Ang Parallel Universe Theory

CroppedImage608342-In-a-Parallel-Universe

 

Ano nga ba ang Parallel Universe Theory?

Kung ang isang atom ay nag-eexist sa dalawang lugar sa iisang pagkakataon, posible rin daw na tayo ay nag-eexist din sa ibang Universe sa parehong pagkakataon.

Ang grupo ng Parallel Universe ay tinatawag na “Multiverse”. Ayon sa teorya, ikaw ay may ibang version doon sa kabilang Universe. Dito sa ginagalawan mong Universe, bumangon ka ng maaga para pumasok sa trabaho kahit may sakit ka para mabuhay ang iyong pamilya habang sa kabilang Universe naman ay pinili mong humiga at magpagaling na lang at mangutang ng makakain.

Maaaring sa kabilang Universe ay isa kang matagumpay na Doktor o di kaya ay isang NBA Superstar pero dito ay isa kang tapat na Taxi Driver. Lahat kasi ay pwedeng mangyari. Nasa atin lang kung anong version ng Universe ang gusto mong tahakin. Kung magsisikap ka ba at mag-aaral maige para maging rehistradong Doktor o pipiliin mong pagtuunan ng oras ang iyong talento sa pagbabasketball o kung pipiliin mong maging Taxi Driver para makapagkolekta ng maraming Cellphone.

Sa kabilang mundo, maaaring nagkatuluyan kayo ng una mong mangingibig. Iba ang version ng love story mo doon. Maaaring doon, kasama mo araw-araw ang iyong asawa at hindi gaya sa ating mundo na kailangan niyang mangibang bansa para sa inyong kinabukasan. Doon, baka hindi ka umiiyak dahil hindi ka niya pinagpalit sa iyong bestfriend, kumpare at driver. Pero kung masaya kayo sa version ng buhay niyo dito sa mundo, yan ay bunga ng mga naging desisyon, pagsisikap at pagbabagong pinili niyo sa buhay niyo.

Ayon sa teorya, may infinite daw na version ng Universe. Kaya nga lang ay hindi natin mapupuntahan iyon dahil una ay hindi natin alam kung totoo iyon, kung nasaan man iyon kung sakaling totoo at kung sasapat ba ang lahat ng gasolina sa ating mundo para makarating ang isa man lang sa atin doon. Ang mundo raw ay patuloy sa pag-expand kaya habang tumatagal ay papalayo nang papalayo ang kabilang version sa atin.

Kung totoo man ang teorya, may pag-asa pa pala mabago ang Pilipinas. Para sa mga kabataang mabubuhay sa year 4000 na makakabasa nito, pakihanap naman ang version kung saan ang Pilipinas ay wala ng corrupt na politiko at opisyal, kotongerong pulis, mamamayang ginagawang basurahan ang kalsada at ilog, wala ng diskrimasyon sa edad, relihiyon, kasarian at edukasyon. Pakipili rin yung version na lahat ay may malasakit sa isa`t isa. Yung bansang walang tsismosa, mandaraya at gahaman. Medyo mahihirapan kayo sa paghanap pero please lang, tyagain niyo. Hindi kasi namin mababago ito sa panahon ngayon dahil hindi lahat ay gustong magbago.

Kaya pag nalulungkot kayo, isipin niyo na lang, sa ibang version ng mundo, ikaw ang nagsulat nito at ikaw ang tunay na Bob Ong.

Metaporista

0 thoughts on “Ang Parallel Universe Theory

Leave a Reply