Ang maturity at ang paghuhugas ng plato

Ang maturity at ang paghuhugas ng plato

Ang maturity ay masusukat sa paghuhugas ng plato, pinggan at pinagkainan. Tingin ko.

1. Kusa mong huhugasan

-Hindi mo pwedeng daan-daanan lang kung nakikita mong nakatambak na at wala ng magagamit. Hindi mo na kailangan mag-antay ng iba. Ang maturity ay pagtayo sa sariling paa at hindi pag-asa habambuhay sa iba. Sa simpleng kusa, malalaman mo na na ang tao ay marunong tumimbang ng sitwasyon.

2. Isang pasadang hugas

-Masyadong mahalaga ang oras para hindi ayusin ang trabaho. Makikita mo silang sinisikap na tanggalin ang sebo sa isang pasada. Sayang ang oras, tubig at pagod kung hindi mo gagawin ang trabaho ng maayos sa unang pasada. Hindi ka na bata para makuntento lang sa paggawa ng madali.

3. Hindi agad nagsasawa at napapagod

-Minsan may mga bagay na hindi tumitigil sa pagdating. Isa na dyan ang problema. Hindi pa tapos ang isa ay may panibago nanaman. Pag hinatid sayo, hugasan mo lang ng hugasan. Iunat ang kamay at harapin ang iba’t ibang hamon. May basong malalim at di maabot hanggang baba, may kaning tumigas na sa pagitan ng tinidor at may kawaling kahit ilang beses mo na kinuskos ay di pa rin nawawala ang amoy. Gaya ng pinggan hindi rin yan mauubos dahil bukas makalawa ay maghuhugas ka nanaman. Wag kang mapipikon at harapin ang problema sa madiplomatikong paraan.

4. Tumitingin sa long term goal

-Hindi pwedeng ang poproblemahin mo lang ay yung kakainin mo bukas. Mahalaga ang kasalukuyan pero mas dapat mong paghandaan ang hinaharap. Ano ka na after 5 years, 10 years, 30 years, 50 years? Kailangan mong ibabad muna ang kalderong may nakakapit na matigas na kanin at kawaling masebo sa tubig at sabon bago ka pa maghugas ng plato. Pagkatapos ng pinggan at baso, balikan mo ang kawali at kaldero at hindi ka na mahihirapan pang kuskusin dahil pinaghandaan mo na.

5. Maingat sa paghugas

-Lahat naman siguro ay nakabasag na ng hugasin dahil dumulas sa kamay o natabig. Sabi nila, aksidente. Hindi sinasadya. Oo, tama. Pero ba’t ngayon hindi ka na “naaaksidente”? Dahil nag-iingat ka na. Natuto ka na. Ang tanong, babalikan mo pa ba ang pagkakamali mo?




6. Nililinis ang lababo pagkahugas ng plato

– Makalat ang paghuhugas ng pinggan. Minsan may makakaaway ka, matatapakan ka, masasabihan ng masasakit na salita, mapapangakuan na di mo tutuparin at makakatampuhan. Kung marunong ka magkalat, dapat marunong ka rin magligpit. Linisin ang naipong kalat para lumuwag ang lababo at luminis ulit. Itaktak ang naipon sa strainer at itapon ang tinik at tira-tira sa basurahan. Lalaki ang mundo mo pag wala kang kaalitan. Mas madaling kumilos pag malinis at maluwag.

7. Hugasan ang sariling kamay gamit ang sabong mabango

– kailangan mong mahalin ang ginagamit mong kamay na panghugas.  Paano ka makakapagtrabaho kung may sakit ka? Tamang pagsilbihan ang pamilya mo pero maglaan ka rin para sa sarili mo. Gumamit ka ng sabong mabango. Gantimpalaan mo ang sarili mong pagod sa simpleng paraan. Kasi tiyak, darating ang araw, hindi ka na nila pasasalamatan. Pero wag mo yun pansinin. Ang matured na tao ay hindi gumagawa para mapasalamatan. Gumagawa sila dahil kailangan.
Metaporista

One thought on “Ang maturity at ang paghuhugas ng plato

Leave a Reply