2012

2012

 

Nabilisan ba kayo? Halata bang minadali ko ang 2011? Medyo excited na kasi akong mapahiya yung mga taong nagsasabi na sa 2012 daw magugunaw ang mundo. Sinabi ko na ngang walang ibang makakaalam ng petsa at oras ng pagdating ng panahon na yun na e. Parang Magnanakaw. Pero tinitiyak ko na malapit na. Pansin ko naman na pagod na kayong lahat.

 

Isang milyon ang halos dumating nung araw ng itim na Nazareno sa Quiapo. Maraming nasugatan. Maraming nasaktan. Puwede naman kasing pumila para makapunas ng tuwalya pero ang kukulit gusto pa sa mahirap na paraan.

 

Naalala ko noong ginawa ko sina Eba’t Adan noong pumunta si Jejomar sa China. Ang kukulit kasi ng mga drug mule na yun at madaling natukso sa pera. Anong tingin niyo sa airport nila? SM malls na pwedeng ipasok ang baril? Kung minsan gamitin ang utak sa mga “Paki padala” na yan para di na maulit. At para hindi na magmukhang nagmamakaawang aso ang Bise Presidente niyo na iligtas sa bitay ang mga kababayang inosenteng mangmang na nabulag sa pera.

 

Sinubok ko ang mga Building niyo sa Central Luzon, Ilocos Norte, Metro Manila kung talagang matitibay ang pagkakagawa. Pero syempre sapat na yung 5.1, 5.2 at 5.8 magnitude dahil baka di maubos ang kita ng mga Kontratistang walang kunsensyang gumagamit ng sub-standard na materyales. Heto nga’t walang lindol ay may namatay pa ring 10 trabahador sa project ng Eton dahil sa overloading sa gondola. Andali nilang patayin. Ginutom ko lang sila. Ayun nag-unahan at hindi nagbigayan. Kung hindi ko ginawa yun, mas maraming trabahador pa ang mamamatay dahil sa pagpapabaya nila tungkol sa construction safety. Haaaaaaay. Ayaw kasing mamuhunan sa BOSH o COSH para mas maging aware ang mga tao nila.

 

Inutusan ko ang isang alagad ni satanas na maglagay ng isang bomba sa Bus sa Makati. Wag niyo akong sisihin. Dahil kung hindi ko ginawa yun, guguho na ang mundo ay magbabanjing-banjing pa rin ang ilan sa inyong kapulisan na nagchichill-chill sa de aircong mga kwarto habang nagbabaraha kahit oras ng duty.

 

Hindi ko na rin pinaabot ng Valentines day ang buhay ng Gen. Angelo Reyes niyo. Kung nagtataka kayo kung sino yung kausap niya ilang oras bago siya nag-baril ng sarili, ako yun. Tinawagan ko siya kung talaga bang hindi siya aamin sa ginawa niyang kalokohan. Matatag ang kanyang loob at kanyang paninidigan. Hindi siya aamin kaya magbabaril na lang daw siya atleast hindi niyo alam kung nangurap ba talaga siya o malinis siya. Matatalino talaga ang mga General.

 

Mabalik tayo sa droga. Kung mag-aadik kayo diyan na lang kayo sa Pilipinas. Wag na kayong pupunta ng Hongkong at doon pa magpapahuli para di kayo magaya sa anak ni Chavit Singson. At kung makikipagbreak  sa inyo ang GF niyong mala-Lovi Poe, Iinom niyo na lang ng alak kesa ihithit niyo ng droga.

 

Pinalabas ko na rin sa lungga niya si Lacson para makita ang mukha niyang biglang bumata para makita niyo kung gaano nakakastress ang pulitikang yan. Pero kasunod ng paglabas niya sa publiko  ay ang pagkakatago ko sa bangkay ng 13 minero sa Compostella Valley. Pinalandslide ko. Buti ba kasi kung tinataniman niyo ng bagong puno ang mga punong pinagpuputol niyo.

 

Nag-isang taon na rin ngayon Si Pnoy niyo. Naramdaman niyo ba ang pagbabago? Sana naman. Nag-dalawang taon na rin ng pagkamatay ang nanay niya. At apat na taon namang naghintay si Koko Pimentel bago ko siya nailuklok. Sinubok ko lang siya kung talagang deserving ba siyang maging senador. At dahil sa tiyaga niya at hindi nawawalang pag-asa, nalaman kong oo ang sagot sa tanong na iyon.

 

Marami man kayong ginawang kalokohan nitong taong 2011, medyo napatawad ko na kayo kasi marami-rami ring akong bagyong pinadaan sa inyo though hindi ko na inulit yung Ondoy at nakontrol ko na kahit papaano ang galit ko. Pero naalala ko bigla yung laban ni Pacquiao kaya pinahabol ko si Sendong kahit patapos na ang taon. Di ko ulit nakontrol ang galit ko sa mga Pilipinong balimbing. “Nagiging patas lang naman kami.. ayon lang sa aming nakita at pananaw ang naging judgement namin sa laban niya kay Marquez..” sabi nila. Akala ko pa naman matatag kayong lahat at nagkakaisa ang buong Pilipinas para kay Pacman. Pero pag tagilid ng konti ay lipat na agad sa kalaban? Ayaw ko ng ganun. Manalo matalo dapat nagkakaisa pa rin kayong mga Pilipino. Tinawag niyong bayani noong nakaraang taon, tinawag niyong manluluto ngayong taon. Kung buhay pa si Paquito Diaz ay pinagulpi ko na kayo kaya lang pinagpahinga ko na siya ng mga Marso pa lang.

 

Tinupad ko na rin ang wish ng taumbayan. Arestado na si Gloria at pinamadali ko talaga yun dahil tatakas yun at nagpaschedule na ng face surgery sa Germany para di siya makilala. Tatanggalin na sana ang nunal niya. Pinarusahan ko na lang siya sa pamamagitan ng sakit katulad kay Erap. Ang kaibahan lang, kay Erap sa tuhod kasi mahilig mangandong ng babae. Si Gloria, sa lalamunan para di na masyado makapagbitaw ng kasinungalinan sa inyong mga Pilipino.

 

Napakapalad ng bansa ninyo dahil meron kayong DJ Mo at Genelyn Magsaysay  na magagaling na tagapagturo kung paano mang-black mail o manira ng tao. Ang pagkahumaling sa pag-ibig at sa pera ay nakakasama gaya ng pagkasobra sa usok ng katol. Kung wala silang dalawa ay hindi magiging masyadong makulay ang showbiz ngayon dahil hindi pa rin naman naglaladlad si Piolo.

 

Pero mas mapalad kayo dahil meron kayong Bob Ong at Eros Atalia na meron nanamang bagong libro. Silang dalawa plus  Andres Cristobal Cruz plus Duking ay kaya ng magbigay buhay sa literatura ninyo. Kaya dapat alagaan niyo ang mga Manunulat.

 

Wag kayong ma-excite mag 2012 dahil papahirapan ko pa ang buhay niyo. Patataasin ko pa ang bilihin. Papakalatin ko pa ang AIDS at HIV. Papasikatin ko pa lalo si Justin Bieber. Magpapalindol pa ako ng mas marami, manununog ng bahay, magpapadala ng bagyo at kung ano-ano pa. Pero wag kayong mawalan ng pag-asa ha? Gaya nga ng sabi ko, naglalakbay lang kayo at sinusubok ko lang kayo. Kung ano man ang gawin ko sa buhay niyo, maging matibay lang kayo at wag tatalon sa poste ng Meralco dahil mas mataas pa ang kanilang singil kesa sa poste nila. Walang pera? Wag na kayo umasa kay Willie, kay Bossing at kay Batman. Gawin niyo na ng kusa. Walang nararating ang taong pala-ASA tandaan niyo.

Magtrabaho ng maayos habang oras ng trabaho..

Umuwi ng tamang oras..

Ibigay ang oras sa minamahal hangga’t nandiyan pa sila..

Maging tapat sa minamahal..

Magdagdag pa ng pagtitiis..

Magbagong buhay..

Tandaan niyo, kita ko ang ginagawa ng itim na langgam na gumagapang sa itim na bato sa itim na sahig sa itim na bahay sa loob ng kuweba sa gabing maulap noong di pa nadidiskobre ang apoy.

Sa mga makakatawid sa 2012 na masaya at masigla, congrats in advance. Sa mga walang minamahal, wag niyo ng antayin ang mga kupidong mamana dahil ang populasyon niyo ay 7 Billion na.. Wag niyo ng iasa sa kanila.. Kayong mga babae buksan niyo na lang ang puso niyo para madaling matarget ng iba. Wag ng mamili ng stainless na arrow ang tumama sa inyo. Kasi mapa stainless man yan o kahoy, isa lang din naman ang tama niyan.. Depende lang yan kung gaano kabaon.. At sa mga lalake naman, kung mamamana kayo, isa-isa lang. Matukso man kayo, wag niyong itutuloy. O kung napana niyo na, hugutin niyo agad. Dibaleng isa lang ang masaktan kesa 2.

Sa mga may problema sa pera tandaan niyo, kahit anong trabaho basta marangal tanggapin niyo na. Wag na mag-inarte. Hindi kayo mabubusog sa pagiging maarte maliban kung artista ka.

Sabi ko nga, madali lang naman magkapera.. Ang nagpapahirap lang ay ang pagkuha nito sa malinis na paraan. Lalo na kung di ka nakapagtapos ng highschool.

O paano? Tumawag lang kayo sa akin anytime. Kahit 7 Billion kayong sabay-sabay ay kaya ko kayo. Kasi hindi naman lahat sa inyo ay worth pakinggan kaya nababawasan ng 94%. Kung hindi ka na papatay ng sampung tao kada araw baka pakinggan pa kita.  Tinigil mo na nga ang pagtitinda ng DVD sa Quiapo lumipat ka naman sa EDSA Taft at Alabang Metropolis.. haaaay.. Basta ako binibigyan ko kayo ng tsansa magbago.. Pag napuno na ako, pasensyahan na lang tayo..

O siya, bumili na kayo ng paputok na may kalahating takal ng buhangin kung sapat-sapat ang pera niyo.. Sa mga kapos, sige, sunugin niyo ang perang inipon niyo sa loob ng isang taon.. Mauulam niyo yan at makakain kinaumagahan.

 

– Metaporista

Balikan ang 2011

0 thoughts on “2012

  1. Pingback: 2014 | Metaporista

Leave a Reply