2015

Year 2015 Review

2014

2013

2012

2011

Walang masamang balikan ang ala-ala ng kahapon. Ngayong taon, hindi lang hubad na larawan ng mga celebrities ang dumanak kundi pati ang mga epektus sa loob ng Bilibid. Ang taong 2014 ay naging makulay para kay Aiza ngunit naging madilim naman para kay Binay. Pang labing-siyam na bagyo si Seniang na dumaan sa bansa natin ngayong taon. Hinabol niya si Ruby na inakala ng lahat na huling mambabayo at mangwawasak ng tahanan ng mga kababayan sa kabisayaan. Madaming puno ang natumba at maraming basura ang nagkalat. Basura na kasing dumi ng mga isip ng tao ngayon… Ang katunayan, ang pangngalang Bagyong Kanor ay pinalitan ng Bagyong Karding dahil daw masama daw pakinggan ang pambabayo nito sa madadaanang mga bayan. Sino ba si Kanor? Sikat siya? Talaga? Kilala siya ng lahat pero walang aamin na kilala siya.

Masaya ang naging 2014 sa larangan ng Sports. Bukod sa pinakitaan tayo ni Pacquiao kung gaano kaimpluwensiya ang kanyang yaman at kasikatan dahil nakatapak ang kanyang paa sa liga ng PBA na walang pinagdaanang hirap, pinakitaan din naman niya tayo na kaya niya pa ring magpagulong ng isang undefeated na Allergy Algieri. Nanalo tayo sa Senegal sa liga sa FIBA pagkalipas ng ilang dekada. Dikdikan at pinahirapan din ng Gilas ang ibang matitikas na bansa. Maraming nanghinayang dahil ilang puntos lang ang lamang ng mga kalaban. Maraming nayamot kay Chot at maraming naawa kay Blatche. Maraming sumigaw na ang ipalit ay si Tim Cone, may bumulong na matanda sa gilid na sana si Jawo na lang daw pero ang kawawang napili ay walang iba kundi si Tab BALDwin. Sana ay ihanda na niya ang sarili sa mga Professional Blamer na mga Pilipino. Napapadalas na rin ang pagbisita ng mga NBA player sa ating bansa upang maglaro mag-drill at mag-guest sa Eat Bulaga. Parang nasampal sa mukha ng mga nagchampion na Ateneo Lady Eagles ang mga bumili ng ticket para mapanood mag-drill ang mga NBA Player. Pero mas okay na yun kesa hindi ka siputin gaya ng ginawa ni Chris Brown-ies.

Naging maingay din ang nachicksilog na si Pemberton ngayong 2014. Kasing ingay ng pagkasalpok ng MRT sa Taft Avenue Station. Sayang at hindi inabot ang Dunkin Donut malapit sa Overpass na laging may langaw sa ibabaw ng mga Bavarian. Pero buti na lang talaga at hindi ito kumaliwa at tumama sa Sogo sa tabi ng station dahil baka napaaga ang pagkawala ni Camarines Norte Gov. Jose Tallado. Tao nga lang naman siya at nagkakamali kaya patawarin na raw siya at pagbigyan. Nakalimutan niyang tao rin ang asawa niya na nasasaktan at dapat pagtapatan. Baluktot na dahilan gaya ng iphone 6 at iphone 6+. Buti rin at hindi dumiretso ang tren sa Senado dahil kawawa naman ang Kagalang-galang na Senador Enrile at Kagalang-galang na Senador Jinggoy dahil baka hindi sila maligtas ni Kagalang-galang na Panday dahil baka nasa Recto siya at nagpapagawa ng Psalm 118:6 na T-shirt na kanyang suot tuwing may interview. At gaya ni Mayweather na pabago-bago ang isip at puro dahilan, hindi rin makakalimutan ng taong bayan ang paghahamon ng debate ni Kagalang-galang na Vice President Binay kay Sen. Trillanes. Duwag ang kanyang dibdib gaya ng mga Cancer Cells ni Sen. Miriam na unti-unting nag-aatrasan. Kahit singlaki pa ng Philippine Arena sa Bulacan ang kanyang Cancer Cells ay tiyak na maduduwag ito dahil sa kanyang malalim at nakakadugo ng ilong na mga ingles. Madedepress lang ang mga taong gusto na siyang mamatay tulad ng pagka-depress ng mga Pinoy noong naubos ang manok sa Jollibee at naging chickensad sila. Pero parang nagkaroon ng Cancer ang lahat noong kumalat na hindi raw isang pusa si Hello Kitty. At parang nagka-Ebola ang lahat noong nabalitaan na patay na si Robin Williams.

Hangaan natin ang mga taga-Hong Kong na nagrally sa matagal na panahon para labanan ang pinapanukalang bagong voting system sa kanilang bansa. Nagiging mas magulo ang paligid. MH370, MH17 at QZ8501 ay nawala at bumagsak mula sa himpapawid gaya ng pagbaksak ng presyo ng langis, hindi inaasahan at di kapani-paniwala. Hindi pa rin nawawala ang panggugulo ng North Korea at giyera sa Syria na mas nakakabahalang balita kesa sa paglalakad ni Coco Martin hawak ang nakataling babae. Masyadong marami na ang namamatay. Gaya rin ng pambubulahaw ng ISIS. At gaya rin ng lihim na pagpatay ng ilang Amerikano sa mga tinuturing nilang kalaban. Pero wag ka masyado mag-alala at magdala ka na lang ng foods sa condo ni Vhong at magparty dahil bibisitahin ka ni DJ Kalan na may dalang litrato na uncensored na larawan ni Ellen Adarna at pambatang video na pinagbibidahan ni Paolo Bediones. Kung kulang ka sa budget ay magsabi ka lang kay Ninang Napoles kaya lang baka nakalimutan ka na niya dahil lately ay nagkaroon na ata siya ng amnesia. O kaya naman ay magwithdraw ka sa atm-machine kaya lang mag-ingat ka dahil baka makasabay mo sa pila si Jovito Palparan.

Lilipas ang 2014 na may maraming paalala. Mag-ingat sa mga contents na inuupload at sinesave sa cellphone at laptop. madaming pwedeng maka-access ng mga private files niyo kaya tiyakin na nasa mataas na pag-iingat ang inyong ilalaan. Mas madalas na ang malalakas na bagyo gaya ni Yolanda at Ruby. Kailangang mas magdoble ingat at handa sa panahon ng kalamidad. Magugunaw na ang mundo. Kailan? Hindi ko alam. Wala namang nakakaalam kung kailan dadating ang magnanakaw. Kaya dapat handa ka lang lagi.

Salubungin ang 2015 na may pag-asa. Makakabangon din tayo. Konti pa. Konting pagkakaisa pa.

0 thoughts on “2015

Leave a Reply