Paano sinusukat ang pag-ibig?

Animal Love

 

Paano sinusukat ang pag-ibig?

Naalala niyo yung lesson sa mga bagay na measurable at immeasurable?

Meron daw mga bagay na kaya nating sukatin o i-quantify tulad ng time, length, mass, electric current, temperature, luminous intensity at volume. Yan ang basic quantity ng measurement kung naaalala niyo pa ang math at science lesson natin noong nag-aaral pa tayo. Tinuruan tayo kung paano gamitin ang bawat isa sa dapat nitong paggamitan. Paulit-ulit tayong pinatitingin sa kamay ng relo para malaman kung marunong na ba talaga tayong tumingin ng oras. Pinasakit din ang ulo natin noong tinuruan tayong mag-convert papunta sa ibang unit. At ang iba, hanggang ngayon, hindi pa rin alam kung ilang feet meron sa isang yarda.

At syempre, may mga bagay daw na hindi kayang sukatin o bilangin. Halimbawa ay ang kabaitan, kagandahan, pag-ibig at marami pang iba. Pwede mo lang sabihin na “mas mabait siya kesa kay…” pero di mo pwedeng sabihin na ang kabaitan ng batang ito ay 145,007. Pwede nating mailarawan pero di natin mabibilang.

Nagkakaroon ng problema kadalasan sa buhay natin pag sinusukat natin ang mga bagay na hindi naman dapat. Minsan, ang pagmeasure nila sa immeasurable ang nagiging basehan nila sa pagdedesisyon.

Gaano ka na kabigat?

Sagot: 73.5 kg.

Gaano ka na katangkad?

Sagot: 176 cm.

Gaano mo ako kamahal?

Sagot: …

——————————————-

Time

Kung basehan ang tagal ng pagsasama para masukat ang pagmamahal, posasan ninyo ang tig-isa niyong kamay at magsama kayo habang buhay at wag nang maghiwalay. Hindi rin basehan ang daysary, monthsary, anniversary para masukat ang pagmamahal. Minsan kung sino pa yung akala mong magkakatuluyan na ay nagkakahiwalay pa. At madalas, kung kelan nagkatuluyan, doon pa naghihiwalay. Basehan ba ang edad sa mga tunay na nagmamahalan? Sinong nagpauso na dapat laging mas matanda ang lalaki kesa sa babae? Sinong nagsabing hindi pwede magmahalan ang may agwat na 15 taon? Kung edad ang basehan mo para umibig, pumunta ka NSO at humingi ng listahan ng mga listahan ng mga kasabayan mong pinanganak at doon ka maghanap ng mamahalin mo.

Length

Kung basehan ang tangkad para masukat ang pagmamahal, mag hanap ka ng Yao Ming. Kung basehan ang sukat ng paa para sa pagmamahal, paoperahan mo na lang. Kung 36-28-36 na vital statistic ang sukatan mo ng pagmamahal, maliwanag na hindi na nagmamahalan ang tatay at nanay mo. Kung lapit ng distansiya ang sukatan ng pagmamahal, walang matitirang pag-ibig ang mga OFW. Pero ba`t may mga OFW na malayo sa pamilya na kung bibilangin ay lampas pa sa kalahati ng edad nila ang tinagal sa abroad pero pag-uwi sa pinas ay tapat pa ring nagmamahalan? Ba`t merong sumakabilang buhay na ang minamahal nila, pero hindi nagbabago ang pag-ibig?



Mass

Hindi ba pwedeng magmahal ang chubby sa ting-ting? E kung ang chubby ay sumeksi at si ting-ting ay nagkalaman, pwede na ba? E kung si seksi ay chumabby, dapat na bang hiwalayan? Dapat bang sukatan ang timbang o ang bilbil at abs sa tiyan?

Volume

Kung sukatan ang dami ng pera para sa tunay na pagmamahal, 5% lang ng tao ang nagmamahal ng totoo. Sana hindi sukatan ang kapal ng photo album ninyong magkasamang dalawa. Hindi sana sukatan ang like sa post at picture sa FB ng mahal mo. Hindi sana maging basehan ng tunay na pagmamahal ang chocolate, burger at fries na dinadala sayo tuwing sinusundo ka. Hindi rin sana maging basehan ang dami ng rosas at love letter na naibigay sayo sa buong taon ng pagsasama ninyo.

Electric Current

Basehan ba ang “Spark” sa tunay na pagmamahal? Marami na atang nabiktima yang spark na yan. Marami na rin ang nag-aabang niyan na tumanda na lang na dalaga. Marami na rin naman ang nakadama niyan pero hindi nagkatuluyan hanggang dulo. E paano kung noong una ay kinikilig ka pa pero unti-unti ng nawawala, kailangan mo nanaman bang maghanap ng iba para kiligin ulit? Baka minsan, sa sobrang payapa ng relasyon, nasasabi ng iba na bumoboring at nagsasawa na. Hindi na naaappreciate yung peacefulness at pagmamahal dahil napapalibutan na sila nun. Tapos pag naghiwalay, tsaka magsisisi.

Temperature

Basehan ba ng tunay na pagmamahal sa pagiging `HOT` ng GF mo? Dapat bang artistahin lang ang pwedeng makahalikan mo sa altar? Dapat ba lagi kayong magkasamang manood ng sine at may date linggo-linggo sa SM at Trinoma para mapanatiling mainit ang pagmamahalan ninyong dalawa? Baka nakakalimutan ninyo na ang pag-aasawa ay hindi basta-basta sinusubo na pag napaso ay iluluwa na lang basta. May mga tao ring natural na hindi showy sa emosyon pero totoong nagmamahal.

Luminous Intensity

Basehan ba ang kalinawagan ng future mo ng pagmamahal? Sigurado ka bang tapat na mamahalin kung mapapangasawa mo ang boss mo na may-ari ng haciendang pinagsasakahan mo? Sigurado ka ba na hindi ka sasaktan ng amerikanong naka-chat mo at nag-i-love you sayo na nakilala mo sa FB? Mas sasaya ba ang buhay mo kung yung doktor mong manliligaw ang pipiliin mo kesa sa tricycle driver na matagal ng umiibig sayo? Sa panahon ba ngayon, prayoridad na ba talaga ang pagiging praktikal o wise sa pagpili ng mapapangasawa habang buhay? Hindi na ba pwedeng mahalin ang taong walang maipagmamalaki kundi ang inibig mo siya? Ba`t may mga mag-asawa pang naghihiwalay? At ba`t may mga mahirap na magkasamang tumanda at naitawid ang kanilang buhay sa pagtitiyaga?

——————————————

 

Gaano kita kamahal? Lumabas ka ng bahay mo at tumingin ka sa taas kung walang ulap.. Anong nakikita mo? Langit? Oo tama pero actually ozone layer ang nandyan pero di mo lang makita. Alam mo bang imposibleng magkaroon ng living creatures sa mundo natin kung wala yang ozone layer na yan dahil sa radiation? Ganyan kita kamahal e.. Imposibleng magkaroon pa ng buhay at kulay ang mundo ko kung tuluyan kang mabubutas, masisira at mawawala sa akin. Isang ngiti mo nga lang ay gumaganda na ang sira kong umaga. Pag kausap kita, hindi ko na nga namamalayan ang oras dahil sa tuwa. Wala akong pakialam kung malaki ang agwat ng edad natin. Wala akong pakialam kung umaga na dyan at gabi na dito. Hindi ako magbabago kahit tumaba ka at magkaroon ng kurikong sa mukha. Wala akong pakialam sa sinasabi ng iba e. Hindi ko masukat kung gaano kita kamahal. Hayaan mo na lang na samahan kitang tumanda at baka himalang malaman natin ang sagot sa tanong na yan.

 

Ngayon alam mo na ang isasagot mo kung sakaling gusto niya malaman kung gaano mo siya kamahal.

 

-Metaporista

 

0 thoughts on “Paano sinusukat ang pag-ibig?

  1. sana nga mayroon nang gadget o app na makakapagtantiya ng pagmamahal ng isang tao. pero sino ba kaseng nagpauso nang tanong na yan? sus, “pinapahirapan lang sarili nila.. di naman kailangan malaman, dapat kuntento ka na mahal ka na ng taong mahal mo, yun ang mahalaga, at kailanman di yun mapapantayan ng kahit ilang numero 🙂

    1. Sino nga pa nga ba kundi yung mga taong hindi pa kuntento at may pagdududa pa sa binibigay na pagmamahal sa kanila. Yung mga taong humihingi pa ng karagdagang patunay na mahal talaga sila dahil baka hindi sya nakakatanggap ng ferrero o kahit kitkat, bulaklak, sulat at sapat na atensiyon. Tama yung sinabi mo. Yun naman talaga ang mahalaga.

  2. Para sa akin ito ay nakatulong bakit kamo kasi ako ay nakaraamdam naman din nito kaya ako ng mag. Comment po dito para malaman po ng _author nito ay maraming salamat po sa kanya kasi nakalimutan ko ang mga hinagpis ko po at sakripisyo sa aking buhay sa pag araw araw kung nakikitang ung pag mumukha nung lalaking napag paiyak sa akin mas lalo akong natototoo kung pano ulit magmahal xD……

    1. Salamat din Nicole. Baka may magpa-iyak pa sayo sa susunod, pero sana wala na. Pero kung sakaling mamaga ulit ang mata mo sa pag-iyak hayaan mo lang at parte talaga ng buhay yun. Sabi nga e hindi lagi pasko. Tama ka na dapat bukas lagi ang puso mo na magmahal. Nabuhay tayo para umibig at magmahal. Wag kang magmamahal para mabuhay. Di nakasalalay ang buhay natin sa mga nangiwan sa atin o sa mga nanakit. Balang araw darating din yan. Alam mo bang ang mabuting asawa ay galing sa Diyos? Goodluck sa buhay

Leave a Reply