Ginagawa mo ba ito noong bata ka?

 

 

lives-of-typical-pinoy-kids-300x294

 

Ang sarap maging bata. Hindi dahil sa lagi kang binebeybi ng nanay mo at lagi kang may pasalubong sa tatay mo kundi dahil mas natutuwa sila sayo kung mahilig kang matulog, magana kang kumain at marami kang tanong. Sa pagtanda mo at mahilig ka pa rin matulog, ikaw ay tatawaging tamad. Pag malakas kang kumain tatawaging kang matakaw. Pag marami kang tanong, bobo at reklamador.

Noon, bilib na bilib ka sa mga magikero at piling mo ay alagad sila ng diyos.

Noon, ginagawa mong eroplano o sumbrero ang bill ng meralco. Ngayon, pwede ka ng sumakay ng eroplano sa isang taong bill mo sa meralco.

Noon, pwede kang bumili ng toyo sa kanto ng nakasando lang at walang salawal. Ngayon, pag ginawa mo yun, pagkakamalan ka ng may toyo sa ulo.

Noon, masaya ka na pag binigyan ka ng 5 piso ng lola mong kulubot ang mukha. Ngayon, mangungulubot ang mukha mo pag binigyan ka ng 5 piso.

Noon, pinampapalo mo sa ulo ang bote ng 1.5 na coke na walang laman sa kaklase mong makulit. Ngayon, ikaw na ang dapat na pinapalo ng 1.5 na bote ng coke sa ulo mo sa baba dahil pasaway na ang matigas na ulo mong maliit.

Noon, gustong gusto mong tumutulong sa pagluluto sa kusina. Ngayon, kahit magsaing kinatatamaran mo na.

Noon, tuwang-tuwa ka sa pagkanta sa harap ng electric fan at ang tawag mo pa nga doon ay eric fan. Tuwang-tuwa ka sa boses mong nanginginig. Sinasayad mo pa nga ang nguso mo sa mismong bakal ng eric fan. Ngayon, alam mo na kung bakit parang maalat-alat at maalikabok ang bibig mo at parang nakakain ka ng sariwang pusit.

Noon, pag tinatanggal ang T-shirt mong masikip pinapag-superman ka nila o darna para madali nilang matanggal ang damit mo. Ngayon, solo ka na sa pagtratransform.

Noon, pinagpipyestahan ka na ng buong angkan niyo pag natuto ka ng magbilang 1 to 10, alam mo na ang english ng manok, alam mo na ang address sa bahay, alam mo na ang gagawin pag nawala ka sa SM at higit sa lahat pag alam mo ng mag-pabless sa mga matatanda.

Noon, sa tuwing may dumadaan na eroplano ay nagbabye ka at agad na tumitingin sa TV kung lumabo ba ang reception. Pag may dumaan na Jet mapapatitig ka sa puting pahabang usok nito at susundan ang jet at pag di mo na masundan sasabihin mong ‘wala na…’.

Noon, mahilig kang mamitas ng aratiris at ilalagay mo ito sa tabo at kakainin habang nanood kayo ng paborito niyong animation sa hapon. Mahilig ka na ring mamitas ng gumamela at didikdikin mo ito at ihahalo sa tubig para makagawa ka ng hinihipan na bula.

Noon, mahilig ka sa bunutan ng laruan at higit sa lahat bunutan ng maliit na bibe o sisiw. Kinakabahan ka na pag binabasa na ang papel. Pag nanalo ka naman ay dinaig mo pang ang nanalo sa lotto sa saya. Aalagaan mo ang bibe ng 3 araw at sa pang-apat na araw, makakalimutan mo ng may bibe ka nga palang alaga dahil kinain na ito ng daga.

Noon, mahilig kang bumili ng tattoo na tig pipiso at ilalagay mo ito sa iyong braso. Nagpapatulong ka lagi sa matanda dahil nalilito ka kung saang parte ba ang babasain ng tubig. Yung sa harap ba o sa likod? Pag gusto mo namang magkatattoo at the same time ay makakain, bibili ka ng Oishi na chichirya na tig pipiso at lalagyan mo ng alcohol ang balat pagkaubos nito tsaka ididikit sa iyong balat. Presto, nakachibog ka na may tattoo ka pa.

Noon, pag narinig mo na ang kalansing ng dirty ice cream, tatakbo ka na agad sa mama mo at magpapacute at manghihingi ng barya. Kasabay ng pag-abot ng barya ay pag-abot ng plastic na baso na lalagyan mo dahil sobrang kalat mo kumain ng ice cream at naniwala ka sa sabi-sabi na pinangkukulangot ng surbetero ang dulo ng mga apa. Ngayon, pinapalaman mo na ang ice cream sa tinapay.

Noon, mahilig kang makitikim ng pagkain. ‘Ano yan? Patikim. mmmsarap. San mo nabili? Magkano? (titingin sa bulsa sabay sambit) Ayyy mahal.’

Noon, mahilig kang manghuli ng tutubi at tatalian ito ng sinulid at gagawin mong eroplano. Ngayon, wala ka ng makitang tutubi masyado dahil sa milyong bata na kagaya mo.

Noon, mahilig ka sa Texas, Juicy Fruit, Bazooka at Judge dahil nakakapagpasikat ka sa mga kalaro mo dahil kaya mong magpalobo ng mas malaki pa sa mukha mo. Pag katapos mong magpalobo ay iluluwa mo ang gum at kukuha ka ng gaas at ihahalo doon at gagawa ka ng sapot na panghuli sa mga antik.

Noon, antik at langgam ang mortal na kaaway ng mga bata. Dahil sa sakit nilang mangagat nakaisip ng maraming paraan ang mga bata para makaganti.

>>>>Tatapakan ng mabilis

>>>>Lulunurin sa tubig

>>>>Papatakan ng kandila

>>>>Mangongolekta ng straw ng softdrinks at tutunawin at ipapatak

>>>>Papaluin ng nakarolyong dyaryo hangga’t di na uubos

>>>>Pipisilin ng daliri isa-isa

>>>>Duduraan

>>>>Sabay sabay na iihian

Noon, dahan-dahan mong sinasara ang pinto ng ref at titingnan kung namamatay nga talaga ang ilaw.

Noon, pinipindot mo lahat ang remote ng bago niyong appliances at di titigil hangga’t di nasusubukan lahat.

Noon, mahilig kayong magkwentuhan ng nakakatakot pag hapon na. Kapre, duwende, tikbalang, tiktik, manananggal, mangkukulam, ligaw na espiritu, white lady, black lady at aswang na nagiging aso at itim na pusa. Magkwekwentuhan tapos magtatakbuhan.

Noon, kahit tirik ang araw nagbabike ka at naglalaro ng sungkit baboy sa buhanginan malapit sa ginagawang bahay malapit sa inyo. Laging kang may beke, sumasakit ang tiyan dahil sa appendix, sinisinok, binabalisawsaw at nagtatae sa brief na may buo-buo pang mani.

Noon, mahilig ka rin manghuli ng kurukutok, singsing pari, surot, butete, gagambang ekis, gagambang botsog, salagubang, salaguinto at kataba. Ilalagay nyo sa garapon at lulunurin sa ihi, tubig at sabon o kaya ay aalugin hanggang sa mamatay o lalagyan ng watusi sa loob o bubuhusan ng softdrinks o hihingahan niyo pagkagising sa nyo kinabukasan ng umaga ng walang mumog-mumog.

Noon, mahilig kang magdoorbell sabay takbo. Isa ka rin sa pinakamalakas na sumisigaw ng ‘tenkyu tenkyu ambabarat ninyo tenkyu!!! (fast tempo)’.

Noon, mahilig kang mangtawag ng pogi tapos sasabihin mo ‘Ay aso..’ Gwapo-gwapo ‘Ay kabayo..’ Pssst-psssst ‘Ay pusit ka ba?’

Noon, mahilig ka sa bioman, power ranger, shaider, mask rider black, maskman, jiban, five man, ultraman at iba pa. Oo ikaw na si paborito mong red ranger. Tatambling ka at gagayahin ang mga unique nilang pose. Magpapabili ka ng look-a-like na espada nila at pagprapraktisan mo ang tito mo na mukhang halimaw.

Noon, bumibili ka ng sago’t gulaman at ginagawa mong sumpit ang straw at binabala ang sago. Minsan bolpen naman at balat ng orange.

Noon, mahilig ka sa langit lupa impyerno im im impyerno saksak puso tulo ang dugo… Gusto mo maging patotot sa patintero.. Lagi kang may sugat pag nag-aagawan base.. Naninilip sa tagu-taguan.. Di ka tumitigil hangga’t di napipili ang gusto mong piliin pag nagmiminiminimaynimo.. miniminimaynimo katchakatchakatchimo sino ba sa aming tatlo, ako ba o ito?i-to, totoo ba ito? o-o, di na ba mababago? o-o, sabi ba ng diyos? o-o. Di ka rin nagpapatalo nung bata ka..

Ikaw: Panget!

Siya: Mas panget ka!

Ikaw: Mas panget panget panget panget ka!

Siya:  Mas panget panget panget panget panget panget panget ka!

Ikaw: Ikaw ang pinaka panget sa mundo!

Siya: Ikaw ang pinakapangit sa buong galaxy!

Ikaw: Ikaw naman ang pinakapangit sa buong universe!

Siya: Ikaw naman pinakapangit sa… sa…

Ikaw: Ah wala ng masabi! Waaaaahhhh… panget panget!

Siya: Ok, lang identical twin naman tayo e!

Ikaw: Mas pangit ka pa rin!

—————–

—————–

—————–

Sa lahat ng sakit ng ulo na binigay natin.. Sa lahat ng gulo na pinasok natin.. Sa lahat ng sugat na ipinagamot natin.. May Pamilya tayong walang tigil at sawa na nagalaga at nagmahal sa atin.. Kung pwede ka nga lang ibenta binenta ka na nila dahil sa sobra mong kakulitan.

Pero di nila ginawa yun.

Sa likod kasi ng lahat, binubulong nila sa sarili nila..

‘loko talaga tong batang to..

manang-mana sa akin’.

-Metaporista

0 thoughts on “Ginagawa mo ba ito noong bata ka?

  1. nice blog.. I remember nung bata ka pa… proof din na lahat ng buhay pagka bata ay nadaanan mo talaga… meron kang hindi na banggit pero si ko alam kung naalala mo pa. pupunta tayo sa kabilang ibayo para mag benta ng banana q and yung tumatalon ka sa bubong na sobrang taas… and 1st 3 point almost 6 meters ang layo mo sa maliit na ring na gawa namin.. keep it up ganda ng mga blog mo.

    1. Naalala ko pa lahat yun. Lagi nga akong kasama nun pag maglalako e. At naalala ko pa rin yung naglalako ng gulay at isda gamit yung tric kasama si lola. Di ko rin makakalimutan syempre yung tumalon ako sa bubong. Hanggang ngayon kasi nagagalaw ko pa rin yung buto ko sa kamay dahil dun. Yung 3 points yun ang di ko maalala. Kaya pala shooter ako. hehehe

  2. nung bata madalas din kami maglaro sa labas. kalaro namin mga taga ibang building. masaya. pero parati ako umiiyak kasi binubully ako ng kuya ko :))

    ayun minsan pag napipikon ako nanununtok ako sa tyan. yun lang. haha

    yung langgam iniipon ko dati sa parang bagwa naming lalagyan. tapos may tubig. tapos patay na. :))

  3. wahhhhhhhhhhhhhhhh lahat nakarelate ako
    atsaka yung bumibili kami ng chichirya na may lamang pera, kaso nakalimutan ko yung pangalan ng chicherya. wahhhhhhhhhhhh ulit

    salamat sir M sa pagpapaalala na may mga nagmamahal sa atin sa kabila ng kakulitan at pwede na tayong binenta nun.

    siguro ngayon wala ng bibili sa akin, mababa na ang market value ko.

    Mapagpalang 2011 po sa iyo sir!

    1. Chichiryang pinoy ata yun sir e. Yung may spinner, army men, baril barilan na maliit, at marami pang iba. Yung kulay orange yung chichirya na madalas ay makunat????

      happynewyear advance!

  4. wow. reminiscing nga.
    kaso di kami ganyan magsabihan ng pangit eh.
    pagkatapos ko syang sabihan ng “Mas panget panget panget panget ka!” dinudugtungan ko agad ng “period no erase kandado susi” tas kunware lulunukin ko yung invisible susi. haha!

  5. *Noon, mahilig kayong magkwentuhan ng nakakatakot pag hapon na. Kapre, duwende, tikbalang, tiktik, manananggal, mangkukulam, ligaw na espiritu, white lady, black lady at aswang na nagiging aso at itim na pusa. Magkwekwentuhan tapos magtatakbuhan.

    peyborit ko to, kaya ngayon lumaki akong duwag pero curious sa paranormals *tawa 🙂

  6. sapul na sapul mo na naman. ang ganda pa ng pagkakasulat.

    ngayon alam ko na kung bakit maalat-alat ang dulo ng apa ng dirty ice cream.

    happy new year. mahusay ka talagang magsulat!

  7. Engineer, babati lang ako ng happy new year. 🙂

    Masarap maging batang Pinoy.

    Mga larong pisikal, hanggang sa umabot sa suntukan. Hanep, pero pagkatapos ng paghupa ng pula sa gilid ng tenga, friends na ulit. 🙂

    1. Happy new year din Sir Jkulisap parang antagal ka naming di naramdaman ahh.. 🙂

      Di maiwasan na magkapikunan ang mga bata kung minsan.. Pero dahil parte lang yun talaga ng laro, back to the ball game nanaman nga sila.. 🙂

  8. Nagbabago nga ang panahon. Mapapahaysss na lang tayo, at least naranasan natin ‘yang mga simpleng gawain na yan nong bata pa tayo.

    Ngayon, halos lahat tumatakbo, kulang na lang magsalita ang bagong silang na bata na magkokompyuter siya, hindi pa napuputol ang pusod ‘non, partida na.

  9. masarap talagang balikan ang mga nakaraan lalo na’t ito’y mga masasayang alaala… maswerte ang ilan sa atin na naranasan ang karamihan sa’yong nabanggit hindi kasing palad ng ilang kabataan ngayon na hindi na nalalasap ang saya ng kabataan nila…

    siguro kong mababasa lang ng ilang kabataan ngayon na hindi napagdaan ang saya ng kabataan natin noon, baka sabihin nila na: “sana pina-abort na lang ako noon..”

  10. ang galing naman lahat ng ginagawa ng bata nailarawan mo, lalo na ang tatoo sa mga junkfoods na lalagyan ng alcohol at ididiin sa braso or kung saan man!
    nakakatuwang baliktanawin ang lahat ng mga ito, halos lahat naranasan ko waaaaaa super nakakarelate ako

    Like like super duper like ko ito 😀

Leave a Reply