Apo, bababa na tayo

Ang pag-ibig ay parang tren..
minsan, kailangan mong tiyagaing antayin..
-met
Pic by Jobarracuda (Jojo Pensica Jr.)

Pero minsan, sa tren din nakikita ang kawalan ng pag-ibig.. mga lalaking mapagbuno at naturingang makisig..

Ang masasabi ko lang sa mga lalaking may kakayahan naman na tumayo at ayaw magpa-upo ng may kapansanan, matatanda, buntis at bata, isipin niyo na lang ang mga sumusunod na bagay..

Kasama mo ang lola mong uugod-ugod na at walang magpa-upo sa kanya sa tren.. anong mararamdaman mo?

Kasama mo ang asawa mong buntis sa tren at hinayaan lang siya ng mga lalaking kunwa`y tulog para di maistorbo sa pagkaka-upo.. anong mararamdaman mo?

Kasama mo ang kaibigan mong may polio o pilay sa tren at walang nagmalasakit na paupuin siya.. hindi ka ba mananapak?

Kasama mo ang pinakamamahal mong anak at ngalay na ngalay na sila sa biyahe at halos di na makahinga ng maayos dahil sa pagkakasiksik.. anong mararamdaman mo?

Sa ngayon, may kakayahan pa naman tayong tumayo e.. kaya ibigay na natin sa mga mas nangangailangan ang upuan.. Darating ang araw, pag-lolo ka na, may binatang magpapa-upo sayo dahil sinumulan mo na noon pa ang pagbabago.. natutunan ng iba, natutunan ng lahat.. Sabi nga, kung gusto mong igalang ka, simulan mo muna ang pag-galang sa iba..

Mga eksena sa tren na nasaksihan ko..

Sa loob ng tren habang bumibiyahe..

Operator: Sa mga mahal po naming pasahero, ugaliin po nating humawak sa mga safety handrail at iwasan po nating sandalan ang magkabilang pintuan ng tren. Maraming salamat po.

Bata: Salamat din po!

Bukas ang pinto ng tren at nagsasakay ng pasahero..

Operator: Sa mga mahal naming pasaherong malayo pa po ang bababaan, mangyaring dumiretso po tayo sa gitna.

Manong: Paano nga kami papasok sa gitna kung puno na?! (kunot ang mukha)





Rush hour at nagsasalubong ang pababa at pasakay ng tren.. Isasara na ang pinto..

Operator: Sa mga pasaherong hindi po makakasakay, next train na lang po tayo, next train na lang po. Maraming salamat po.

Manong: O, narinig niyo yun? next train na lang daw kayo! Sa mga pasaherong hindi makakababa, next station na lang din kayo!

Siksikan na sa tren at wala na talagang taong makakasiksik pa dahil ang nasa bungad  ng pinto ay mga lalaking naglalakihan ang katawan..

Ang mga nag-aabang sa susunod na station ay puro lalaki..

Bumukas ang pinto..

Walang bumaba kaya walang nakasakay..

Next station, pag bukas ng pinto ay 2 babaeng artistahin..

Walang bumaba, pero nakasakay pa rin ang dalawang pinagpalang babae..

May babaeng nagpaparinig sa lalaki na wala na raw talagang gentleman sa panahon ngayon..

Lalaking nairita (bagong gising): Kaya nga may hiwalay kayong sakayan ng babae diba! Para dun kayo umupo! Sisiksik ka dito tapos aangal ka?

May babaeng naiirita dahil daw dinidikitan siya ng mga lalaki..

Lalaking dumidikit o di sadyang napapadikit dahil siksikan: E alam mo namang masikip dito tapos aangal ka? Kung ayaw mong madikitan mag-taxi ka! puro angal!

Binatang may kausap na girlfriend sa cellphone..

Binata: Hello sweet? kumus….

“tiiiiiiiiiit-tiiiiiiiiit-tiiiiiiiiiit” warning buzzer

GF: Mamaya ka na nga tumawag ang sakit sa tenga!

2 deboto sa quiapo ang nag-uusap sa tren..

Deboto 1: Alam mo brod, muntik na ako mamatay nung nakaraang panata ko e.. Muntik na ako maipit ng karosa habang  lumiliko e.. Nasa dibdib ko na talaga, naitulak ko lang talaga ng buong lakas..

Deboto 2: Talaga pre?! Buti na lang pala buhay ka pa.. Delikado kasi talaga yan e.. Tingnan mo yung ibang artista, hanggang papiktyur lang.. Kunwari na sasama sila, pero pagkatapos ng kaunting exposure para mapag-usapan lang sila, aalis na agad o kaya naman biglang may susundo na escort na taga-hawi.. E hindi naman sila naghirap nun e.. parang bale wala din ang panata..

Deboto 1: Tama ka diyan, si Noli Boy nga ginamit niya lang talaga yung panata sa Quiapo para sumikat siya e.. Hindi naman tumatagal sa parada talaga yun..

(Naisip ko lang ulit si Noli Boy.. Ang kalagayan niya ngayon.. Dati siyang reporter na naging bise presidente at naging reporter ulit.. Kaya naman ang ibang istasyon ng TV ay bumibirada ngayon sa pagbabalita dahil may edge sila sa pagbabalita ng walang kinikilingan..

Hal.

Si Ex-Presidente ay halimbawang totoong korap.. at naging reporter siya sa isang istasyon pagkatapos ng termino niya..

Sa tingin niyo ba mababalita ni Ex-Pres. na “Magandang gabi po sa inyong lahat, para sa headline, Nangurap daw ako?”.

Siyempre hindi niya ibabalita ang may kabahuan na tungkol sa kanya.. sa malamang sa malamang.)

Binata, pasikat sa GF niya kunwari marunong ng ibang lengguwahe o kaya ay isang makata..

Kokopyahin ang spanish na Tula sa tren at isesend kay GF..

Magtatanong si GF “Huh? Anong ibig sabihin nun?”

Sasagot si BF “Ito ang ibig sabihin nun… (kokopyahin naman yung tagalog translation)

Ngalay na ngalay na ang bata sa pagkakatayo sa tren dahil sa haba ng biyahe..

Bata: Yes, lola! makakaupo na rin tayo!

Lola: Apo, bababa na tayo..

–metaporista

8-8-2011

0 thoughts on “Apo, bababa na tayo

  1. Sobrang relate na relate ako sa post mong ito. Kasi 2 times a day, 5 days a week akong sumasakay sa MRT. Alam kong may siksikan, tapakan, sikuhan, agawan ng upuan, unahan sa pila at kahit sa liit kong ito ay hindi ako nagrereklamo kung ako ang agrabyado. Alam kong kasi sa simula palang eh ganyan na talaga sa MRT. Kaya natatawa na lang ako sa mga pasahero na puro reklamo.

    Yung mga lalakeng hindi nagpapa-upo ng babae, okay lang sa akin yun. Hindi din naman nagpapaupo ng lalake ang mga babae kaya sa palagay ko ay quits lang.

    Okay lang din sa akin ang mahipuan, ine-enjoy ko na lang. (:

  2. heto talaga ang kinaaayaw ko kapag kailangang kong lumuwas ng manila at sumakay ng MRT. kadalasang siksikan at madalas, talagang nag gugulangan at hindi nagpapaubaya ang karamihan.

    hindi na issue ‘to ng pagiging gentleman o ano. issue na ‘to ng urbanidad na meron tayo bilang mamamayan at commuters.

Leave a Reply