Free Pussy


Image

Ang Kwento ng Pusang Malaya

Meow.

Isa akong pusa dito banda sa Vito Cruz sa Ocampo corner Taft Avenue. Pagala-gala sa malawak na parkingan ng bus sa likod ng police station. Pahalu-halungkat ng basura sa Jolibee at patalon-talon sa mga matataas na bakod ng Al Assal Manpower. Sa maiksing panahon, nakabisado ko agad ang munti pero masaya kong bagong teritoryo. Dito ko na rin nakilala ang asawa ko na tumulong sa akin noong panahong naligaw ako. Mali. Noong panahong iniligaw ako. Ulit.
Ako si Chi, pang-apat sa iniri ng nanay ko sa 7 magkakapatid.  Ipinanganak ako sa Felix Roxas Cor. R.Papa, Tondo diyan banda sa Barrio Obrero. At dahil sa dami namin, iniligaw kaming 4 na babaeng magkakapatid na magkakahiwalay ng amo namin apat na araw pagkatapos naming ipinanganak. Oo. 4 na araw ko lang nakapiling ang nanay at mga kapatid ko. Hindi ko pa maidilat maige ang mga mata ko noon kaya hindi ko na matandaan ang itsura nila. Hindi ko alam kung hinanap niya ba kaming mga babaeng iniligaw pagkatapos kaming mawala sa piling niya. Isang malaking kamalasan ang pagiging babaeng kuting. Iniisip nila na lalandi agad kami at mag-uuwi nanaman ng maraming mga anak sa bahay nila.
Naalala ko yung araw na napulot ako ng panibago kong amo. Nakita niya akong nangangatog sa labas ng kanilang pinto at inakala niya na dahil iyon sa pagkabasa ko sa kakatapos lang na ambon. Hindi niya alam ay gutom na gutom ako’t uhaw na uhaw. Agad niya akong pinasok sa bahay nila. Nilagay sa maliit na palanggana na mayroong asul na lumang tela. Pinunasan niya ako. Tinimplahan nang maligamgam na gatas at pinainom ako sa pamamagitan ng droplets. Nakatulog akong mahimbing. Hindi ko alam kung dahil ba sa lambot ng telang aking hinihigaan o dahil kagagaling ko lang sa magdamag na pag-iyak.
Isang linggong lumipas at medyo matigas na ang aking mga tuhod at nakatayo rin ako ng medyo tuwid. Nakakadilat na din ako at nakakainom ng maayos ng gatas. Patuloy akong pinapadede. Umaga, tanghali at gabi. Unti-unti’y nakakalimutan ko ang masaklap na pagkakahiwalay ko sa aking magulang at mga kapatid. Unti-unti ko ng natatanggap na hindi na kami magkikita ulit at mayroon na akong sariling buhay sa bago kong amo.
Lumipas ang buwan at malaya na akong nakakatakbo at nakakasiksik sa loob ng bahay. Tinuruan nila akong umihi at dumumi sa isang lalagyan para hindi ako magkalat. Nagagawa ko kadalasan pero minsan ay hindi ako nakakaabot dahil bigla na lang sumasakit ang aking tiyan.Sabik ako laging makasama at makalaro sila. Lagi nila akong kinakandong, kinikiliti at minamasahe. Sarap na sarap silang kinakagat ko gamit ang patubo kong ngipin ang kanilang mga daliri sa paa. Inaabangan ko sila lagi sa pinto buong araw. Minsan, walang dumadating. Kaya ko namang magtiis ng gutom basta merong maiinom na naiwan para sa akin. Dahil apartment ang aming tinitirahan, medyo malaki ang aking napaglalaruan kaya medyo hindi ako agad dinadalaw ng inip.
Isang araw, nagulat ako nang nag-iimpake na ang mga amo ko ng mga gamit sa bahay. Sa Vito Cruz daw lilipat, condominium. Anak ng tokwang bakla, isasama ba nila ako sa paglipat? Narinig kong pinag-uusapan nila na ‘no pets allowed’. Sinagot ang katanungan ko nang isinilid nila ako sa isang box. Madilim, masikip at matagtag. Natulog ako sa biyahe. Paggising ko, iba na ang aming bahay. Malinis at maganda pero masikip. Mali. Ubod ng sikip.




Narinig ko silang nagtatawanan dahil hindi raw ako nadetect ng guard kanina dahil nilagay daw nila yung box sa dryer ng washing machine at tinabunan ng maduming damit. Samakatuwid, Sa 25-story na building na ito, ako lang ang nag-iisang pusa, sa tingin ko.
Hindi pa nga pala ako nakakakita ng kapwa ko pusa mula noong naidilat kong malinaw ang aking mata maliban sa aking sarili pag humaharap sa salamin. Alam ko naman ang itsura ng pusang kagaya ko. Pero hindi ko alam kung paano ba ang makitungo sa kanila. Hindi ko alam kung makaka-usap ko ba sila ng maayos? Pag nakakita ba ako ng pusang galing Japan ay maiintindihan ko ba ang salita niya? Parehas ba ang signal ng buntot ko kumpara sa kanila. Normal ba ang haba ng kuko ko o dapat ko pang ikaskas pa sa pader para mas tumalas?
2 Buwan akong nakulong sa condo na ito at wala akong ibang masasabi kundi, BORING. Pag-umaalis sila, pinapatay nila ang mga ilaw at walang liwanag na pumapasok. Nakakakilos ako pero limitado lang ang aking nagagalawan. Nakakakilos ako pero mabagal. Mag-aantay na may dumating para may magbukas ng ilaw at magpakain sa akin ng whiskas salmon. Minsan, Century tuna in brine ang pinapakain sa akin o di kaya stick-o. Ako na lang ang gumawa ng mga paraan para hindi ako mabagot. Pag dumating sila, kukulitin ko sila ng kukulitin, pag umalis sila, doon na lang ako matutulog. At sa pagsara ng pinto para sa kanilang pag-alis, doon naman bubukas ang lungkot na nararamdaman ko. Minsan sinasabayan ko sila manood ng Personalan sa Channel 11. Actually naging paborito ko na ang palabas na ito. Bukod kasi sa pagbasag ng pinggan, which is my specialty, natutuwa kasi ako na tama ang hula ko sa ipapalabas sa susunod na episode. MAHIRAP nanaman ang kabuhayan ng tao sa susunod na palabas. Kahit mapatungkol sa pag-ibig o relasyon ng pamilya ang problema, sigurado akong salat sa mga pera ang mga magsasagutan. Wala pa akong nakitang mayaman na isinambulat sa harap ng TV ang mga maduduming awayan ng kanilang pamilya. Malamang dahil iniingatan nila ang kanilang reputasyon. Ang ganitong klase ng palabas ay nagtuturo ng magandang leksyon sa mga nanood pero kawawa naman ang salat dahil sila ang napiling pag experimentuhan para matuto sa buhay ang mga pilipino. Para silang mga pinag-eexperimentuhang daga na pinagcoconfess sa nagawang kasalanan. Pagsasabungin. Aalamin kung ano at sino ang may kasalanan. Tuturuan kung paano humingi ng tawad at kung paano itutuwid ang maling mga nagawa. At pag naging successful, gagamitin na ng tao sa kanilang buhay. Pinangarap ko tuloy minsan na I-guest ang Basa at Guidote at panoorin kung paano mag-away ang mga mayayaman. Inaabangan ko rin noon ang impeachment trial ni CJ Corona. Kahit isa lang akong pusa, alam ko kasing malaki ang magiging epekto ng desisyong ito sa ating bayan. Wala raw kasing mahirap kung walang kurap. At kung walang mahirap lahat ng tao may pagkain. At pag may pagkain, may tiyak na tira-tirang pagkain na ipapakain sa akin.
Alam ng mga amo ko na bagot na ako sa buhay. Yung isa ay laging nagbabanggit sa akin na kung magkaka-kokotse siya ay itatakas niya ako tuwing sabado sa Luneta at ipapasyal ako. Kaso kelan pa yun? Baka nga sa loob ng 3 taon ay wala pa rin siya ni pambili ng second hand na sasakyan. Kailangan daw ng kotse para hindi busisiin ng guard masyado at hindi ako makita. At yung isa naman ay direkta nang pinatikim sa akin ang kalayaan. Nilabas niya ako sa tabi ng condo na aking tinitirahan at iniligaw. Mali. Hindi ako iniligaw, pinalaya ako. Tutal malaki nanaman na ako para mabuhay mag-isa. Naisip niya sigurong malungkot ang aking buhay kung habam-buhay akong nakakulong sa isang maliit at masikip na kuwarto. Hindi kaya pinagbabawal nila ang pets sa condo ay hindi dahil sa mag-iingay ang mga ito o magkakalat kundi dahil tinatanggalan mo agad sila ng direktang kalayaan? Kalayaang makisalamuha sa iba. Kalayaang umibig. Kalayaang tumayo sa sariling paa.
Noong unang araw akong lumaya, natakot ako. Hindi ko alam kung paano iiwasan ang Bus na naglalakihan na biyaheng papuntang Lawton at mga jeep na papuntang Divisoria, Blumentritt, MCU at Quiapo at mga FX na biyaheng SM Fairview. Hindi ko rin alam kung ano ang tamang paraan sa paghalungkat ng basura kaya naman sobrang dungis ko bigla. Para akong konyong lasalista na naghahalungkat ng makakain sa Payatas dump site. Umiyak ako buong araw dahil sa takot, gutom at lungkot. Ang dating whiskas ay napalitan nang balat ng saging at tirang taba ng porkchop. Ang dating mineral water ay napalitan nang naipong tubig ulan sa tabi-tabi. Kapalit ng pagiging malaya ko ay ang pagtitiis ng hirap. Pero pipilitin ko namang mabuhay. Isa kasi akong pilipinong pusakal at wala naman akong espesyal na lahi. Di bale nang hindi makatikim ng karangyaan basta mabuhay lang ng normal. Ang pag-unlad naman kasi ay nakabase na sa ating pag-iisip at paggawa. Kung tatamad-tamad ako at hindi ako magkakalkal ng basura, magugutom ako. Dibale nang mamatay sa kakakayod basta hindi ako sakop nang amo kong magkukulong sa akin sa isang lugar at nangangakong palalayain ako ngunit puro lang pangako. Minahal ko rin naman sila at masaya rin akong namuhay. Kaso hindi naman kasi yun ang totoong mundo ko. Kung hindi dahil sa nagpalaya sa akin, hindi ko makikilala ang asawa ko ngayon. At malamang, hindi ko ngayon kasama ang 4 naming anak. Sa amo ng asawa ko kami nakatira ngayon. Malayang nakakapaghabulan sa bubungan, malayang nakakatanggap ng liwanag ng araw at buwan. Bagaman hindi nila matitikman ang mga nakain ko noon, ok lang yun. Mas masarap naman pala kasi ang pagkain pag mayroon kang kasalo. Kahit gaano pa kasimple yan, kahit gaano pa katabang.
Gaya ko, marami siguradong pusa diyan na kung saan-saan napapadpad. Kung anu-ano ang naiisip sa buhay. Tanggapin natin na hindi natin kontrolado ang ating buhay. Laging may mas mataas na kumokontrol sa atin. Kung hindi asawa, magulang. Kung hindi magulang, Gobyerno. Kung hindi Gobyerno, UN. Kung hindi UN, Alien. Minsan kailangan na lang nating sumunod kahit labag sa loob natin para hindi na lang lumaki ang gulo. At kung talagang hindi mo na kaya, magsalita ka o di kaya humingi nang tulong at payo sa iba. Mahalaga ang maging malaya, mahalaga ang pagbangon sa sariling paa. Pero dapat sa pagbangon natin, iwasan nating matapakan ang mga taong tumulong sa ating tumayo. Pahalagahan ang mga nagtiwala at sumuporta. Kalimutan ang mga taong lumalapit at naaalala ka lang kung may kailangan. Hindi talaga patas ang mundo. Ikaw, bilang tao, kontrolado mo kaming mga pusa. Pwede niyo kaming iligaw o gawing siopao. Pwede niyo kaming lunurin o ilaglag sa building. Magpasalamat ka ng marami dahil naging tao ka. Isipin mong higit ang kalayaan mo kaysa sa iba.
Meow.

— Metaporista

0 thoughts on “Free Pussy

  1. Sigurado akong mataas ang hits ng free pussy mo.

    Maihahanay ba itong pabula?

    Matalino ang pusa. Siyam nga daw ang buhay, at malamang naging instrumento ka para maiparating ang kalunos-lunos na sitwasyon ng mga pusakal.

    Doon sa tinatakbuhan ko tuwing Sabado at Linggo, nasanay na ako sa meow nila. Mga iniligaw din marahil. Kala ko nga tiyanak na nagma-meow.

    1. Ang pusa gaya ng tao ay gumaganda ang panlabas na anyo ayon sa kinakain. Malalaman mo kung sino ang pusang alaga ng mayaman sa pusang walang nag-aalaga at pusang inaalagaan pero hindi masustansya ang pagkain. Dati hindi ko maintindihan kung bakit sobra ang concern ng PETA sa mga hayop. Hindi pala natin sila maiintindihan maliban kung ikukumpara natin sila sa buhay ng tao. Wala man silang suot sa paa ay dapat nating lumagay sa kanilang sapatos para maintindihan ang kalagayan nila at kung ano ang kanilang nirerepresenta sa sambayanan.

      Iba ang kalagayan ng pusang malaya sa pusang alaga.
      Pahirapang mabuhay pero masaya,
      Mas ok iyon para sa akin.
      Kaysa yung tiyak nga na may kakainin ka pero hindi mo lang alam kung ano ang itsura ng damo, ang lamig ng patak ng ulan, ang baho ng usok ng mga nagkakarerahang jeep at ang ingay ng malat na barker ng jeep na bumubulong na lang sa mga kausap sa bahay pag-uwi.

Leave a Reply