Ang Alien Theory

Ang Alien Theory

Ano nga ba ang Alien Theory?

Sa dinami-dami daw ng planeta sa buong Universe, mataas daw ang tiyansa na mayroon ding buhay sa ibang planeta.

Pero bakit ganun? Kahit anong pilit nating maghanap sa labas ng ating planeta ay wala pa ring lantarang Alien na talagang naliligaw na alam nang lahat.

Ito ang ilan sa mga teorya kung bakit wala pa tayong Alien na nakikita:

1. MIB theory –

Maaaring nagkatawan tao ang mga Alien at ginagaya nila tayo at pinag-aaralan. Pumapasok sila sa mga pulubi sa lansangan para makita kung karapat-dapat nga bang buhayin ang mga tao at the same time, para makalimot ang mga mga mahihirap na kababayan na ang huli nilang kain ay noon pang makalawa.

 

2. Takot sila sa atin –

Maaaring napansin nila na tayo ay kakaiba, malakas at mas malaki sa kanila. Baka ang alien na nabuhay sa ibang planeta ay sing laki lang nang lisa at kuto kaya hindi natin sila makita. O baka dahil sa takot nila, imbis na pumunta sa earth ay bumiyahe na sila palayo.

 

3. Masyado silang advance –

Maaaring masyado na silang advance at ang turing nila sa atin ay parang langgam lang na wala pang masyadong alam. bagaman napukaw ang kanilang interes ay hindi tayo sulit na pag-aksayahan ng panahon. Siguro ay nagpadala lang sila ng 2 scientist nila  na magmamasid sa ating planeta habang nagkakape sa Neptune. 

 

4. Under Surveillance na tayo –

Tayo ay kasalukuyang pinag-aaralan ng mga Alien. Ayaw nila tayong pakialaman dahil ayaw nilang masira ang sistema ng ating pamumuhay. Maaaring sobrang advance nila at ilang libong taon na nilang nalaman ang gamot sa Cancer at Aids pero ayaw nilang ituro sa atin dahil bagaman mareresolba ang isang problema, madadagdagan naman ng bago. Baka kumonti ang mamamatay sa atin at magiging over-populated ang mundo at lahat tayo ay magugutom agad at mamamatay. Ayaw nilang magreport sa kanilang boss na namatay tayong lahat dahil nakialam sila sa ating pamumuhay at sistema.

 

5. On the way na sila –

Papunta na sila dito, kaso malayo at matagal talaga ang biyahe. Baka patay na ang ating henerasyon bago pa sila makarating dito. O baka bukas pa lang sila dadating.

 

6. Napaaga sila –

Baka dumating sila dito noong mga butiki at butete pa lang ang mga nilalang sa mundo. At inakala nila na walang kuwenta ang ating daigdig kaya umalis na sila agad at minarkahan na ng “X” ang ating mundo. “X” – katumbas ng nacheck na namin ito at walang kwenta ang mundong ito at hindi kapaki-pakinabang. 

 

7. Nuclear Problem –

Naging sobrang maunlad sila at nadiskubre nila ang Nuclear at iba pang radioactive material. Kaso, dahil naging masyado silang agresibo, nagpatayan sila at naggiyerahan at walang pakundangang ginamit ang Nuclear Bomb. Patay na silang lahat dahil sa kanilang kabangisan.

 

8. Tayo Mismo ang Alien – Baka ang lahi natin ang Alien sa mundong ito at pinatay lahat ng mga nakatira dito para wala tayong maging kaaagaw. Yung tipong ang original na nakatira pala dito sa Earth ay mga kalabaw na lumilipad. Pero dahil sinakop natin sila, pinatay natin ang buong lahi ng kalabaw na lumilipad. Tinira natin yung mga hari nila at pinutulan ng pakpak at ginawang alipin sa bukid. 

 

9. Nasa ilalim sila ng lupa at dagat –

Sa sobrang advance nila, may gamit sila na panghukay sa lupa at pangprotekta sa init. Sa mantle sila nagtatago at tumitira at sa core ang base nila. Dahil sa sobrang kapal ng crust hindi natin sila mapuntahan. Sila ang gumawa ng NASA para magfocus sa kalawakan ang mga tao at doon maghanap nang alien. Imbis na sa ilalim tayo maghukay at mag explore, inuna pa natin ang buwan at Mars. Na-divert ang atensiyon natin at habang buhay na silang tahimik na makakapagtago sa ilalim ng lugar na pinagpapahingahan mo.
10. Walang Alien –

Baka naman kasi wala talagang Alien. Sa buong mundo, tayo lang talaga ang nilalang na mapalad na nabuhay dahil sa kondisyon ng ating planeta. Hindi tayo masyado malapit sa araw at hindi rin masyadong malayo. Tama lang ang laki ng ating buwan at araw. Sinuwerte rin tayo dahil namatay ang mga Dinosaur dahil kung hindi, hindi rin dumami ang tao sa mundo. Buti meron tayong Mars, Jupiter at Saturn na taga-salo at panangga natin sa mga naglalakihang asteroids dahil baka sobrang daming dambuhalang bato na maliligaw sa planeta natin na sinasalo nila. Baka hindi talaga tayo galing sa unggoy. Sa madaling sabi, baka meron talagang dakilang manlilikha ng lahat.

 

Interesado ka rin bang makakita ng ibang nilalang? Tatakbo ka ba o i-wewelcome mo sila ng iyong mahiwagang balisong? Gustong gusto ng mga scientist na makahanap ng ibang planeta na may buhay. Once na makahanap kasi sila, mapapatunayan daw nila na walang dakilang manlilikha. E paano kung nilikha din pala niya yung alien at di lang sinabi sa atin? At paano kung mayroon talagang impyerno na nag-aantay sayo? At paano kung pagkatapos mo itong basahin ay nakita mo ang reflection sa screen mo na mayroon palang nakikibasa sayo?

-Metaporista

 

 

 

0 thoughts on “Ang Alien Theory

Leave a Reply