Moral Story: Ang Mga Naiwan ng Barko

Moral Story: Ang Mga Naiwan ng Barko



Naglakbay na magkakasama ang magkakaibigan na si Pedro, Juan at Tomas papunta sa isang liblib na isla.

Ngunit nung makarating na sila sa isla ay nasira ang makina ng barko. Hindi na sila makakabalik pa sa islang kanilang pinanggalingan gamit ang motor na makina at ang tanging paraan na lang ay ang paggamit ng reserbang layag. Pero ang problema ay sobrang dalang umihip ng malakas na hangin na sapat para ibalik sila sa kabilang isla. Minsan, isang beses lang ito sa isang taon kung umihip at minsan, isang beses sa loob ng sampung taon. Samakatuwid, hindi nila alam kung kailan ito iihip.

Swerte sila dahil sapat ang reserba nilang pagkain at tubig sa barko para sa dalampung taon. Alam nila na sa anumang oras ay pwedeng umihip ang malakas na hangin kaya hinanda nilang nakabukas ang layag. Sa unang sampung araw ay hindi sila umalis sa barko dahil sa pagbabaka-sakaling dumating ang hangin. Pero pagkalipas noon ay nagpasya si Juan at Tomas na bumaba sa dagat at mag-enjoy muna sa tanawin. Walang balak si Pedro na bumaba sa barko dahil alam niya na ano mang oras ay pwedeng umihip ang hangin. Hindi niya mapigilan si Juan at Tomas sa kanilang desisyon ngunit pinaalalahanan niya sila na anumang oras ay pwedeng dumating ang hangin na magliligtas sa kanila.


‘Pedro! Naiinip na ako sa kakahintay. Pupunta muna ako sa kweba at maghahanap ng mga kayamanan. Babalik ako agad pag nakita ko na ang mga ginto. Tawagin mo na lang ako pag paparating na ang hangin.’ sigaw ni Juan kay Pedro habang naglalakad papalayo.


‘Pedro! Mamimitas muna ako ng mga masasarap na prutas. Nagsasawa na ako sa mga pagkain dyan e. Babalik din naman ako agad diyan. Pero bababa ulit ako para maghanap ulit ng ibang makakain.’ sigaw naman ni Tomas kay Pedro habang sabik na tumatakbo papunta sa gubat.


Napa-isip si Pedro sa kanyang pagkakaupo sa barko. Nakakaramdam siya ng inip at pagka-sawa sa pagkain. Gusto na rin niyang bumaba muna kahit saglit at maghanap ng kayamanan. Pero naiisip niya na baka hindi siya maligtas pag biglang umihip ang malakas na hangin kaya nagtiis siya sa pagkain nila sa barko.

Maya-maya ay bumalik ulit si Tomas at nakita na nandoon pa rin ang barko kaya bumalik ito sa gubat. Si Juan naman ay nakakita na ng ginto pero imbis na bumalik na sa barko ay mas lalo niya pang ginalugad ang kweba.


Naka-idlip si Pedro sa kanyang pagkakahiga nang biglang umihip ang malakas na hangin. Tumayo siya para sumigaw at tawagin si Juan at Tomas pero sa isang iglap ay nasa gitna na agad ng dagat ang barko dahil sa lakas ng hangin. Siya lang ang nagtiis hanggang sa huli, siya lang ang naligtas.

Pagbalik ni Juan at Tomas sa tabing dagat ay hindi na nila nakita ang barko. Nagsisi si Juan na suot-suot ang mga alahas na kanyang natagpuan. Napaiyak si Tomas dahil hindi siya agad bumalik at dahil hindi niya inakala na iihip ang hangin sa pagkakataong iyon. Nagalit si Juan at Tomas kay Pedro dahil hindi raw sila sinabihan.

Pinaalalahanan na sila ni Pedro nung una pa lang.. Hindi lang sila nakinig. Hindi sila nagtiis.


-Metaporista

One thought on “Moral Story: Ang Mga Naiwan ng Barko

  1. maganda ang kwento mo at may dating sa akin. struggle ko rin kasi yan especially sa commuting. share ko lang para malinaw – kapag sa oras na mahirap sumakay hind ako ang tipong maghihintay ng matagal sa isang puwesto kundi maghahanap ako ng spot na madali naman palang sumakay. minsan suerte, minsan malas. Pero ang pinakamagandang tyansa siguro dito ay huwag kang umayon sa common idea ng marami ang mag-commute sa ganoong oras.

    balik tayo sa kwento mo — sa akin hindi masama na bumaba ng barko para makapagmasid at mahanap ng ibig mo. pero ang hindi bumalik ng barko dahil nagiging masyado ka ng aliw sa ibang bagay. yun ang problema. it boils down to identifying what’s your priority in life.

    mabuhay!

Leave a Reply