASIN  =  GABI

Jolly Fries  =  PANAGINIP’



o

‘KUNG KAYA KO LANG MAGTRABAHO, MAGBABAYAD AKO NG TAPAT SA BUWIS KO’


Kung ako’y magiging pulubi, tuturuan kong magbasa at magsulat ang lahat ng mga kasama ko. Yun lang ang kaya kong ibigay. Kayamanan na hindi kailanman mananakaw.

-Metaporista

0 thoughts on “Kung ako’y magiging pulubi

    1. Grabe… naiyak ako sa ngiti ng bata… sana musmos nalang ako. yung tipong walang alam sa mundo para malaya kong nagagawa ang lahat. ganda ng posteng ito. sapul na sapul ako sa lahat ng sinabi mo… lalo na yung pagbibigay sa mga nanghihingi sa jeep..

      may nagsabi nga sa akin na kaibigan ko sabi niya ganito “kung magbibigay ka dapat yung maluwag talaga sa loob mo.. yung tipong wala lang gusto mo lang siyang bigyan. wag kang magbibigay kung nagdadalawang isip ka kasi in the end parang dinaya mo lang ang sarili mo”

  1. Tamaahh! Ano pang sasabihin ko? Agree ako sa lahat ng insights mo. Lalo na yung shifting schedule. 🙂 Naalala ko din ang quote na ito habang binabasa ang post mo.

    “Give a man a fish and you feed him for a day; teach a man to fish and you feed him for a lifetime.”

    Magandang umaga!

  2. Sumakit ang aking mata sa isinulat mo.

    Malayo kang maging pulubi.

    Nawa’y iadya ng kapalaran ang iyong suwerte dahil mas may kakayahan kang tumulong. Walang pangalan, walang kapalit.

    🙂

  3. Two Thumbs-Up Head down….

    Grabe ang ganda ng sinulat nio po, tagos sa buto…. nailarawan nio ang kalagayan ng mga kapuspalad na bata sa lansangan, nakakaiyak at inspiring 😀

Leave a Reply