Ang Bulong ng Oso (Moral Story)

Oso
Oso

Ang Bulong ng Oso

Isang araw, nagpasya ang dalawang magkaibigan na pumunta sa kagubatan para manghuli ng salagubang. Ngunit alam nila na merong mababangis na oso na naninirahan doon. Tumuloy pa rin sila at nangako sa isa’t isa na walang iwanan hanggang kamatayan.

Nasa kalagitnaan na sila ng kanilang panghuhuli ng biglang dumating ang isang mabangis at dambuhalang oso! At dahil sa takot ay mabilis na umakyat ng puno ang isa at iniwan ang kanyang kaibigan na hindi marunong umakyat ng puno. At dahil walang paraan para makatakas siya ay humiga na lamang ito at nagpatay-patayan sa pamamagitan ng pagpigil ng hininga. Nilapitan siya
ng oso sa kanyang pagkakahiga at inamoy mula sa paa, sa katawan at hanggang sa tenga. At dahil hindi kumakain ang Oso ng patay na tao ay lumayo ito pagkatapos niyang muling lapitan at bulungan ang bata.

Pagkaalis ng oso ay bumaba na ang kanyang kaibigan mula sa puno at nagtanong –

“Anong binulong sayo ng oso?”

Sumagot ang bata habang bumabangon sa kanyang pagkakahiga –

“Wag daw akong magtitiwala sa mga pekeng kaibigan.”

Paliwanag:

Mag-ingat sa mga taong pagtitiwalaan ng yaman, sikreto at responsibilidad. Minsan, kailangan munang may pagsubok na dumating sa inyo para mapatunayan ang pagiging tapat sa isa’t isa. Kapag nakakita ka ng kaibigan na subok na sa hirap at ginhawa, wag mo silang kakalimutan at lalayuan dahil mas higit pa sila kahit anong kayamanan sa mundo.

-Metaporista

Leave a Reply