Ang Panganay

Ang Panganay

ni Metaporista

 

Oktubre — Panahon kung kailan nararamdaman ang paglamig ng hangin at pagkagulat na ilang buwan na lang pala ay matatapos na ang taon. Oktubre rin ang panahon na inaabangang kong matapos. Babango nanaman ako, hahatiran ng pagkain at magiging tampok at bida sa kwentuhan.

Dalawa ang aking pamilyang kinamulatan, Pamilyang maunawain at Pamilyang rebelde na para sa akin ay pareho ang bigat kung sila ay aking titimbangin. Lumaki ako sa pagmamahal at aruga ng aking Ama’t Ina. Katuwang nila ako sa pagpapalaki ng aking tatlo pang mga kapatid. Natigil ako sa Elementarya ng Grade 6 dahil lumala ang kaguluhan sa aming bayan at wala ng mga guro na naglalakas-loob na tumuntong at manindigan sa pagpapalawak ng aming kaalaman.

Ang Pamilyang maunawain ay walang iba kundi ang aking sariling pamilya at ang Pamilyang rebelde ay ang pamilya ko sa loob ng bundok – Pamilyang NPA. Naalala ko noong una akong sinama ng aking kaibigan sa pagpupulong, ako’y takot at nanginginig na humakbang papasok ng kanilang kuta. Ang mga lalaki ay abala sa pag-aayos ng kanilang mga gamit at armas at ang mga babae ay naghahain naman ng mga pagkain na aming pagsasaluhan. Maya-maya ay lumabas ang leader at pinalapit ang mga kabataan na inakay ng kanilang mga miyembro. Inalok kami ng biyaya, inalok kami ng tiwala at hustiya at inalok kami na dumilat sa makamundong panloloko ng pamahalaan. Inalok ako ng Edukasyon kapalit ng pagiging espiya, taga-akay at taga-udyok sa mga kapwa estudyante na imulat ang kanilang mga mata sa katotohanan ng buhay. Pinatapos ako ng highschool at agad na pinadala ng Maynila para mag-kolehiyo.



Noong una ay nangingilag pa ako na makisalamuha sa mga Manileno. Ingat ang aking mga kilos at pananalita para di nila mahalata ang aking totoong pakay. Meron kaming mga miyembro sa lahat ng kolehiyo. Kami yung madalas mag-rally sa Taft, PGH, Morayta, Espana at QC. Pero dahil limitado ang aming mga kinakaibigan, iilan lang din ang nakakakilala sa akin. Kaya kahit mabalita ako sa TV na may hawak pang loud speaker at paos na nangunguna ay hindi rin nila ako mapapansin. Libre ang aming pag-aaral kahit sa mamahaling eskwelahan sa Intramuros, Diliman at Sampaloc dahil merong nagpopondo sa amin at kadalasan, merong professor roon na miyembro rin namin. Paanim-anim na units lang ang kinuha ko sa kolehiyo. Nagtatrabaho ako habang nag-aaral, nag-aaral ako habang naghahanda ng karatola, naghahanda ako ng karatola habang nagliliyab ang aking pusong nananabik na balang araw ay mabibigyan ko ng katuparan ang aking pangako para sa dalawa kong pamilya. Pangakong mapag-aaral ang aking mga kapatid at pangakong paglingkuran ng tapat at buong tapang ang aming samahan. Hindi pa rin kasi nadidilat ang mata ng mga tao. Pikit mata pa rin nilang tinatanggap na normal lang ang nangyayari sa buhay araw-araw. Hindi nila alam na ninanakawan sila ng mga politiko, pinaglalaruan ng ilang mga heneral at sundalo, dinuduraan at tinatapakan ang kanilang pagkatao, pinagkakait ang biyayang dapat ay para sa lahat na pinakikinabangan lang ng iilang bilyonaryong hayok pa sa asong baliw, mga iilang media at artista na nagbabalot at nagtatago sa kanilang karismang ngiti at alindog na wala namang ibang ginagawa kundi pagtakpan ang lahat ng baho na kailangan nilang pagtulung-tulungan takpan at higit sa lahat mga iilang nagpapatawag na banal na mga Pari na lubos na nakikinabang sa abuloy na Benz, BMW at Pajero habang suot ang kanilang mala-tupa na damit.

Ako ang panganay sa aming magkakapatid. Obligasyon ko ang aking mga kapatid. Obligasyon ko ang aking mga magulang. Ineenjoy ko ang aking pagkapanganay tuwing uuwi sa aming bayan. Iginagalang ako ng aking mga kapatid at sinusunod sa aking mga utos. Mahirap ang maging panganay pero alam niyo bang mas mahirap sa loob at puso ng panganay pag ang kanyang nakababatang kapatid pa ang magsasakripisyo para sa kanya? Ako na lang ang hahawak ng baril kesa sa kanila. Ako na lang ang magtratrabaho para sa kanilang pag-aaral. Ako na lang ang didiskarte dahil matanda na si Inay at bulag na ang Itay. Ako na lang ang magsasagwan buong byahe basta makatulog lang sila ng mahimbing. Ako na lang ang magpapasan ng hirap ng buhay at kalungkutan. Panganay kasi ako. Di bale ng matagalan makapag-asawa, di bale ng malubog sa utang at mabuhay sa drama at di bale ng ako ang sumalo ng mga bala para lang makapagpatuloy sa aking pagsuporta.  Panganay kasi ako. Di bale ng malayo sa pamilya basta makapagpadala at magpatuloy ang kanilang pananalig na darating at darating din ang grasya.

Magtatapos na ang oktubre at madadalaw na nila ako. Sana’y marinig nila aking paghingi ng tawad sa maagang pag-alis. At sana’y maalala ng mga Miyembro ang pagdepensa ko at paglaban sa militar. Sana may dala silang bulaklak. Sana may kandilang maningning, sa puntod ko’y maglagak.

0 thoughts on “Ang Panganay

Leave a Reply