Pitong Taon

Pitong Taon

Pitong taon

Ni Metaporista
Pitong taon noong ibinaon ang paa sa paglusong

Sa isang sumpaang di kailangan ng saksi’t kurdon

Dalawa’t hindi isa ang itinapak para tiyak na di aahon

Magkasamang naglakbay kahit malayo’t paroon

Kinasabikan ang tawa’t hilik pati na rin ang tukso’t panlalait

Naglalatagan ng panaginip, pangarap na gustong makamit

Nag-gagamutan pag may sakit, nagbabantayan pag di makapikit

Nagkakainan kahit gipit, nagbibigayan ng walang kapalit

Masaya dahil di lumalamig, nagliliyab pa rin ang pag-ibig na mainit

Kahit pitong taon na ang sumapit, ang malapit ay lalo pang nagdidikit

Tingin ay lalo pang lumalagkit, hinga sa tenga’y lalong umiinit

Lamig ng paa’t kamay’y dinadamping pilit para makadikit

Nilalabanan ang ginaw gamit ang isa’t isang singkaw

Pitong taon noong ibinaon at patuloy pang ibabaon

Sa di nalalayong panahon, dapat laliman na ang paglusong

Darating ang pagkakataon ang dalawa’y magiging isa

At ang isa’y di na maghihiwalay pa

Leave a Reply