Ang OFW at Ang Balik Bayan Box

Ang OFW at Ang Balik Bayan Box

Image above Credit to:  Joel Putian at treklens

Hindi masisisi ang Bureau of Customs kung bigla silang maghihigpit sa pangongolekta. Hindi lang iyon dahil sa malapit na ang halalan kundi meron talagang Pilipino (hindi lahat) na nagpapadala ng mga gamit na pangnegosyo at hindi nabubuwisan nang maayos.

Ang tanong, gaano ka ba kadalas magpadala ng balik bayan box (BBB)? Kung 1 beses kada taon ka nagpapadala ay walang dapat ipag-alala. Sino ang maaapektuhan ng malaki sa planong pagbabago sa patakaran sa Balik Bayan Boxes? Yung mga negosyante na lumulusot sa tamang pagbubuwis. 

Oo masakit sa bulsa ng mga OFW ang pagtaas ng presyo. Konti na lang ang kita ay mababawasan pa. Hindi lang tradisyon ang pagpapadala ng BBB kundi ito ay simbolo ng pagiging maalalahanin at mapagbigay ng mga Pilipino sa buong mundo. Maaaring isa ka sa dalawa: Nagpadala at Pinadalhan

May dalawang klase ng nagpapadala:

  1. Nagpapadalang totoo – Kung ikaw ang nagpadala malamang wala ka lang ibang layunin kundi pasayahin ang kamag-anak mo at mga kaibigan mo. Isang sikretong mensahe na “wag kayong mag-alala di ko kayo nakakalimutan” o “wag niyo sana akong makalimutan”. Hindi mo naman layunin na magyabang. Ang gusto mo lang ay matikman nila kung anong masarap sa bansa mo ngayon. Ang totoo, minsan yung hindi mo nga natitikman dahil mahal ay yun pa ang pinapadala mo sa kanila. Ang dami mo magpadala ng tsokolate pero ilang tsokolate nga ba ang nabili mo sa sarili mo dahil sa pagtitipid? Ipambabayad mo na sa utang ay inagaw mo pa para lang mapasaya ang kamag-anak mo. Habang binabalot, naiimagine mo na kung ano ang reaksyon ng mga nakakatanggap sabay bulong sa sarili “… Matutuwa kaya siya dito?”. Mula sa sabon, gatas, damit, sapatos at second hand na gamit na napapakinabangan pa ay tinitiyak mo na walang espasyong masasayang. At sa buong panahon ng paglalakbay ng balik bayan box ay di ka mapakali. Lagi mong inaantay ang message nila na dumating na ang iyong padala hindi dahil sa natatakot kang hindi ito makarating sa kanila kundi dahil sa kasabikan na ang pinagpaguran mo sa kabila ng pag-iisa at kalungkutan ay magbubunga ng ngiti sa mga taong pinakamamahal mo sa buhay.
  2. Nagpapadalang negosyante – Sila yung mga namromroblema kung paano ipagsisiksikan ang 1000 kahon ng Nutella na idedeclare niyang gift para hindi mabuwisan. Sila yung Pilipinong mapanlamang at kumikita sa illegal na gawain. Sila yung magsisiksik ng mga ginto, diamante, droga, marijuana, baril at luxury car (kung kasya lang) at ang idedeclare lang ay diaper. Pwede naman sila magnegosyo sa legal na paraan pero ayaw nila dahil liliit ang kita nila. Sila yung dapat sisihin ng mga OFW kung bakit naghihigpit ang customs. Nadamay lang ang mga nagpapadalang totoo.




May isang klase lang ng Pinadalhan:

  1. Masaya – Sinong hindi matutuwa pag dumating na ang BBB? Halos maglulundag ang mga bata sa saya. Pinapalibutan ang kahon at tinitistis ang mga tape na mahigpit na nakabalot. Nagsisimula na maglaro sa isip “Tama kaya ang size na nabili sa akin?”. At pag nabuksan na, napapasinghay na lang at biglang magugulat at malulungkot sa kabila ng mga padala. Magugulat ka na alam pa rin niya ang paborito mong kulay kahit di mo napaalala. Malulungkot ka dahil makikita mo ang sulat kamay niya na kilalang kilala mo at maiisip mo na hindi ka pala uhaw sa imported na padala kundi uhaw ka na makasama ang  taong nagpadala. “Kumusta na kaya siya? Kelan kaya siya uuwi?” yun ang nasasambit pagkatapos matanggap ang parte. Sana magpasalamat ka. Alalahanin mo kung paano nila yun inagaw sa sarili nila para lang mapasaya ka.

Kung ano man ang plano ng customs na pagbabago ay abangan na lang natin. Sana pabilisin nila at mas maging maayos ang sistema. Kung may makabagong gamit na pang scan, sana yun ang gamitin at kung may nakitang kahina-hinala at hindi dineclare ay dun lang bulatlatin o i-hold. Para sa mga magpapadala naman ay wag na magsiksik ng pera o mamahaling gamit at kung alam niyong bawal o ideclare niyo nang tapat. Isa lang ang sigurado, madiskarte ang Pilipino. Willing magbayad at sumunod sa batas ang Pilipino kung nakikita lang nila na nagagamit ng maayos ang buwis at iginagalang at pinatutupad ang batas nang maayos at pantay-pantay.

-Metaporista

Mikey Bustos – Balikbayan Box

2 thoughts on “Ang OFW at Ang Balik Bayan Box

  1. Agree. Bigyan natin ng kaunting panahon pa ang BOC at sa kabilang banda, galangin natin ang sentimyento ng ating mga OFW. Madadala ito sa maayos na pag-uusap.

Leave a Reply