Ang mga Mamang Bulag at ang Elepante (Moral Story)

Ang mga Mamang Bulag at ang Elepante (Moral Story)

Original Story

The Blind Men and the Elephant

ni John Godfrey Saxe (1816-1887)

Ang mga Mamang Bulag at ang Elepante

May anim na Indostan, na nais magpalago ng karunungan

Pumunta para makita ang elepante, kahit bulag ang kapansanan

Ang bawat isa`y nagsaliksik, para sa karagdagang kaalaman

Ang unang bulag`y natumba, habang sa elepante ay papunta

Ang malapad at matigas na katawan, ang kanyang nasandalan

Sumigaw siya at yumukod, “Ang Elepante ay parang Bakod!”

Ang pangalawang bulag`y napahawak, sa sungay ng hayop na hamak

Napaiyak at nagalak, pabilog, mahaba at matalas na tiyak

Sumigaw siya at ikinalat, “Ang Elepante ay parang Sibat!”

Ang pangatlong bulag`y lumapit, sa ilong siya napakapit

At kanyang naramdaman, ang mahaba`t matinag na may kalambutan

Sumigaw siya at bumulaslas, “Ang Elepante ay parang Ahas!”



Ang pang-apat na bulag`y inunat, ang kamay niyang sabik humawak

At ang kanyang nasalat, ay ang tuhod na magaspang at malapad

Buong tikas  isinagaw, “Ang Elepante ay parang Puno ng Cacao”

Ang panglima ay napadampi, sa tenga ng elepante

hindi niya maipagkakaila, ang lambot, lapad at laki na nadama

Hindi na siya nakapag-antay, “Ang Elepante ay parang Pamaypay!”

Ang pang-anim ay  napadakot, doon sa bandang buntot

Hinaplos niya at kinurot, pinisil at kanyang hinablot

At saka niya simabit, “Ang Elepante ay parang Lubid!”

At itong mga bulag na mamang Indostan, nagtalo hanggang hapunan

Ang kanilang opinyon, ipinaglaban at pinanindiganan

Ang hindi nila alam, lahat sila`y may kulang at kamalian

-Metaporista

elephant-blind-men

Paliwanag:

Kadalasan, para tayong bulag na nakikipagtalo sa katrabaho, kaklase, kamag-anak at kaibigan natin. Naninindigan ka na tama ka at mali sila. Sila naman, hindi rin nagpapatalo dahil alam rin niya na tama sila. Ang totoo, parehong may punto ang pinaglalaban niyo at pareho kayong tama. Kaya pag may di pagkakaunawaan, lumagay kayo sa sapatos nila. Kunin niyo lahat ng panig at huwag maging bias. Hindi ka dapat manghusga kaagad hangga’t hindi mo nakukuha lahat ng panig. Laliman mo ang pag-isip at pagtalakay at huwag manghusga dahil nakikiuso ka lang o nakutuban mo lang. Pag di mo talaga maunawaan, lumayo ka ng konti at tingnan ang problema sa ibang anggulo. Nakakaawa ang mga bulag pero mas nakakaawa yung mga may paningin pero hindi nakakakita.

0 thoughts on “Ang mga Mamang Bulag at ang Elepante (Moral Story)

    1. Minsan akala natin tama tayo at naninindigan pa tayo na tama ang sagot natin. Ang tanong, isa nga lang ba ang tamang sagot? Baka naman tama rin ang iba pero magkaiba lang kayo ng pananaw at naging karanasan. Dapat bago mag decide at magsalita, tingnan muna lahat ng anggulo. Isample natin ang mga ofw. Ang mga nakaranas ng pangmamaltrato ay puro masama ang kwento. Kesyo masama ang arabo etc. Samantalang yung ibang napunta sa amo na mababait ay kabaliktaran ang kwento. Tama sila pareho at nagsasabi ng totoo pero hindi lahat ng amo ay masama at hindi rin lahat ng amo ay mabuti. Kung lalawakan ang isip, mas magiging maingat tayo sa pagbitiw ng salita at pagdedesisyon.

Leave a Reply