Pagtawid sa Lumot – 2030

Lahok sa Saranggola Blog Awards 2014

Para sa kategorya ng Sanaysay

——————-

Pagtawid sa Lumot – 2030
ni Metaporista

 

Kinilala ang Pilipinas na isa sa pinakamayamang bansa noon. At sa paglipas ng panahon, ang bansang noo`y  tinitingala ay napabilang sa listahan ng mga bansang walang maiharap na mukha. Marami ang nawalan ng pag-asa at tiwala na magningning muli ang tatlong bituin sa ating watawat, ang Luzviminda, ang kabuuan ng bansa, ang Pilipinas. Ngunit sa likod ng mga taong nakapalumbabang nagdarapis sa kalagayan ng bansa, mayroong umusbong na bagong pag-asa. Hindi ito mula sa mga lahi ni Mac Arthur at hindi rin mula sa lahi ni Yamashita at Villalobos. Nagmula ang pag-asa sa isang pangarap. Pangarap na unti-unting natutupad. Pangarap na matawid ang lumot bago mag 2030.

Paano matatawid ang lumot na humahatak sa atin pabalik? Hindi tayo makatawid dahil sa dulas, lansa at takot na mabagok ang ating ulo kapag tinapakan natin ang lumot na hadlang sa pag-unlad. Maraming naghain ng solusyon. May nagsabi na hakbangan natin at tumalon na lang sa ibabaw ng lumot ngunit nakalimutan niya na hindi lang isang metro ang haba ng kanyang tatalunin kundi 7107 na mga pulo na nagkalat sa buong bansa. May nagsabi na gumamit ng helicopter ngunit nakalimutan niya na kung wala tayong kakayahang kumain ng tatlong beses sa isang araw ay mas lalong wala tayong pambili ng helicopter. May nagsabi ng isang magandang opinyon. Tinawanan siya at sinabihan ng abnormal. Kabaliwan daw ang kanyang suhestiyon at ubod ng hirap gawin. Baka nagsisimula pa lang daw ay agad na siyang ipabaril. Kabaliwan ang kanyang suhestiyon hindi dahil sa ito`y tunay na kabaliwan kundi sila ay masasagasaan at madadamay. Hindi ba`t tama naman na para matawid ang lumot ng lipunan ay kuskusin natin ito at linisin?

Paano malilinis ang kapayapaan sa naghihingalong bansa kung ang pulis at sundalo mismo ang nagbibigay ng armas sa kalaban? Paano mo kukuskusin ang maduming halalan kung bago pa lang bumoto ang milyong Pilipino ay mayroon ng panalo? Paano mo makukudkod ang sistema ng edukasyon kung mismong ang mga guro ay hindi mabubuhay kung hindi nila sapilitang ibebenta sa mga estudyante ang bitbit nilang panindang biskwit at sandwich na nasa basket? Paano mo mababanal muli ang ating kapaligiran kung mismong ang mga Pari ng simbahan ay nag-invest sa kompanya ng mga minahan? Paano mo malilinis ang kapaligiran kung mismong nanay ng bata ang nagtatapon ng kanilang kinaing tsitsirya sa bintana ng Jeep? Paano mo maipagtatanggol ang mga Pilipino sa kapatid ni Yolanda na posibleng dumating at mangwasak ng libong tahanan kung mismong ang Mayor at Presidente ay hindi nagtutulungan? Paano mo pipigilan ang paglobo ng krimen kung ang dapat na tagapagtanggol mo ang kriminal? Paano mo mabibigyan ng hanap-buhay ang mga dukha kung sila mismo ang naglalagay ng kanilang dalawang paa sa kumonoy ng kahirapan?

Paano mo lilinisin ang bansa? Baguhin mo ang sistema. Gaano katagal bago mabago ang sistema? Matagal. Mahirap linisin ang lumot na napakalawak, paano mo mapapadali ang paglinis? Patulungin ang bawat isa.

Hindi solusyon ang pagpapalit ng Presidente para maiahon ang bansa. Kahit pa pinakamagaling na namumuno ang maluklok sa ating bansa, hindi tayo uusad kung hindi niya kaisa sa diwa ang taumbayan. Ang mga nangungulo sa atin ay tulad ng tagasagwan ng bangka. Sila ang nagbibigay ng direksyon sa ating landas na dapat tahakin. Ngunit kung ang mga pasahero naman ay sumasagwan din kontra sa kanilang direksyon at pinaka-adhikain, walang pag-usad at kung mas nakalalakas sila, uurong tayo pabalik sa kalugmukan. Hindi rin natin dapat iasa ang ating pag-usad sa ating mga taga-sagwan dahil habang dumadami ang pasahero ay papabigat ang lakas na kanilang kakailanganin. Kung gusto mong umusad ay tumulong ka sa pagsagwan. Tulungan mo ang sarili mo.

Bakit hindi gawing 12 taon ang haba ng termino ng ating mga Presidente? Dahil ba sa takot na magkaroon ulit ng oportunistang presidente? Kulang ang anim na taon para solusyunan ang problema ng bansa. Puro short term lang ang napapatupad dahil ang gagawin nilang long term na plano ay kokontrahin, ipapatigil at magiging usad-pagong lang  kapag mula sa oposisyon ang mananalo. Kung tumindig ang karapat-dapat na lider sa bansa, tutulungan mo ba o lagi ka na lang gagawa ng karatula na mangungutya kahit siya ay may maayos at malinis na adhikain? Ang tanong ng karamihan, meron pa bang natitirang ganun?

Ilatag natin ang problema sa batas. Lahat ng businessman na kilala at sobrang yaman ay may sinusuportahang congressman, representative at senador. At ang kanilang layunin? Gumawa ng batas na papabor sa kanilang negosyo. Gumawa ng batas na mayroong butas para pag nagkagipitan ay hindi sila mapapahamak at madaling makakalusot. Ayaw nila ng cha-cha. Sino ang may pinakaayaw? Ang mga nakikinabang sa kasalukuyang batas. Kunyaring pinoprotektahan ang sambayanan ngunit ang totoo’y nililigtas lang nila ang kanilang sarili. Kung ang sasakyan ay kailanganh i-overhaul paglipas ng panahon, mas kailangan ito ngayon ng ating batas na kinakalawang dahil sa maalat na pakinabang ng mga bihasang manlalalamang. Ang mayaman ay lalong yumayaman at ang mahirap ay patuloy na gumagapang sa buhay. Napapansin lang sila kapag malapit na ang pagtitinta ng kuko. Inaalagaan sila hindi para umunlad kundi para tiyakin na ihagis sa kanila ang boto kapalit ng limang daang piso, plastic bag na may bigas at lata ng sardinas.

Sa sobrang hirap ng gagawing pag tanggal ng lumot, madami ang natakot na baka hindi kayanin ang nasabing pagbabago. Sinong mag-aakala na ang Pilipinas, sa wakas, ay sumunod na rin sa K-12 na curriculum. Madaming umangal na istorbo lang ito at wala namang mababago. Pero ngayon, naisip nila na ang ganitong pagbabago ang isang halimbawa na makakabuti sa lahat kapalit ng kaunting sakripisyo at pang-unawa. Diyan din kulang ang Pinas. Mga long term goal gaya na lamang ng Sustainable Development Goals. Masyado tayong namihasa na mamigay ng relief goods at hindi ng hanap-buhay na pagkukunan ng permanenteng pagkakakitaan. Ngayong tinahak na natin ang K-12, kailangan naman nating paangatin pa ang antas ng edukasyon at moralidad ng mga estudyante at hulihin at ipasara ang mga gumagawa ng pekeng diploma sa Recto.

Simple lang naman talaga ang solusyon at alam naman iyon ng lahat. Mahirap lang talaga kumbinsihin ang mga taong nakatikim at naadik sa kapangyarihan at kayamanan na gawin nila ng tapat ang kanilang trabaho. Mahirap din kumbinsihin ang lahat ng mamamayan na magsikap at tumulong sa gobyerno.

Mahaba ang aking listahan ng paraan para maabot ang pagbabago sa 2030 ngunit kung mayroon akong top 10, ito ang mga iyon:

1) Pag-aralan at repasuhin ang mga loophole sa ating batas
2) Gumamit na ng Nuclear Power Plant
3) Ayusin ang Drainage System ng Buong Pilipinas
4) Solusyonan ang sanhi ng Traffic Jam
5) Pagbutihin ngunit gawing makatwiran ang paniningil ng buwis
6) Dagdagan pa at seryosohin ang mga Bill na mangangalaga sa kalusugan at buhay ng tao gaya ng RH Bill at pagsugpo sa droga
7) Higpitan ang pagpaparehistro ng mga sasakyan
8) Gamitin at iexplore ang mga natural resources
9) Tulungan ang lahat ng bata na magkamit ng edukasyon
10) Suportahan, pangalagaan at proteksiyunan ng gobyerno ang lahat ng manggagawa sa loob at sa labas ng bansa

Hindi nakasalalay sa iisang tao ang tuluyang pagbabago at paglilinis sa sistemang nilumot na ating kinasanayan. Nakasalalay ang pagtawid sa pakikiisa ng bawat Pilipino. At bilang panghuli, hindi na kailangang ibalik ang death penalty… Dahil kung sa 2030 ay wala pa ring magiging pagbabago sa ating lupang sinilangan, isang biyaya na ang kamatayan dahil tiyak na magiging parusa na ang mabuhay sa bansang pinilit nating mahalin.

0 thoughts on “Pagtawid sa Lumot – 2030

  1. Sang ayon ako ng 100% sa top 10 solusyon mo, Sir Metaporista lalong lalo na sa pag gamit ng Nuclear power. Sobrang pinagkaitan natin yung sarili natin ng teknolohiyang ito samantalang hindi lang murang enerhiya ang magiging pakahulugan nito sa atin kundi pagtaas din ng kaalaman natin sa siyensiya at teknolohiya. Hindi pa huli pero sana talaga matagal nang nagamit.

Leave a Reply