Dahilan kung bakit laging late ang karamihan ng Pinoy

Dahilan kung bakit laging late ang karamihan ng Pinoy



Pag sinabing ‘Filipino time’ laging late yan ng isang oras. Nauso ang terminong yun sa mga Pilipinong nakatira sa Japan dahil kumpara sa Pilipinas, ang Japan naman ay advance ng isang oras.

Naranasan mo na bang mag-antay ng pagkatagal-tagal dahil late dumating ang inyong kausap? Mukha bang sinadya? Nagbago ba ang pagtingin mo sa kanya?

Hindi magandang impression ang matatanim natin kapag late kang haharap sa kahit kanino at kalagayan ng tao. Isa yun sa bakas ng pagiging ‘professional’ dahil mahalaga ang bawat minuto nila.

Dalawa lang yan, sinasadya at hindi.

Kadalasan, sinasadya nila yun pag kilala na nila ang ugali mo na lagi ka namang late kaya late na rin silang dumadating dahil sawa na sila sa hindi mo pagtupad sa usapan. Madalas rin na sinadya kapag tingin nila sayo ay wala kang halaga at dapat lang na pag-antayin.

Pero madalas naman (sana naman) ay hindi talaga sinasadya. Ito ang ilan sa mga dahilan na hindi nakikita ng iba.

1. Magkasama ang toilet sa bathroom

Madalas, ang design ng bahay sa Pinas ay magkasama na ang dalawang ito. Dahil nga makakatipid talaga sa space at pera. Pag may nagbabaon ng Yamashita sa banyo, hindi ka pwedeng maligo at vice versa. Ang problema, kailangan mong antayin matapos ang ate o kuya mo bago ka makasunod. Ang masaklap ay bihira ang may mahigit na dalawang toilet at bathroom sa bawat design ng bahay at madalas lima o pito ang nakatira sa bahay ninyo.

No choice kundi gumising ng maaga o kaya ay maligo na sa gabi pa lang para deodorant na lang sa umaga.

Minsan ang toothbrushan ay nasa liguan din kaya di makaalis ang iba habang mayroon pang tao sa loob.

2. Sinasabay ang orasyon sa umaga

Kung gusto mo mag-ahit ng kung anong parte ng katawan mo, gawin mo na sa gabi dahil kakain yan ng oras sa umaga. Kung maggugupit ka ng kuko, general cleaning ng tenga, kulay ng buhok, matinding hilod at footspa, gawin mo na sa gabi dahil mapapasarap ka at kakapusin ka ng oras. Bumili ng hair dryer/blower dahil mas madaling matuyo ang buhok mo at di ka aalis ng bahay na tumutulo tulo pa ang tubig sa buhok mo. Mas nakakatipid sa oras ang kalbo dahil menos na ang pag-aayos ng buhok.

3. Sakto o late ang orasan

Nakabalandra na ang orasan mo. Di mo naman chinecheck kung tama ba. Gaano nga ba kaadvance ang orasan niyo sa trabaho at sa school? I-expect na na hindi naman lagi sinkronisado ang lahat ng orasan. Minsan nga kahit ang orasan sa city hall ng Manila ay tumitigil din at nahuhuli. Dapat iparehas lahat ng oras sa lahat mong relo at gadgets. Lagi ring magbigay ng palugit at pilitin lagi na dumating ng mas maaga kapag bago mo pa lang pupuntahan ang isang interview o lugar.

4. Hindi nag dodowny at nagpaplantsa lagi sa last minute

Hindi lang sa kuryente matakaw ang plantsa kundi pati sa oras. Kaya hangga’t maari, plantsahin na ang mga dapat plantsahin gabi bago mo gagamitin ang iyong damit. Effective talaga ang mga fabric softener. Either hindi na kailangan plantsahin o konting pasada lang ay balik na sa ayos ang damit.

5. Biglang umuulan

Napapalibutan ang Pilipinas ng tubig kaya dapat- iexpect na na mas normal na sa atin ang biglang pag-ulan. Minsan hindi naprepredict ng PAGASA kaya dapat magdala na lang lagi ng foldable na payong. Kung alam mong binabaha ang lugar mo, mas maging mapagmatyag ka. Doble matyag para matimbang mo ng tama ang oras ng paggising.

6. Bulok na sistema ng transportasyon

Sa ibang bansa, kapag wala kang sasakyan, kailangan mo gumising ng maaga dahil either scheduled bus or train ang masasakyan mo. Sa Pinas, kahit sakto lang ang gising mo dahil pagtawid mo ng kanto, 45 jeep ang dadaan sa harap mo kada minuto kapag rush hour. Yun nga lang matindi minsan ang kompetisyon kaya dapat marunong kang dumiskarte. Kung may terminal, mas maganda pero dapat matiyaga ka maghintay. Kung wala, dapat magaling ka bumox-out, sumiksik at sumabit o kung gusto mo naman, gumising ka ng mas maaga at umalis ng mas maaga.

I-expect mo na rin ang madalas na yellow code at red code sa LRT at MRT. Masyado kasing matipid ang gobyerno at ayaw bigyan ng mataas na pagpapahalaga ang mass transportation. I-uupgrade nga, ipapasan naman sa mga user. Hindi naman masama magtaas basta reasonable. Magkakapalitan pa kayo ng mukha sa tren pag siksikan kaya kung hindi away, panlalamang sa kapwa ang natututunan ng mga Pinoy. Wag kang paaapi principle.

Mas maraming car accident ngayon at mabagal ang responde. Traffic dahil sa kakulangan sa stop light at di maayos na regularidad ng prangkisa. Wala pang maayos na babaan at sakayan ng pasahero.

7. Kumain ng maayos na almusal

Kung alam mong sumasakit ang tiyan mo sa Milo, mag juice ka na lang. Kung humahapdi naman ang sikmura mo sa juice, mag kape ka nalang. Minsan pag di ka kumain ng maayos sa bahay, mapapadaan ka pa sa Mcdo o Angels Burger dahil di mo matiis ang gutom mo. Bukod sa sayang ang pera, sayang ang oras sa paghihintay.

8. May jeepney driver na gustong ubusin ang pasahero tapos nagpapa-gas pa sa rush hour

Ito yung mga nakakagigil na pagkakataon. Di ka naman na makalipat dahil nakapagbayad ka na at mahiyain ka masyado para i-refund ang bayad. Karamihan sa jeepney driver ay hindi nagpapa-fulltank at laging 200 pesos hanggang 400 lang ang kinakarga kada tigil sa gasolinahan. Kaya mas madalas silang tumitigil. Minsan kailangan nila tumigil talaga para mabaryahan ang binayad mong 500 pesos na malutong para sa dose pesos mong pamasahe.

9. Mas marami ang prepaid users

Nagpapaload ka ba araw-araw ng bente pesos? Sabihin nating isa’t kalahating minuto ang tinatagal sa pagpapaload. 1.5 x 30 days = 45 minutes. 45 minutes ang sinasayang mong minuto kada buwan. Kung kaya mo naman bumili ng 500 pesos na load, bumili ka na. Kung kaya mong mag postpaid, mas maganda.

10. Marami pa rin ang nagsasaing sa kalan at walang hot and cold water system

Naku po. Baka isa ka pa sa mga hindi tinatangkilik ang teknolohiya. Malaki ang oras na matitipid niyo pag gumamit kayo ng rice cooker dahil araw-araw naman kayong nagsasaing. Mag pundar na rin ng turbo broiler, peeler, matalas na kutsilyo, washing machine na auto rinse at auto dryer at higit sa lahat, hot and cold water system.

Oo kung titingnan, mukhang magastos pero in the long run, mas makakatipid ka sa pera at sa oras. Hindi yung kada ligo mo ay magpapakulo ka pa ng tubig. 5 minutes agad yun tapos yung LPG mo pa. Kada laba mo, kailangan mong banlawan pa isa-isa e pwede na naman ngayon na kusang babanlawan ang damit mo at kusa narin pipigain. Isasampay mo na lang ng maayos. Mas marami kang oras na matitipid at mas marami kang oras na maibibigay sa pamilya mo at sarili.

11. Late na matulog. Laging puyat.

Dahil yan sa Wifi, magagandang palabas sa alanganing oras sa gabi, at kakaantay sa mga anak na makatulog para masimulan na ang loving-loving sa asawa.

12. Mañana habit

Puro mamaya. Puro wait. Pwede pa naman yan bukas. Sa susunod na yan. Sa madaling sabi, karamihan talaga ay tamad.

Pilitin natin sana mabago ang sarili. Minsan nakakarating na rin sa ibang lahi ang hindi mataas na uri na pagkilala sa oras. Masyado tayong pa-special. Dapat kahit ano ang antas at kalagayan mo, lagi kang tumupad sa oras ng usapan. Kung hindi mo man maperfect, pilitin mo pa rin. At higit sa lahat mas maganda kung magpapasabi ka na mahuhuli ka.

Dito pa lang, makikita mo na kung ano ang pagkatao ng iyong kaibigan at kung gaano ka nila pinahahalagahan.

Metaporista

Leave a Reply