Sinong Dapat mong Piliin: Mahal mo o ang Mahal ka?

Sinong Dapat mong Piliin: Mahal mo o ang Mahal ka?

IMG_5146

Sino ba ang dapat mong piliin? Ang Pinapangarap mo o ang nangangarap na mahalin mo siya balang araw?

Isa ka ba sa napasok sa dilemang ito?

Kawawa ka naman.

Hindi lahat ay naging kasing malas mo. Ang iba, nagkaintindihan, nagkaunawaan, nagmahalan at naselyuhan ng sing-sing, anak, apo at karamihan, magkasamang inabot ang pagiging senior citizen. Ikaw, hindi ka makagalaw. Para kang nalaglag sa bangin ngunit nakahawak sa isang makapal na lubid. Tumingin ka sa baba at nakita mo ang nagmamahal sayo na sumisigaw “Bumitaw ka na! Sasaluhin kita! Titiyakin kong hindi ka masasaktan!”. Napalingon ka sa taas at nakita mo ang mahal, pangarap at buhay mo. Hindi siya kumikibo pero alam niya na nakakonekta ang lubid mo sa kanya. Ngalay na ngalay ka na at nasasaktan ka na masyado. Pero hindi ka makabitaw dahil umaasa ka na hahatakin niya ang lubid pataas.. balang araw. Naisip mo na baka mapansin ka, kaawaan ka o mahipan siya ng hangin. At magising at biglang tumbasan ang pagmamahal mo sa kanya.

Bakit ka pa ba kumakapit? Dahil ba sa pag-asa mo sa pag-ibig niya? O baka dahil alam mo na may sasalo naman kasi sayo sakaling mapigtas ang tali o mawalan na ng lakas ang kamay mo?

Bakit bibitaw ka na? Dahil ba narealize mo sasaya ka rin sa kanya at matututunan mo rin siyang mahalin? O baka naman nawalan na ng dugo ang kamay mong parang linta sa pagkapit.

1. Hanggang kailan ka kakapit?

Yan ang tanong na hindi nila masagot ng maayos. Mali kasi ang tanong. Ang dapat na tanong ay “Ano ba ang dahilan bakit ka niya hinahayaan kumapit?

Baka kailangan niya muna makapagtapos sa pag-aaral. Baka kailangan niya tumulong sa pamilya niya. Baka may gusto pa siyang gawin o abutin bago siya maging handa. Baka hindi pa siya handa umibig. Pero kung ang dahilan ay mayroon na siyang ibang mahal at ikakasal o kasal na sila, luwagan mo na ang kamay mo pakonti-konti. Gamitin ang utak at huwag managinip ng gising. Pero kung tinuruan ka ng nanay mo na mangwasak ng pamilya at relasyon at ang nasa isip mo ay OK lang na manggambala, wala na kaming magagawa. Isipin mo na lang kung ikaw ang nasa lagay nila at may nangwasak ng relasyon niyo, matutuwa ka ba? Minsan, kalaban mo rin ang oras. Baka yung sasalo sayo sa baba ay mapagod na rin sa kakahintay. Pagkabitaw mo at pagbagsak, dumoble ang sakit. Wala na pala kasing sumalo sayo.



2. Lalaki ka ba o babae?

Kung lalaki ka, magbaon ka na ng parachute, baril, walkie talkie at energy drink. Sasabak ka sa isang matinding giyera. Marami kang kalaban. Kailangan mo gawin lahat ng iyong makakaya para hindi ka magsisi sa huli. Wag mo hahayaang nakasabit ka lang. Akyatin mo ang lubid hanggang sa pinakataas. Oo, hindi madali at nakakaubos ng lakas lalo na pag di ka pinapansin at di tinatanggap ang bulaklak na binibigay mo. Text ka ng text pero di ka nirereplayan. Kumain ka na ng bubog sa harap niya at wala pa rin siyang pakialam. Uminom ka ng energy drink. Tuloy ang laban. Gamitin mo yung walkie talkie. Kailangan mo ng koneksyon. Kailangan mo ng kaibigan na magpapalakas ng loob mo. Kailangan mo ng kapatid, tatay at nanay na magpapayo sayo ng mga diskarte. Kausapin mo ang kapamilya at kaibigan niya kung ano ba ang kanyang paborito at kung ano ba ang gusto niya sa isang lalaki. Ihanda mo ang parachute dahil pag lalaki ka, kadalasan walang sasalo sayo sa baba. Kapag lumusong ka sa giyera, i-expect mo na maaari kang malagutan ng hininga. Yung parachute ay reward para sa good fight na ibibigay mo. Kung matalo ka man, di ka magsisisi dahil ginawa mo ang lahat. Hindi mo kailangang mamatay, kundi kailangan mo ng chance na makahanap ulit ng ibang mamahalin. Hindi mo na kailangan bumalik sa lubid. Mag-landing ka na sa baba agad at maghanap ng panibagong mamahalin. At yung baril, hindi mo kailangan iputok sa mga karibal mo. Baunin mo lang yun at itago. Gamitin mo lang yun pag sinagot ka na niya at may nagtatangkang mang-agaw sa pinakamamahal mo. Masama pumatay pero ipukpok mo sa ulo. Kung sakali naman na may nag-aantay sayo sa baba, sabihan mo na agad kung ayaw mo sa kanya para di na umasa.

Kung babae ka, tumingin ka lagi sa taas at baba. Magbaon ka ng binocular, loudspeaker, pompiang at bulaklak. Sipatin mo ang kanilang kilos at galaw. Kanino ka ba mas sasaya? Kanino ka mas kinikilig? Sino sa kanila ang una mong naiisip pagkagising sa umaga? Oo lamang yung nasa taas dahil mahal mo nga e. Pero dapat kang maging mapagmasid. Baka wala ka na talagang pag-asa pero di mo lang makita. Baka wala na rin yung nasa baba at di mo rin makita. Mahirap pag hindi mo nasabi ang nararamdaman mo. Malamang gusto mong isigaw sa taas na “Hello, nandito ako! Pansinin mo naman ako!” pero walang lumalabas na boses sa bibig mo. Gamitin mo ang loudspeaker para magparamdam sa itaas na nakasabit ka pa rin. Naghihintay sa kawalan. Baka hindi niya alam na umaasa ka pa rin at naghihintay. Pwede mo ring isigaw sa baba na “Hoy teka lang ha! Pababa na ako!”. At pag hindi ka pa rin makapagdecide, gamitin mo ang pompiang. Gisingin mo ang sarili mo. Gisingin mo ang puso mo at ang isip mo. Kailangan mong pag-isipan kung worth it ba ang pag-extend ng oras sa pagsabit. Kailangan mo ring pag-isipan kung kaya ka ba niya talagang saluhin sa baba. At kung sakaling abutin ka ng taon, dekada o siglo sa pag-iisip at ipapaubaya mo na sa tadhana ang iyong kapalaran, ibato mo ang bulaklak, kung sino ang makasalo siya na ang piliin mo. Nakakita ka na ba ng bulaklak na lumipad pataas? Ako rin hindi pa. Ipaubaya mo na sa kanya.

3. Paano malalaman kung siya nga ang para sayo?

Diyos ang nagbibigay ng mabuting asawa. Kailangan mo hilingin sa kanya na ipagkaloob sayo at ituro kung sino ba talaga ang para sayo. Pero kung hindi ka naniniwalang may Diyos, humingi ka na lang ng tulong sa lolo mong unggoy.

Hindi mo naman talaga malalaman ang taong para sayo. Ang totoo baka pag nalaman mo na si Inday Badiday o si Kuya Germs ang para sayo ay hindi mo lang din matatanggap. Ang tanong ay kung “Paano kayo magiging karapat-dapat sa isa’t-isa?”. Hindi kasi pwedeng isa lang ang magmamahal. Sa una siguro ay meron kang ilang makikitang hindi gusto sa kanya. Pero pag nakita mo na ang kanyang imperfection pala ang bumubuo sa kanyang pagiging perfect, matututunan mo na siyang mahalin ng buo at walang kapares.

Walang sinuman ang nakakakilala sa sarili mo kundi ikaw. Ikaw pa rin ang magdedesisyon. Advice ito at hindi order. Kawawa ka talaga dahil kailangan mo pang pagdaanan ito. Wag kang matakot manindigan sa desisyon mo. Pag nabigo, move-on. Pag sinuwerte, congrats. Tiyakin mo lang na wag mo na papakawalan. Gawin mo lahat. Ibuhos mo lahat. Kung hindi man siya ang the one for you, pwede mo naman yun baguhin at isulat sa istorya na kaya kayo nabuhay dalawa sa mundong ibabaw ay para mahalin ang isa’t isa. Tuldukan mo na ang kwento. Ikandado mo. Itapon ang susi sa pinakamalalim at kaibuturang parte ng dagat Pacifico.

-Metaporista

—–
Please visit www.sba.ph

Lahok para sa Special Contest ng Saranggola Blog Awards

0 thoughts on “Sinong Dapat mong Piliin: Mahal mo o ang Mahal ka?

Leave a Reply