Memoirs of Jamvhille Sebastian of Jamich (RIP Jam)

Memoirs of Jamvhille Sebastian of Jamich (RIP Jam)

Update: Jam Patay na (March 4, 2015)

Masyadong mapagbiro talaga ang mundo. Kung sino ang bata yun pa ang sakitin. Kung sino pa ang hindi mamamatay tao yun pa yung nakukulong sa apat na sulok ng kwarto. Diyos ang nagtakda ng kamatayan sa tao kaya normal na talaga yan. Una-una lang. Una-una lang talaga.

Masyado ring maliit ang mundo. Ahead lang siya sa akin ng isang taon sa school. Maliit lang ang school namin kaya lagi siyang nakakasalubong. Lagi ring kasama sa practice sa basketball at sa ibang events sa school. Laging kasama niyan dati ay si Alvin Lorica. Kung nasaan si Jam nandun siya. Buddy kung ituring at madalas napagkakamalan silang magkapatid. 

Imposibleng hindi mo siya makilala sa campus dahil panlaban yan sa sayawan. May grupo sila dati sa school at over-qualified ang grupo nila dahil masyado silang magaling. Mana sa Kuya niya. Maliban sa pagsayaw kilala din yan sa kanyang buhok na mahaba at bagsak. Noong panahon ng F4, uso ang buhok na yun, pero bawal sa campus. Pinoknatan na kami ng teacher namin pero siya, hindi makanti. Asset daw niya yun sa pagsayaw o talagang malakas lang sa Admin.

Sobrang malakas mang-trip. Andaming kalokohan at andaming pakulo. Isang beses naglaro kami ng basketball sa Zone 10, inaarbor niya yung jacket ko. Kinulit ako ng kinulit. Alam niya kasing wala akong T-shirt sa loob at kung sakali, mag-iiscooter akong pauwi na nakahubad.

Sa tinagal ng panahon, wala na akong ibang maalala. Nauna na siyang grumaduate kaya wala ng balita at di ko rin naman siya kadikit. Yung batch nila, batch ng mayayayaman. Mga de kotse at laging may bagong labas na nokia cellphone.

Nagulat na lang isang araw, nakita sa SOP na sumasayaw. Nawala. Tapos biglang lumitaw bilang Jamich. Noong panahong nauso yung boy pick-up ni Ogie Alcasid, may parody silang ginawa at siya yung Kid Pick-up. Ang opening na kanta niya ay:

Magaling ako mag-rap

Magaling ako mag-rap

Magaling ako mag-rap

Wala akong sakit

Bata pulutin mo

Bata pulutin mo

Ang english nun

Kid pick-up

Break it down

Sana nga wala na lang siyang sakit gaya ng opening song niya. Di bale ng hindi magaling mag-rap.

Napapadalas yung paglabas niya sa TV at kahit hindi mo siya hanapin, kusa siyang susulpot sa youtube at sa mga patalastas kasama ni Mich. Una masaya ako para sa kanya, pero nung bandang huli naawa na ako. Hindi dahil sa may sakit siya kundi dahil sa mga basher niya. Kasama talaga yun sa pagsikat. Pag sikat ka na hindi ka na pwede magkamali sa gawa at kahit sa salita dahil lait ang aabutin mo. Minsan gagawan pa ng kwento na alam mo namang hindi totoo. Napapalibutan ng mata at somehow, nabawasan na ang kalayaan. Limitado na rin ang kilos.

Nabalitaan ng mga tao ang sakit niya. Maraming walang pakialam dahil hindi pa naman nga “Big Star”. Ang ibang kakilala niya, nagtatago lang din sa dilim. Inaantay na lang ang balita tungkol sa kanya sa balita. Bilang kakilala, malulungkot ako. Tiyak mas dama ng mga taong malapit sa kanya ang lungkot.

Handa na siyang mag paalam. Ayaw na niya sigurong mahirapan. Nilabas na niya ang tapang. Mapaglaro lang talaga ang kapalaran. Baka kasi mayroong dahilan.. Ang problema, hindi natin alam. Marami naman siyang nagawang short film. Doon, immortal siya. Pagkatapos mapanood, ay pwede mong i-play ulit. 

Yun lang ang kwento ko. Kung may kwento ka tungkol sa kanya, ikwento mo na rin.

Leave a Reply