Licensed Camote Engineer

Image

Potek. Kailangan ng bumangon. Nangingilid pa rin ang mga mata ko at mabigat pa rin ang katawan pero kailangan ng bumangon. Baka matrapik ako at mahuli. Yari ako pag nagkataon. May natira pa ba akong Gardenia at Lily’s peanut butter sa ref?

Ang lamig ng tubiggggg! Kaya ayaw kong maligo ng ganitong oras e. Wala naman kasi kaming water heater. Kaya no choice, imbis na isang tasang tubig lang ang kailangang kong pakuluan para sa kapeng nagpapainit ng sikmura ko, kailangan dagdagan para maging maligamgam ang isang baldeng tubig kong panligo.

Diploma, Certificates, 1×1 at 2×2 picture, Mahabang TOR, bagong print at mainit-init pang Resume, NBI clearance at .. Ano pa ba? Meron pa ba akong nakalimutan? Double check. Wala na. Bolpen at SciCal na lang baka kasi biglang mag-pa exam. Teka. Saan ko ilalagay ito!? Wala akong brown envelope!

Pangatlong interview ko na ito sa mga kumpanyang inaplayan ko. Naka dalawa ako last week. Medyo sumablay nga lang ng konti dahil dun sa una, na late ako ng 1 hour dahil tinanghali ng gising. Pinag-exam naman ako pero siguro, hindi naging maganda ang impression sa akin nung nag-interview. Yung sa pangalawa, ok na sana kaya lang lumabas na underqualified ako nang napalibutan at nakasabayan ko sa interview ang mga fresh board passer na galing sa mga kilalang eskwelahan ng mga engineer sa Manila, QC, Naga, Davao at Cebu. Para akong pato na nakipila sa mga manok na pansabong. Kung tutuusin, parehas lang naman kaming qualified sa inaaplayan naming trabaho dahil lahat naman kami ay meron ng professional license. Kung mahina ang loob mo, mawawalan ka na talaga agad ng pag-asa na pauupuin ka ulit at pagaantayin para sa final interview. Mama-mindset ka na na maya-maya lang ay maririnig mo na ang “Mr. ekek, tatawagan na lang po namin kayo. Maraming salamat.”. At yun nga ang narinig ko.. na isang magalang na paraan para sabihin sayo na “Hoy ogag, bagsak ka. Sibat na.”

Watamirakol! Ang interviewer ang late ngayon. 8:00am kami pinapunta pero 8:16am na at wala pa rin siya. Baka code blue sa LRT (Malaking ang pagitan ng oras ng pagdating ng tren) o baka code yellow (Medyo delay ang pag-alis at pagdating ng tren sa mga istasyon) o kung napasama code red (Pansamantalang suspensyon ng serbisyo dahil sa teknikal na kadahilanan). At bago ko pa naisip ang ibang posibilidad, pumasok ang isang  matandang, matangkad, macho, maputi at kumekendeng na lalaki na may bitbit na attache case sa kaliwang kamay at Mc Cafe naman sa kanan. Mukhang siya na nga ang susunod na lalaking kakalkal sa pagkatao ko at manghuhusga kung sulit ba na mapabilang ako sa kompanya nila. Dumiretso siya sa isang kwarto at nirereview ang mga papel na iniwan sa lamesa niya. 5 lang kaming nagaantay na mainterview. 20% chance agad! At kung ieeliminate ko pa, isa sa amin ay babaeng mukhang nataniman na ng melon sa tiyan kaya 25% chance na ang tiyansang mapili ako dahil isa lang ang kailangan nila.

Lumabas ang interviewer saglit at tinawag ang pangalan ng unang aplikante. Chill-chill muna ako habang ninanamnam ang nabili ko sa 7-11 na mineral water na meron atang halong ginto. Akala ko lahat ng mineral water ay mura lang kaya nung nagmadali akong kumuha sa ref nila na bigla na lang may lumalabas na kamay mula sa likod ay nadampot ko ang Evian Mineral Water. Hindi ko na pina-cancel sa cashier kasi magandang babae siya. Binayaran ko na lang at nag-piling mayaman kahit sa loob-loob ko ay nadaya ako.

Nahuli akong grumaduate sa mga kabatch ko. Nalulong ako sa bisyo, billiards, babae, dota at dambuhalang ches



s board sa SM Manila. Minsan naaawa na rin ako sa sarili ko kapag naiisip ko na sana,  kung inayos ko lang ang buhay kolehiyo ko, manager na rin ako tulad ng mga kabatch ko. Pero minsan natatawa na lang din ako pag binabalikan ang mga ginawa kong kalokohan. Grumaduate ako na masaya at nagawa ang gusto ko. Sila, grumaduate na parang kinulong sa eskwelahan at sinubsob ang mukha sa libro at wikipedia na ang pinakagala na ay ang pagbili ng bagong G-tec o A-4 na papel sa national bookstore. Nag-enjoy nga ako pero hindi naman ata nagenjoy ang pawis ng magulang ko sa mahabang taon ng pagsuporta nila sa akin sa tuition, pang print at photocopy, pang baon at pambili ng mga quiz booklet na kadalasan ay hindi ko naman nalalagyan ng laman tuwing nag-eexam.

Tapos na ang interview nang unang tinawag. Umupo siya ulit sa tabi namin at tinawag naman ang pangalan ng kasunod. Gusto ko sana siyang tanungin kung ano ba ang mga pinagtatanong sa kanya pero magmumukha akong si Miss Philippines na nagtatanong kay Miss Uzbekistan na magkaiba naman pala ang itatanong sa amin. Kaya tumahimik na lang ako at nagpaputok ng daliri.

Karamihan sa mga kabatch ko ay dumiretso na agad ng Saudi, Qatar, UAE, Singapore at Japan pag ka graduate. In demand daw kasi ang mga engineer doon. Nananabik silang mabawi agad ang pinuhunan ng magulang nila sa kanilang pag-aaral. Mahina na ang kitang 60,000 pesos per month kumpara dito na nasa 17,000 pesos lang per month. Mabilis ngang makakaipon pero bigla ka namang ilalayo sa mga bagay na nagpapasaya sa iyo at nagpapaikot ng mundo mo. Ang pamilya mo, minamahal mo at mga kaibigan mong laging umuubos ng binibili mong tsitsirya. Meron naman daw technology. Buti nga ngayon meron na. Kaya hindi mo rin siguro masisisi ang mga OFW natin dati na may kabit sa bansang pinagtratrabahuhan nila at may kabit din ang mga asawang naiiwan nila sa Pilipinas. Mahal ang tawagan sa telepono, madalang umuwi at nakakaalala lang kapag malapit na ang swelduhan. Pero buti na lang talaga at meron ng Viber, Tango, Skype, Facetime, YM at sige na nga, Facebook. Ilang pindot lang ay makikita mo na si bunso mo na natututo ng magbilang ng 1 to 10. Ilang pindot lang ay mararamdaman mo na agad ang pinagdadaanan ng anak mo na nagpost sa wall na nakipag-break nanaman siya sa bago niyang boyfriend at kailangan niya ng payo mo. Ilang pindot lang ay mababalitaan mo nanaman na nanganak nanaman ang malibog mong alagang aso. At sa isang pindot lang, makikita mo na ulit ang mukha ng pinakamamahal mo na lagi mong pinipindot-pindot mula ulo hanggang paa. Makita at marinig mo lang naman sila na nasa mabuti silang kalagayan, medyo mapapalagay na ang loob mo at nakakawala na ng lungkot. Pero syempre, hindi sapat yun. Kailangan mo lagi samahan iyon ng tiwala at paniniwala. Tiwala sa relasyong pinanumpaan niyo sa Diyos at sa tao. At paniniwala na ang binibigay mong tiwala ay magdudulot ng magandang relasyon kahit magkalayo kayo. Mailalabas mo ang sama ng loob mo na sinigawan ka ng amo mong arabo. Maipapakita mo na sa kapit-bahay mo na engineer talaga ang ipinunta mo sa Japan at hindi hosto sa mga gay bar.

Lumabas na ang pangalawang ininterview. Hindi na siya umupo sa tabi namin. Kinuha lang ang naiwang gamit at dumiretso na ng uwi. Bagsak siguro o baka hindi nagkaayos sa sweldo. Sus ko! Kahit siguro 12,000 pesos per month ang ioffer sa akin papatusin ko na. Basta ba maganda ang makukuha kong experience sa kumpanya nila, walang problema iyon sa akin. Pumasok na ang pangatlo.

Noong nagrereview ako para sa board exam, tinanong kami ni Sir Dondi Planaes “Gaano kahalaga sa inyo itong licensure exam? Dali class gusto ko marinig ang sagot niyo.”. Sumagot ako ng “Mahalagang mahalaga!”. Nagulat siya sa sagot ko. Pinaliwanag niya na oo mahalaga ang lisensya pero hindi siya mahalagang mahalaga. Hindi ka mamamatay kung babagsak ka ng 7 beses. Makakapagtrabaho ka kahit wala kang lisensya. Makakapag-asawa ka, magiging masaya at magiging successful kahit wala kang lisensya. Ang lisensya parang make-up lang yan na nakakapagpaganda sa mukha mo o gel na nagpapagwapo sayo. Ang problema lang, karamihan sa mga kumpanya ay hayok sa mga naka-gel at naka-make-up. Hindi sila namimili ayon lang sa kakayahan mo at kagustuhan mong matuto ng mga bagong bagay kundi dapat, mabango ang pangalan mo.  Dapat pag pumasok ka sa kanila ay naka-make-up ka na. Ayaw nila yung pag pasok mo ay tsaka ka pa lang mag-mamakeup maliban kung ubod ng bait at maunawain ang boss niyo. Ang ibang kumpanya naman, gusto ng hindi nakamake-up para mababa lang ang ipapasweldo. Sila yung mga kumpanyang wise. Kung hindi naman gagamitin ang lisensya sa trabaho, bakit nga naman nila ito irerequire? E kaya naman palang gawin ng walang lisensya yung trabaho ng may lisensya. Kaya kung may lisensya ka, wala ka dapat ipagmayabang. Mas matimbang ang experience kesa sa lisensya mo. Ang lisensya ay magbibigay lang ng mas maraming oportunidad para sayo, pero hindi mo kailangan magbigti kung hindi mo ito makukuha.

Anak ng tokwang bakla. Tama ang kutob ko. Panghuli nga ako. Main event ika nga. Lumabas na ang pangatlo at umupo sa tabi namin. Pumasok na ang pang-apat. Yung babaeng nataniman ng melon sa tiyan. Nagsisimula na matuyo ang laway ko. Ipinupunas ko na rin ang namamasa kong palad para kung tawagin ako anumang oras ay hindi ako mahihiyang ipang shake hands ang ninenerbyos kong kamay.

Saan ako pupulutin kung di ako matanggap dito? Hahanap nanaman ng ibang maaaplayan? Hindi ko naman masisisi ang magulang ko dahil wala naman silang kakayahan para pag-aralin ako sa maganda at mamahaling paaralan. At kung sakali mang pinagaral nila ako sa kilalang paaralan ay baka nalululong lang din ako sa mga bisyo. Baka makick-out lang ako at mawala ang pagasa nila sa akin na makapagtapos. Ok lang kahit hindi kilala ang school ko. Basta ang tinuro ng school ko ay may kakayahan na ihubog ako bilang engineer at makakuha ng lisensya. Bakit ganun? May kakilala akong nag-aral sa kilalang paaralan pero hirap din maghanap ng trabaho. Tingin ko, hindi sapat na matalino at masipag ka, ang susi ay dapat malaman nilang matalino at masipag ka. Paano? Mag-top ka sa board exam. Mag cum laude ka. Umimbento ka ng kakaiba. Magpakopya at magturo ka sa mga kaklase mo. Maging presidente ka ng org mo. Maging captain ball ng basketball team niyo. At ang pinakasimple, makipagkaibigan ka at palawakin ang koneksiyon.

Pag nakasampu na akong kumpanya at wala paring tumanggap sa akin ay baka tanggapin ko na lang ang inooffer sa aking trabaho sa abroad. Taga-drive ng tractor sa taniman ng camote pero ang suweldo, 80,000 pesos kada buwan. Libre bahay, tubig, kuryente at may health insurance pa. Yun nga lang, mababalewala lahat ng mga paghihirap ko sa eskwela. Matutulad sa ilang mga lisensyadong nurse na nakapaglingkod sa mga kababayan ng 5 taon pero piniling mag call center para makatikim ng 5-digits na suweldo. Matutulad din ako sa mga lisensyadong teacher sa public school na nagturo ng 9 na taon pero piniling magtinda ng pabango sa kilalang mall sa Dubai para maipagamot ang anak na may luslos. Matutulad din ako sa ilang lisensyadong doktor na pinipilahan ng daan-daang pasyente dahil sa galing pero piniling mag-abroad at maging crane operator dahil mas malaki di hamak ang sweldo nito. Tulad nila, kailangan kong itabi ang pride ko. Hindi kasi nakakabusog ang pride. Ano naman kung maging pampabigat na lang sa wallet ang lisensya ko? Kung tutuusin, pipiliin ko pang maging taga-hugas ng puwet kung 15x naman na mas malaki ang suswelduhin ko. Pero teka, bakit pa ako nag-aapply dito kung ok lang naman pala sa akin maging driver ng tractor?

Ano ba talaga ang pinakamahalaga para sa akin? Pera? Lovelife? Pride?

Mukhang nakaposas pa ako sa pride ko. Pero baka pag nagsimula na sigurong kumalam ang tiyan ko at sumigaw na sa sakit ang nanay ko dahil sa kirot ng sikmura niya ay mabago na ang prayoridad ko sa buhay.

Minulat tayo na kapag nag-aral tayo at nakapagtapos ay magiging maganda ang ating buhay. Kulang iyon. Dapat kumpleto ang pagpapaliwanag sa mga batang nagsisimula pa lang mangarap.

Nanay: Anong gusto mo maging?

Bata: Engineer po.

Nanay: Anong klase? Mayamang engineer? Kung gusto maging mayaman na engineer dapat mag-aral ka at makinig sa teacher mo maige para makapasok ka sa magandang school  pag highschool at sa college at para di ka mahirapan pumasa sa board exam at makahanap ka agad ng magandang kompanya na mapapasukan. Sumipsip ka ng konti sa teacher mo, makipagkaibigan ka sa mga chinese, sumali ka sa org at mga pakontest, wag kang mandadaya sa lab report, magtanong ka sa teacher mo kung hindi mo naintindihan, wag ka masyadong mag tsitsirya, magbibisyo at mambababae. Engineer sa abroad o local? Kung sa abroad, pag-aralan mo na hangga’t bata ka pa ang lengguwahe ng bansang gusto mong puntahan. Hindi yung pag andun ka na ay para kang baby na uutal-utal at di mo maiparating ang mga gusto mong sabihin. Kung local naman, maging pamilyar ka na sa business o politika. Businessman, politiko, winner sa lotto, artista, sikat na basketball player at boksingero at dealer ng drugs lang ang yumayaman dito. Imbentor nga ng water powered vehicle hindi yumaman e.

Lumabas na ang buntis na babaeng engineer at umupo sa tabi namin. Tinawag na ang pangalan ko. Hinga ng malalim. Tingin sa taas. Pasok sa room.

Natapos ang interview. Narinig ko ang ayaw ko marinig. Tatawagan na lang daw ako. Labas ng building. Inom ng natirang Evian. Kamot sa ulo.

-Metaporista

0 thoughts on “Licensed Camote Engineer

Leave a Reply