Hindi Para Sayo Ang Pinaghihirapan Mo

Bagaman hindi lahat, karamihan ng mga ginagawa at pinaghihirapan natin ay hindi para sa atin kundi para sa ating anak o magiging anak. Ang puyat sa gabi, ang pagtratrabaho at pagkakayod sa buong araw, ang pagalis sa bahay ng umaga at paguwi ng gabi, ang pag-titipid sa iyong pera at marami pang iba.

Bakit ka nag-aaral? E di para magkatrabaho.

Bakit ka nagtratrabaho? E di para may pagkakitaan para may panggastos sa mga gugulin at sa mga anak o magiging anak mo.

Unless bading ka. O walang balak mag-asawa. O walang balak o kakayahang mag-anak.

Ika nga, ikaw ang magtatanim ng puno at ang anak mo ang mas makikinabang ng bunga at hindi ikaw. At ang itatanim naman ng anak mo na puno ay pakikinabangan ng anak niya and so on and so forth.

Yan yung tinatawag natin na Sustainability. May mga bagay na kailangan nating gawin para may madatnan ang mga taong mabubuhay sa hinaharap. Kung gagawin mong kabinet lahat ng narra sa mundo ay wala ng madadatnan pang mga narra ang mga anak mo. Kung gusto mong gawing pulutan lahat ng tuna na isda sa dagat pati baby at mga itlog nito sa kasal mo ay wala ng matitikman pang tuna ang magiging apo mo.

Nung pinaglaban ni ninoy ang mga pilipino, para ba sa mga pilipino lang nung taon na yun ang inisip niya? Nung nakipaglaban si Rizal, ang gusto lang bang iligtas niya ay ang sarili niya? Nung pinako si Jesus, para lang ba sa sarili niya ginawa yun?

Ang responsableng tatay, itatabi niya ang pera at ilalaan sa kinabukasan ng mga anak niya para kung sakaling mamatay siya ng maaga ay may mapapang-aral at may makakain ang mga ito. Ang iresponsableng ama, pag-alam niyang mamatay na siya, ipang-cacasino, ipang-iinom at ipang-bibisyo ang lahat ng pera niyang pinaghirapan at taas noong sasabihin “Anong paki mo? Pinaghirapan ko ito! Ako lang ang makikinabang nito!”

Minsan ka lang mag-aaral. Wag mong sisihin ang sarili mo pag di ka makahanap ng magandang trabaho kung tatamad-tamad ka ngayon sa pag-aaral mo.

May karapatan ka namang magpakasaya. Sino ba nagsabing wala? Gawin mo ang gusto mo. Wag mo lang sisihin ang sarili mo pag wala ka ng mapang-aral sa anak mo. Wag mong iuntog ang ulo mo sa pader pag umiiyak na ang sandosena mong anak sa gutom. Wag mo lang tatakasan ang mundo sa pamamagitan ng pagtalon sa billboard  dahil sa wala kang pambili ng gamot sa anak mong dedelirio.

Hindi nagtatapos ang buhay ng buong sangkatauhan pag namatay ka. Yun ang masakit na katotohanan. Mundo mo lang ang titigil. Ang iniwan mong hindi nakapagaral ay hindi na makakapagaral. Ang iniwan mong gutom ay mananatiling gutom. Ang iniwan mong nagdedelirio ay mananatiling nanginginig sa lamig ng init.

Kung hindi ka man tinaniman ng masaganang puno ng magulang mo, walang magagawa kundi mamitas at manghingi ka sa iba gamit ang iyong pagsisikap at determinasyon. Ngayon, kung ayaw mong mangyari sa anak mo ang nangyari sayo, simulan mo na ang pagtatanim ngayon. Kung estudyante ka, mag-aral ka maige. Kung trabahador ka, magtrabaho kang maige.

-metaporista

0 thoughts on “Hindi Para Sayo Ang Pinaghihirapan Mo

  1. kapag nasa blog mo ako sir M palagi akong napapa-mangha
    sabi nga ng kaibigan ko, kung isinilang daw akong mahirap at namatay akong mahirap kasalanan ko na iyun.

    hanggat may pagkakataon gamitin ika nga.

    mabuhay ang iyong panulat sir!
    para sa pagiging responsable!

  2. personal opinion, work life balance ang lahat para sa akin. katulad din tayo ng isang kotse, kailangan ng maayos na pyesa, ma maintain ng tama, hindi masamang mag pimp my ride tingin ko, lalo pa’t dati tayong kakarag-karag na sasakyan lamang. pero tama rin ang punto mo na ang silbi natin bilang kotse eh dalhin ang mga mahal natin sa buhay sa mas maayos na kalagayan kaysa kung anung meron tayo ngayon.

    magandang araw…kasama na nga pala yung logo mo sa sidebar ko. matagal ko ring hindi naasikaso.

Leave a Reply