Ang Sampal ni Captain Barbell

Ang Sampal ni Bistek

Captain barbell herbert bautista tengteng
Herbert Bautista as Teng-teng in Captain Barbell

Kamakailan lang ay nakatikim ng mag-asawang solid, lumalagatik at lapat na lapat na sampal ang hinihinalang drug pusher na nahuli sa lungsod na kanyang nasasakupan. Pero syempre, humingi rin siya ng tawad agad para nga naman hindi madungisan ang kanyang pangalan.

Sa ginawang pambabastos kay Bistek, tiyak na hindi lang sampal ang aabutin ng hinihinalang Pusher kung walang media at usisero sa paligid. Baka nakatikim din siya ng sipa at suntok na nakakapagpalipad ni Captain Barbell. Ang totoo, hindi talaga pinapayagan ng batas na manakit ng kapwa. Corny, pero tama rin naman at para rin naman sa ating lahat ang batas na iyon. Pero syempre, kung ang tatay nga ay hindi nakakatiis na paluin ang anak sa puwet tuwing may ginawang katarantaduhan, ganun din naman si Bistek dahil tao din siya at meron siyang kamay na otomatikong lumilipad pag nadadala ng bugso ng damdamin.

Parang Robin Hood lang ang ating Captain Barbell. Kung tutuusin, kulang pa ang sampal para sa libong buhay na nasisira ng Droga. Dahil hindi lang `User` ang naaapektuhan nito kundi gumagapang ito sa pamilya at lipunan lalo na sa kinabukasan ng indibidwal. Maraming buhay at pangarap na nasira ang droga. Sa kabilang mukha, marami ring buhay at pangarap na naabot na ng mga Chinese Pusher na naglipana sa buong Pilipinas.

Kung Kamao ni Duterte, Palad ni Bistek at Galamay ng mga natitirang matuwid na Pulis at PDEA ang sasalubong sa mga Pusher na yan ay may pag-asang mabawasan ang mabibiktima ng Droga. Law of Supply and Demand lang yan. Kung konti ang supply ng Droga, tataas ang presyo nito. Kung tataas ang presyo, di na nila matutustusan ang bisyo. Mapipilitan silang brief at medyas na nalubog sa baha na lang ang kanilang hihithitin. Hindi naman natin ma zezero percent ang `User` ng droga dahil meron at meron pa ring makaka-eskapo. Pero, pwedeng mabawasan at magawan ng paraan.

Minsan, hindi mo aakalain na hindi lang pala masasamang elemento ng lupa ang kayang durugin ni Teng-Teng kundi pati ang mga halimaw na mas masahol pa sa mga kontrabida ng pinilakang tabing. Sana mas marami pang Captain Barbell ng lipunan ang lumutang (Bistek Version at Hindi Revilla Version) sa Pilipinas.

Tiyak, naunawaan naman ng buong Pilipinas ang ginawa ni Bistek na pagsampal at paghingi ng tawad. Mabait pa nga sa lagay na iyan dahil karamihan sa Pinoy na nahulihan ng droga sa ibang bansa ay humihimas agad ng malamig na bakal sa preso o magsisimba na lang na may bulak sa ilong.

Salamat sa sampal at maayos na pamamahala Captain Barbell. Pinatunayan mo na hindi porket celebrity ay bobo na sa pagkalinga, paglingap at pagmamalasakit sa bansa. Pero para hindi ka ma-media sa susunod ay i-hire mo si Maricel Soriano bilang tagasampal at tagapagligtas ng naaapi. Ewan ko na lang kung may kabataan pang malilihis ng landas at mananabik tumikim ng masarap kunong ipinagbabawal na gamot.

 

-Metaporista

 

 

 

0 thoughts on “Ang Sampal ni Captain Barbell

Leave a Reply