Pabalik Na

flickriver.com

Pabalik Na

ni Metaporista

Kakapatay lang ng ilaw sa buong kwarto. Wala akong ibang naririnig kundi ang respirator ni Papi. Itinabi na rin ang librong dala at pinatong sa munting mesa sa gilid sa ibabaw ng lata ng skyflakes. Hindi rin umiilaw ang naka-silent kong cellphone na panakaw kong chinacharge. Medyo naiinip sa pagbabantay pero masarap sa pakiramdam. Masarap na ikaw ang unang makakita ng paggising niya mula sa kanyang aksidente. Tiningnan ko ang kanyang mukha at hinawi ang kanyang manipis na buhok. Mas nahahalata pala na nagkakaedad na ang tao kapag nasa banig ng karamdaman. Nahanap ko na ang pinaka-masarap na pwesto sa aking upuan. Sabay pikit. Sabay tulog.

Nagising ako sa pagkakabukas ng pinto ng aking pinsan. May dalang spagetchup (Spaghetti sa carinderia na tinipid sa tomato sauce at lasang Jufran ketchup lang) na agad naming pinagsaluhan. Kinamusta ang lagay ni Papi at nagpasabi na baka sa isang araw pa makabalik at hindi ako masasamahan sa araw-araw na pagbabantay. Lumabas kami saglit habang inaasikaso ng nurse ang tatay kong nahagip ng rumaragasang taxi. Bumili ako ng ice water sa labas para patirin ang uhaw at pampagising na panghilamos sa naglalangis ko ng mukha.

Dumaan si Mang Elmer sa aming harapan at agad kaming binati. Nabalitaan niya raw ang nangyari at nagpasabi na kung kailangan ng sasakyan para ilipat o ilabas si Papi ay magpasabi lang daw ako. Nagpasalamat ako at agad ng bumalik sa pagbabantay. Buti na lang bakasyon pa at may isang buwan pa bago ang simula ng second semester. At dalawang linggo pa bago sumapit ang death anniversary ni Mami at Julie, ang nanay ko at nag-iisa kong kapatid.



Katiwala si Papi ng pribadong sementeryo at pinayagan na patirahin na rin roon ng may-ari. Doon na ako lumaki at nasanay na rin sa mga kwentong multo na kahit isang beses sa buhay ko ay hindi ko napatunayang totoo. Naigapang ako sa pag-aaral sa pag-sideline niya ng pagtitinda ng kandila,bulaklak at paglilinis ng puntod.

Lumipas ang apat na araw ng aking pagbabantay at wala pa ring pagbabago sa kalagayan ni tatay. Umuuwi lang ako sa bahay para magpalit ng damit at magdala ng konting makakain para sa aking pagbalik sa hospital. May mangilan-ngilan na bumibisita pero umaalis din agad. Wala naman kaming malapit na kamag-anak na dadamay ng lubos. Unti-unti kong nararamdaman ang lungkot at takot. Akala ko ay gigising siya agad. Paano kung hindi na? Sabi kasi ng doktor ay di naman seryoso ang tama niya at madaling makakarecover kaya naging kampante ako masyado at umasa na sa darating na sabado ay sabay kaming pupunta sa sabungan sa plaza. Tataya sa alaga ng mga tropa ni Papi na bihira lang mamatayan ng high breed na manok.

Binisita ako ng prof ko sa math sa katanghalian ng aking pagbabantay. Bagaman limang street ang pagitan namin sa bahay nila ay lumipad at inabot din pala sila ng balita. Dinalhan niya ako ng pandecoco at spanish bread at pagkakita’y tinapik-tapik ako sa likod.

Prof. Bong: Wag kang mag-alala manalangin ka lang maige at gagaling din ang papa mo.

Ako: Gagaling naman po ang papa ko sa gamot at alaga ng doktor at nurse.

Prof. Bong: Ah oo naman pero mas epektib at mapapabilis kung mananalangin ka.

Ako: Baka ang ibig niyong sabihin Sir ay kung mas mabilis kikilos at matutukan maige ang tatay ko ay mas mabilis siyang gagaling.

Prof. Bong: Atheist ka?

Ako: Hmmmmm.. Parang?

Prof. Bong: Kelan pa? Nung bata ka nakikita kita kasama ng mga kalaro mo na laging nagsisimba ah.

Ako: Mula ata nung nawala si Mami at Julie.

Prof. Bong: Aksidente yun at pinagpahinga na lang sila agad ng diyos. Sa buhay natin, una-una lang talaga. At isa rin yang pagsubok sa inyo ng Papi mo. At dahil sa nangyari sa Papi mo, mukhang ikaw ang gusto niyang subukin.

Ako: So siya po ang nag-decide na dapat mamatay si Mami at Julie? Ganun ba yun Sir?

Prof. Bong: Pwede. Oo.

Ako: Killer pala siya.

Prof. Bong: Hindi siya killer. Well, siya ang nagbigay ng buhay sa lahat ng tao. Kaya may karapatan siyang bawiin ito.

Ako: Siya rin ang nagbigay ng buhay kay Hitler, Bin laden at First Gentleman Arroyo hindi ba?

Prof. Bong: Oo. Siya ang nagbigay ng buhay sa lahat ng tao. Pero nasa tao yun kung gugustuhin ba nilang maging masama o mabuti. Binigyan tayo ng kalayaan magdesisyon at mag-isip sa buhay natin. Ang masasama, piniling maging masama. Ang gustong maging mabuti, nagiging mabuti. Nasasabi mo lang yan dahil pinang-hihinaan ka ngayon ng loob. Pumunta ka sa simbahan at luhuran mo ang mga santo at magdasal ka ng taimtim sa kanila. Ewan ko lang kung di ka lumakas ulit.

Ako:  Ba’t po ako luluhod sa kahoy? Rebultong may mata pero di nakakakita. May kamay pero di naigagalaw. May paa ngunit di nakakalakad. Isang malaking kalokohan at kabaliwan ata yun Sir. Hindi ba mas makakatulong pa sa akin si Mel Tiangco o si Vicky Morales sa kalagayan ko ngayon?

Prof. Bong: Akala mo lang yun pero nakakagawa sila ng miracle at nakakapagpagaling ng may sakit at nakakapagpabait ng tao.

Ako: Hindi ba mas miraculous pa ang betadine, penicillin at alcohol sa kanila? E ba’t yung di sumasamba sa rebulto e gumagaling naman sa sakit. Yung mga muslim ay di naman naniniwala sa ganyan pero ba’t mababait sila? E yung mga buddhist di naman naniniwala sa sinasabi niyo pero ba’t mas malinis ang pamumuhay nila?

Prof. Bong: Depende sa faith mo yan e. Ok lang kahit anong paniwalaan mo.

Ako: Kung faith ko ay pumatay ng tao, OK lang? Hindi Sir diba? E ang problema kasi yung karamihan ay pakitang tao lang. Kunwari mabait pero lasenggero at tirador ng shabu, pumapatay ng tao at babaero. E kung parehas lang naman pala tayong makasalanan ay wag na ring magpakabait. Para san pa kung pakitang-tao lang pala?

Prof. Bong: Meron namang taong matutuwid ang landas. Don’t Generalize. Oo nagkakasala tayo pero pag nangumpisal ka sa pari ay mawawala lahat ng kasalanan mo dahil mapapatawad ka.

Ako: Ganun ba yun? So pwede pala ako magnakaw ng meatloaf sa puregold at ikukumpisal ko na lang. At hindi ako pwede hulihin ng pulis dahil wala na akong kasalanan.

Prof. Bong: Syempre iba yung batas ng tao sa batas ng diyos.

Ako: Ano ba ang advantage ng pagsisimba sa kahoy, pangungumpisal, pagpepenitensya kung hindi rin naman mabuti ang tao? May relihiyon ka nga, makasalanan ka naman. Mabait ka nga, di mo naman alam kung alin ang totoo para mapatawad ka sa kasalanan. Katoliko ba? Muslim ba? Buddhist ba?

Prof. Bong: Basta ito lang masasabi ko. Lahat ng relihiyon ay gagawin kang mabuting tao. Yun ay kung susundin mo sila at gusto mong bumait.

Ako: Wag kayong mag-alala kahit wala yan ay mabait ako. Kahit di ako mag-rosaryo ay gagaling ang tatay ko. Kahit di ko alam ang istorya ni Mohammed ay sumusunod ako sa magulang ko at di ako pumapatay ng tao. Kahit di ko alam kung tao ba talaga si Buddha ay iniingatan ko ang kapaligiran at di ako gumagawa ng masama sa kapwa.

Prof. Bong: Kung yan ang paniniwala mo, wala na akong magagawa dyan. Ang relihiyon kasi ay nakakatulong na palakasin ang pagkatao mo. Kung walang-wala ka ng pag-asa ay di ka masyado manghihina kasi may paniniwala ka na may tutulong sayo. Pero kung wala kang pinaniniwalaan, hanggang dun ka na lang sa kakayanan mo.

Ako: Na-stroke ngayon ang tatay ko. Kung luluhod ako sa mga sa santong inaalikabok na sa simbahan, gagaling ba siya? E kung biguin nila ako at maubos na ang pera ko at wala na akong kakayahan para ipagamot siya sa kakaantay ng kanyang paggising, Ano na ang gagawin ko? Pwede ko ba silang resbakan at gawing panggatong? Kung ikaw ang nasa lagay ko ngayon Sir, ano ang gagawin mo? Maniniwala ka ba sa doktor pag sinabi nilang dapat na tanggalin ang respirator dahil di na siya gagaling pa? O mananalig ka pa rin sa mga santo na pagagalingin siya?

Prof. Bong: Ipapaubaya ko na lang sa maykapal.

Ako: Kung meron nun. Hindi sana namatay ng maaga si Mami at Julie. At mas lalong hindi pa niya dapat bawiin sa akin si Papi.

Kinabukasan, tahimik akong naka-upo sa gilid ng tindahan sa tapat ng hospital habang inaantay ang sasakyan ni Mang Elmer. Makulimlim ang kalangitan at nagbabadyang magsimula ang ambon anumang oras. Nakakagulat ang balita. Pabalik na kami sa sementeryo.

-wakas-

Leave a Reply