Ang Your World Theory

x-hd-space-orion-nebula-free-775952-1162

“Ikaw ang Diyos at hari ng iyong mundo.. matakot sila sayo..”

-Eraserheads, Wag Kang Matakot

 

Ano nga ba ang Your World Theory?

Ayon sa teorya na ito, ikaw, oo ikaw lang ang nag-iisang may malay sa buong daigdig. Lahat ng bagay ay mula sa iyong unconsciousness. Ikaw ang pinakasentro ng mundo at ikaw ang pinagmumulan ng buhay sa mundo. Ilusyon mo lang na ikaw ay ipinanganak dahil hindi mo ito maaalala. Ikaw na nakakapag-isip ang nangarap na magkaroon ng eroplano, taong gubat at dinosaur. May mga bagay ka na hindi mo alam dahil ginusto mo na hindi ka maging perpekto at ginustong maranasan at matutunan ang buhay sa iyong sarili. Pinili mo na maghirap pero medyo pinagsisisihan mo na. O pinili mo maging mayaman kaya inisip mo na isa kang anak ng mayaman at ganun nga ang nangyari. Nasa isip mo na ang principle ng physics pero pinilit mo ulit kalimutan para magkaroon ng challenge. Nilimitahan mo rin ang iyong vision kaya ang nakikita lang ng mata mo ang iyong piniling makita.

Lahat kami ay hindi mo direktang makokontrol pero pwede kang mapansin kung gugustuhin mo. Nahihirapan ka sa math? Nahihirapan ka sa English? Pinili mo yan para hindi ka namin mapansin na ikaw pala ang dapat namin pasalamatan. Ikaw ang gumawa ng history at kathang isip mo lahat ng libro at pelikulang nailambag at pinalabas pero di mo iyon alam dahil ginusto mo iyon kalimutan. Ilusyon mo lang na meron kang magulang at choice mo kung gusto mong magkaanak. Sasabihin mo sa amin na ikaw ang sentro ng daigdig pero pagtatawanan ka namin dahil ikaw, oo ikaw, ikaw rin ang nagtanim sa aming isipan na wag ka naming papaniwalaan pag sinabi mo ang mga katagang iyon.

Darating ang araw na ikaw ay mamamatay dahil pinili mo maging normal. At sa pagpanaw mo sa mundong ito, kasabay mo kaming maglalahong parang bula. Dahil ang lahat ng bagay ay ilusyon mo lang. Lahat ng bagay ay likha lang ng iyong mapaglarong isipan. Kaya ingatan mo ang iyong sarili. Gusto pa namin ma-enjoy ang aming buhay, Master.

-Metaporista

Leave a Reply