Baho mo Brad

Kung hindi mo pa nararanasan maligo sa dagat ng basura, siguradong naranasan mo nang manginig ang iyong panga at magpigil ng masamang hangin sa tiyan.. at kung hindi mo na nakaya, magpapatay malisya.. Aantayin na pumutak ang iba at biglang sasabihing.. “Hay nako, ang unang pumutak yun ang nangitlog!” sabay hawak sa tenga niya at sasambiting “Kita mo na anlamig ng tenga mo.. Ikaw nga!”. Yun ay kung marami kayo.. Pero kung dalawa lang kayo ng crush mo habang naka-indian seat sa kahoy na sahig at naramdaman niya ang vibration, wala ka nang magagawa kundi ngumiti at magsabing “Human nature.. you know..”

 

Normal sa tao ang magtago ng sariling baho. Takot mapagtawanan. Takot na malaman nang nakararami ang sariling kabahuan. At dahil sa pagtatago nating ito, mahirap kumilos. Takot kasi tayong tumanggap nang puna galing sa ibang tao. Takot tayong maamoy ng iba.

—-

Tatay: Ba`t ang baba nanaman nang grade mo?

Anak: E tay, ayaw niyo po kasi ako pabaunan nang kendi.

Tatay: Bakit? Magiging Einstein ka ba pag may kendi ka?

Anak: …….

Tatay: Sagot!

Anak: Hindi po..

Tatay: E hindi naman pala e!

Anak: E tay, tuwing nagrerecite po ako nagtatakip po silang lahat ng ilong..

Tatay: HA????! Halika pumunta tayo sa dentista..

—-

Gaya nang utot, hindi ito laging napipigilan. Mabigat para sa isang tao ang magdala nang isang lihim. Hindi ka mapapalagay.. Babangungutin ka.. Alam mong hangga`t hindi ka tumetestigo sa pagkamatay niya, patuloy ka niyang dadalawin. Hangga`t hindi ka umaamin sa magulang mo na buntis ka, mawawalan ka nang ganang kumain. Hangga`t hindi mo naipapaalam sa mahal mo na mahal mo siya simula noong una mo siyang makita, hindi ka titigil sa pagbabakasakaling mahal ka rin niya. At ang pangunahing taga-salo nang mga lihim nating iyan, walang iba kundi ang ating magulang. Kaya ang iba, ramdam ang bigat nang mundo pag wala na ang kanilang magulang.

Kahit amoy pusod ang hininga mo, kahit puno ka nang buni at alipunga, kahit maaga kang napanot at laging bagsak sa eskwela, andiyan sila para magsabing “Ok lang yan `nak! Yung iba nga eh mas malala pa ang pinagdadaanan kesa sayo at nakakaya nila.. Basta`t wala kang ginagawang masama wala kang dapat ikahiya. Alam mo ba kung bakit tinawag na PAG-ASA ang taga-pagbantay natin nang panahon? Dahil sila ang pag-asa nang nakararami para mailigtas ang sarili sa paparating na bagyo. At hindi lang yon.. Para tuwing may paparating na bagyo sa buhay natin, lagi mong iisipin na may PAG-ASA. Sabi nga ni Lolo mo.. There is no success denied.. Only Success delayed.. O siya, kumain ka na habang mainit ang kanin.”

 

 



—-

Apo 1: Huuuuu! Sa wakas buti bumaba na yung mabahong yun..

Apo 2: Hayup nga e.. Antagal nakatambay sa ilong ko nang anghit niya.

Lolo: Hoy, magsitahimik nga kayo.. Wag kayong ganyan masama yan. Pinagpaguran niya iyon at pinag-pawisan.

—-

Oo, nakakapagtaka kung bakit magkaamoy ang kuyukot at ang pusod samantalang ang layo naman nila sa isa`t isa.  Pero sabi nga nang iba, ang magnanakaw takot sa kapwa magnanakaw. Pareho silang mabaho. Pareho silang lumalayo sa isa`t isa. Naalala ko ang sabi ng tatay ko.. “Once you lie, you will lie forever”.. Napakahirap magsinungaling dahil ang kasinungalingan mo ay dapat mong panindigan hanggang sa huli dahil kung hindi, yari ka. Wag kang magpapanggap na meron kang sariling DSLR dahil magtataka ang mga tao dahil mukhang galing lang sa cellphone ang mga picture mong inupload. Wag kang magpapanggap na manager ka na sa kumpanyang pinagtratrabahuhan mo dahil maraming magtatampo sayo pag nagpalakad sila sayo at hindi mo sila naipasok. Higit sa lahat, wag kang magpapanggap na mahal mo talaga ang isang tao.. Dahil posibleng iwanan niya ang kasalukuyan niyang kasintahan para lang makamit ang mapagpanggap mong pagmamahal.

 

Pag mabaho ang bahay dapat pinapasingaw.. Pero pwede rin na isara mo na lang ang pinto`t bintana at singhutin mo ang buong kabahuan para hindi nakakahiya sa kapit-bahay niyo.

Pag mabaho ang iyong katawan, maligo, maghilod, sabunin ang pusod, magdeodorant at maglagay nang pulbos..  Pero pwede rin na bumili ka na lang nang Baby Cologne sabayan mo na lang nang dasal na sana matabunan nito ang umaalingasaw mong kili-kili.

Pag mabaho ang bibig, mag toothbrush, mag mouth wash at pumunta sa dentista.. Pero pwede rin na mag-aral ka nang sign language at mag-panggap na pipi para di nila malaman na meron kang killer breath.

 

Mahirap ang magpanggap. Wala nang mas dadali pa sa pagpapakatotoo sa sarili.

Mag-kamay ka kung gusto mo!

Magtagalog ka kung mahina ka sa english!

Magtanong ka kung hindi mo alam!

Mag-Carinderia ka kung kulang ang budget!

Wag kang magpakulong sa gusto mong maging tingin sayo ng iba..

Lumaya ka sa sarili mo.

Wag kang mahiyang anak ka nang nanay mo..

Dahil kung pwede lang nila isigaw sa buong mundo na anak ka nila, tiyak na gagawin nila iyon.

Wag kang mahiyang maging Pilipino..

Dahil kung buhay si Rizal, ituturo ka niya at sasabihing “Yan ang sinasabi ko noon na magiging pag-asa ng bayan..”

Wag kang mahiyang maging tao..

Dahil mapa-mayaman o mahirap, iisang hangin lang ang hinihinga natin at iisa lang ang patutunguhan nang buhay nating lahat.

At kahit kelan, higit na mas mabaho ang mga taong may masamang ugali kaysa sa mga batang lumaki sa basurahan.

Metaporista

 

0 thoughts on “Baho mo Brad

  1. good way to start the year, i say. here, here.

    dapat lang na magpaka-totoo lahat tayo. dahil kung hindi, sa bandang huli ay niloloko nga lang talaga natin ay ang mga sarili natin.

  2. “At kahit kelan, higit na mas mabaho ang mga taong may masamang ugali kaysa sa mga batang lumaki sa basurahan.” – Agree, 101%. Good manners and right conduct pa rin ang importante mayaman ka man o mahirap.

Leave a Reply