Patawad hindi ako si Alden o si Maine

Patawad hindi ako si Alden o si Maine

Patawad hindi ako si Alden o si Maine.

Hindi ako para pagkaguluhan o pag-awayan nino man.

Ordinaryo.

Hindi espesyal.

At kahit magsuot ka pa nang pinakamataas na gradong antipara’y walang mababago sa akin.

Walang mababago gaya ng iyong pagtingin sa akin. Ordinaryo. Hindi espesyal.



Patawad hindi ako si Alden o si Maine.

Di ko sadyang hindi ka makaramdam nang mala-kuryenteng kilig tuwing aksidenteng napapadikit ka sa akin.

Kahit alam kong alam mong sinasadya kong magpapansin.

Maglambing.

At palihim na humihiling, na sanaý maihip nang mainit na hangin ang iyong paningin.

Dahil sa pitong balik na paglakad ko sa iyong harapan, leeg moý di man lang nagawang ibaling.



Patawad hindi ako si Alden o si Maine.

Naubos na ang tatlong pulgadang mitsa ng aking naninilaw na pagtitiis.

Kakahintay sa paasang tamang panahon.

Panahon na nagpamanhid na ng aking natuyong damdamin.

At tuluyang nagpawala nang rumaragasang dugong dumadaloy sa akin t’wing nakikita ka.

Kung pagsubok ito sa aking pag-ibig, ibilang mo na ako sa listahan ng mga talo.

Mali.

Ibilang mo ako sa listahan ng mga sumuko at hindi na natuto.



Patawad hindi ako si Alden o si Maine

Dahil kahit kailan ay hindi ko pipiliing maging gaya nila.

Mas pipiliin kong makapiling ka sa likod ng pinilakang tabing.

Kung saan hindi magwawakas pagkatapos ng taping.

Iba ang gusto kong maging kwento natin.

Hindi pang commercial.

Hindi pang online.

Hindi pang noontime.



Kaya’t susurpresahin kita sa aking pagpapaalam..

Kahit alam kong hindi ka mabubulaga..

Ibabaon sa kaibuturan ng isip ang mga ala-alang mahapdi’t malala..

Ipapa-kidnap kay Nidora ang puso kong bugbog sa pagkalaglag..

Itatago’t papahilumin ang pasa’t kaskas na dumagta..

At sa pagkagaling’y ilalabas na..

Sana lang..

Sana lang ay may tumubos pa..



Metaporista

4 thoughts on “Patawad hindi ako si Alden o si Maine

  1. Sa bibihirang pagkakataon na masaksihan ko ang pagpapamalas mo naman ng talento sa panulaan, iba at angat pa rin yung damdamin at mensahe. magaling, ginoong metaporista.

Leave a Reply