Ang 2×2 Picture sa Pader

Ang 2×2 Picture sa Pader

Isang araw, pinadala ng teacher ang kanyang mga estudyante ng picture ng kanilang tatay.

Kinabukasan, pinaskil ng teacher isa-isa sa mababang parte ng wall ang mga larawan na dala ng kanyang mga estudyante.

Ang ilan sa kanila, nakasuot ng uniporme. May nakapang-doktor, sundalo, pulis at piloto. Pero may isang larawan na natatangi sa lahat: isang kupas na 2×2 picture sa dulo.

Tinawanan at minaliit nila ang kaklaseng may dalang 2×2 picture. Hinahalikan kasi ng bata ang picture araw-araw pagkapasok at bago umuwi. Walang palya maliban na lang kung walang pasok.

Pinagtripan siya ng kaniyang kaklase. Pinahiran nila ng sipon, pawis sa kili-kili at iba pang bagay ang 2×2 picture. At tuwing hahalikan ito ng kanilang kaklase, magtatawanan sila.

Pero hindi natinag ang bata kaya nagpasya silang itago ang 2×2 picture ng kanyang tatay.

Nagulat ang bata nang makita niyang wala ang larawan ng kanyang tatay. Nag-alala siya at nagsimulang hanapin at ipagtanong ang nawawalang 2×2 picture.

“Nakita niyo po ba ang picture ng tatay ko?” Tanong niya isa-isa sa mga kaklase, sa ibang klase, sa ibang teacher, sa security guard at pati sa labas ng school. Hinanap niya buong araw. Tiningnan niya sa kanilang classroom, sa labas at sa lahat ng pwedeng paghanapan. Pero wala siyang nakita.



Umupo siya sa sulok hanggang mag-uwian. Pagod sa kakahanap ng nag-iisang natitirang larawan ng kanyang tatay. Takot na takot siya. Takot na takot na baka lumipas at dumating ang araw na makalimutan niya ang itsura ng kanyang tatay. Ang pinakamasakit, huling halik na pala niya yung kahapon.

Kung alam lang niya, hindi lang halik ang kanyang binigay. Kakantahan, kekwentuhan at kakausapin pa niya. Mamasahihin, dadalan ng maiinom at ipaghahanda ng tsinelas at tatanggalan ng medyas kunwari. Akala niya, may pag-asa pa rin siyang makasama habang buhay ang kanyang Ama kahit sa 2×2 picture. 

Nabiktima siya ng Mapaglaro’t di makatuwirang tadhana
-Metaporista

One thought on “Ang 2×2 Picture sa Pader

Leave a Reply