2011

Tahimik. Alas-4 ng umaga sa mundo. Tulala.

7 araw ko ginawa ang mundo. Minsan natatawa ako sa sarili ko dahil iniisip ko ulit kung ano bang pumasok sa isip ko’t pinag-aksayahan ko pa itong gawin. Ang pagkakaalala ko, nainip lang ako bigla dahil paulit-ulit na lang ang nangyayari sa buhay ko araw-araw. Laging masaya, laging walang problema. Boring.

Nag-isip tuloy ako ng isang magandang mapaglilibangan. Gagawa ako ng mundo. Lalagyan ko ng hayop. Lalagyan ko ng tao. Lalagyan ko ng puno at halaman. Lalagyan ko ng tubig. Pero boring pa rin kung ganun lang. Kaya para medyo exciting kokopyahin ko yung anyo ng tao sa anyo ko pero di ko sila gagawing saktong kagaya ko baka mamaya lumaki ulo nila. Gusto ko yung pwede ko silang gawing abo kahit anong oras ko gustuhin at pwede rin silang magpatayan. Yung isa ko ngang anghel tumalikod sa akin e. Pero hinayaan ko lang kasi medyo boring talaga e. Anytime naman kaya ko siyang gawing lamok at patapakan sa mga alaga ko. May naisip akong paggagamitan ko sa kanya. hehe.

 

Nakakatawa rin ang mga tao ngayon lalo na banda diyan sa pilipinas. Nung panahong umabot sa 700million ang premyo sa lotto, umangat ng 720% ang popularity ko. Napagpasyahan ko ng ibigay na sa isang tao ang premyo dahil na rin sa mga mga batang walang makain dahil pinantataya lahat ng magulang nila ang kanilang kinikita dahil sa pagnanais na tumama ng jackpot. Ayun, pagkabigay ko, balik sa dati ang popularity ko. Mas bumagsak ang popularity ko ngayon malapit na matapos ang taon dahil halos lahat ay nakatanggap na ng bonus except lang sa ibang  mga teacher sa public school. Pina-delay ko ng unti dahil baka pati sila malimutan na rin ako. Hindi rin naman ako sumisikat pag nagsimula na ang simbang gabi. E halos tulog nga kalahati ng mga tao sa bawat simbahan. Yung iba naglalakbay pa isip. At karamihan banal na aso pero santong kabayo.

Sa 2011 plano ko magpasabog ng 16 na bulkan, 380 na malakas na lindol, Babawasan ko ang crop production ng mga 20%, Babawasan ko pa lalo yung langis ng mga 45%, papatay ako ng 200 na sikat na personalid, pasisiklabin ko na rin ang away ng Nokor at Sokor, papabilisan ko pa yung pag-produce ng nuclear, padadamihin ko pa ang miyembro ng mga terorista, papataasin ko pa ang transfer rate ng AIDS ng 33.4% at gagawa na naman ako ng bagong virus na ikakalat. Magpapapatay din ulit ako ng maraming media at turista. Tutuyuin ko ulit ang tubig sa mga dam at mag-aalaga ulit ako ng maraming lamok at babawasan ko ang pag-produce ng palaka at butiki. Bibigyan ko pa ng mas matitinik na abilidad ang mga iilang mandarayang chinese para manggaya at mangopya ng produkto. Gagawin kong mas maabilidad ang mga magnanakaw, carnapper, holdaper at rapist para makapangbiktima ng mas maraming tao. 3 milyong pamilya ang wawasakin ko. 6 na milyong estudyante ang papatigilin ko sa pagaaral. Gagawin kong mas malalakas ang loob, swerte at mas matatapang ang mga corrupt na opisyal ng gobyerno. Padadanasin ko ng hirap ang 7 billiong tao.

Lahat yan gagawin ko. Pangako.

Ngayon kasing 2010, andami pa ring matatag na totoong naging lingkod ko at naging tapat sa akin sa kahit anong hirap at pagsubok ang binigay ko sa kanila. Gusto ko na unti-unting masala kung sino ba talaga ang mga tunay kong alagad. Mas mahirap ang ibibigay kong pagsubok ngayong 2011 at mas mahirap sa 2012. Gusto ko ng tapusin ang pagsubok sa mga tao ng 2012 kaso mukhang may humihingi pa ng extension. Baka 2014 na lang siguro para may makahabol pa pero secret lang natin yun. Dadakot lang ako ng buhangin sa tabing dagat. Ganun lang karami ang napagpasyahan kong bibigyan ng special na regalo. At yun lang yung mga naging tapat. Naging matatag. Natutong humingi ng tawad at mag-balik loob. At syempre, yung mga sumunod sa mga tunay kong aral at hindi ng aral ng anghel na binaon ko sa creek ng kadiliman.

Hindi ko gagawin ang lahat ng pagpapahirap dahil galit ako sa inyo. Sinusubok ko lang kayo. Peace tayo. Ganyan ko ginawa ang mundo. Parang survivor lang. At kung isa kang Akihiro Sato, ililigtas kita. Wag kang manisi ng iba sa mga paghihirap na nadadanasan mo ngayon. Ako ang may gawa niyan. Wag ka mag-alala. Wala akong binibigay na pagsubok na hindi mo kayang lampasan. Ang usapan lang diyan ay kung lalampasan mo ba yan sa mahirap na mabuting paraan o sa madaling masamang paraan.

Ngayon pa lang binabati ko na kayong lahat at kasali pa kayo sa palaro ko. Hanggang sa susunod na taon.

 

 

 

 

0 thoughts on “2011

  1. Pingback: 2014 | Metaporista

Leave a Reply