Sampung Klase ng College Student

Sampung Klase ng College Student

  

Hindi lahat ng tao ay pinalad na makatungtong ng kolehiyo at ang iba, nakatungtong pero hindi nakapagtapos dahil sa sari-saring dahilan. Pero kung isa ka sa mga pinalad, na makatapak at maranasan ang buhay kolehiyo, malamang isa ka sa mga sumusunod na klase ng college student.

1. Tutok Mode

– Sila yung mga hindi mo mayaya sa kahit saang lakad. Sabi nga, malaya kana pag nasa tertiary ka na pero sila, nakasanla yung kalayaan nila sa oras. At tutubusin nila pagkatapos grumaduate. Sila yung matalino na, masipag pa. At sila yung madalas natin kopyahan.

2. Chicks/Hotdog mode

– Sila yung mga pumapasok para makasipat ng sexy at good-looking na school mate. Kadalasan hindi sila nag-iisa at laging nagkukumpulan sa entrance ng building. Sila rin yung mahilig tumambay sa ilalim ng hagdan para manilip ng langit. Madalas naka shades kahit palubog na ang araw.

3. Benta Mode

– Sila yung mga negosyante mong kaklase na nag-aalok ng yema, pulboron, load sa cellphone, kidney, damo at bond paper. Sila ang may pinakamaraming kaibigan dahil kilala siya ng lahat. Meron ding networker na aalukan ka ng magandang kapalaran. Kakaibiganin ka tapos papakitaan ka ng yaman nila na result ‘daw’ ng kanilang pagsali sa business. Maraming yumayaman diyan pero marami ring bulsa ang binutas.

4. Working Mode

– Sila yung mga nagpapart-time job habang nag-aaral. Kadalasan sila yung hikahos sa buhay at pinag-aaral ang sarili. Sila yung may pinakamagaang na load na units pero sila yung pinakabusy. Kung hindi Jollibee, nagpapart time sa call centre. Sila yung may mataas na pangarap at gustong umahon sa sariling paa. Minsan, manager na sila bago pa sila grumaduate.




5. Tropa Mode

– Sila yung ganadong pumasok dahil sa tropa at barkada. Laro ng computer games, billiards, inuman, hithit-buga at paggagala pagkatapos ng klase ang kanilang inaabangan. Pero sila din naman ang nagtutulungan sa review pag exam at kopyahan.

6. Kabute Mode

– Sila yung bigla na lang mawawala nang parang salisi gang. Ilang terms hindi magpapakita at bigla ka na lang kakalabitin sa pagbabalik. Sila yung mga medyo kinapos sa budget, nagkasakit, naaksidente, nabuntis, nagparetoke, nag-abroad, nakapatay at biktima ng paghihiwalay ng kanyang tatay at nanay, broken family.

7. Recruit Mode

– Sila yung nag-aalok sa mga tao na sumali sa org, frat, gang, alive alive, choir, banda, NPA, LGBT, ISIS at iba pang samahan. Hindi ka nila tatatantanan pero hindi ka rin nila papansinin kung wala ka nang katangiang hinahanap nila. Sila kadalasan yung mga seniority at ginagalang kaya tanggihan mo sila sa maayos na paraan kung ayaw mong sumali.

8. Solo Mode

-Sila yung matatapos na ang term at di mo pa rin kilala. Laging nasa pinakasulok nakaupo at hindi kusang nagrerecite. Mahina magsalita. Napagkakamalang weirdo. Kadalasan may candy dahil nababadbreath dahil sa nabubulok na laway. Pero magugulat ka, pagkatapos ng term, makikita mo ang mukha niyang nakapaskil – Best in Thesis, Debate, Public Speaking at Academic Scholar. Sila yung pag naging tropa mo, beast mode pala pagdating sa kakulitan.

9. Makibaka Mode

– Sila yung laging galit sa mundo. Laging may kaaway, feeling hari ng Tondo sa paglalabas ng opinyon. Sila yung iiwasan mo ng tingin pag dadaan ka. Laging laman ng guidance counsel. Sila yung pinakakinaasaran mo pero sila din yung magiging bayani mo pag nagkataong parehas kayo ng prinsipyong pinaglalaban. Sila yung tagapagtanggol ng papataas niyong matrikula at tagapagligtas laban sa admin na gustong palitan ang pangalan ng school niyo. Kadalasan hindi sila nakakagraduate. Dahil kung hindi sinisipa, pinapapatay sila.

10. Normal Mode

Wala lang,pasok lang dahil kailangan. Pag nagkayayaan gumala, sasama. Pag kailangan magreview, aral. Pagkailangan sumama sa welga, sama. Pag naligaw sa ibang klase, tahimik. Pag natalo sa pustahan sa NBA, hahanap ng raket. Pag may chicks, ligaw. Sila yung naranasan halos lahat at kadalasan sila yung nagsisisi ngayon na sana naging number 1 klase ng college student na lang sila dahil kaya naman nila, medyo tinamad lang.

Mamimiss mo ang buhay estudyante pagkatapos ng kolehiyo. Pwede ka mag-aral ulit. Pwedeng magrelax muna. At pwede ring magtrabaho na agad. Ang mahalaga, may kayamanan ka nang hindi mananakaw. Magpasalamat ka sa nagpaaral sayo. Sa pawis at dugo nila. Sa hirap at lungkot na tiniis nila. Suklian mo balang-araw. Hindi required. Pero masarap sa pakiramdam. Promise.

Metaporista

4 thoughts on “Sampung Klase ng College Student

Leave a Reply