Sikreto 101: Kailangan ba talaga ng diploma para guminhawa ang buhay?

Sikreto 101: Kailangan ba talaga ng diploma para guminhawa ang buhay?



featured image link credit: news5.com.ph

 

Ito ang una sa mga sikreto na dapat nating malaman.

Sikreto Para Guminhawa ang Buhay

Kailangan ba talaga ng diploma para guminhawa ang buhay? Ang sagot, hindi. Oo hindi mo kailangan makapagtapos para guminhawa ang buhay. Tulad ni Pacquiao, Efren Bata at yung mga drug lord sa Cavite at yung mga kababayan natin na nagtratrabaho sa ibang bansa na kahit hindi nakapagtapos ng kolehiyo ay mas malaki pa ang kinikita sa mga doktor sa Pilipinas. Sapat na ang makabasa ka at makapagsulat ka para guminhawa ang iyong buhay. PERO…. matitimbang natin yung kahalagahan ng edukasyon sa pangmatagalang aspeto.

Sa 10 na hindi nakapagtapos, 2 hanggang 4 lang siguro ang susuwertehin na magkaroon ng maalwang buhay.

Sa 10 na nakapagtapos, 7 hanggang 9 ang suswertehin na magkaroon ng maalwang buhay.

Oo hindi basehan ang perang meron ka sa kasayahan ng pamumuhay mo dahil ang iba kahit may pera pero may problema naman sa pamilya at minamahal ay wala rin. Pero kung magkakapamilya ka sa panahon ngayon, aminin natin na kailangan talaga ng pera para umunlad ka. Maliban lang kung mabubuhay ka sa bundok at sapat na sayo na ang anak mo ay ang matutunan lang ay magtanim at mairaos ang buhay sa araw-araw at hindi mo na pag-aaralin. Wala namang masama kung mamumuhay kang parang si Tarzan.

Tanggapin natin ang katotohanan na malaki ang impact ng edukasyon sa ating buhay. Pwede mong sabihin na basta malaki ang kita ay ok na. Kung mabubuhay ka naman at mabibili ang gusto mo ay bakit kailangan mo pa makapagtapos? Kung madiskarte ka naman sa buhay, bakit kailangan mo pang magsayang ng ilang taon sa pag-aaral? Kung makakapag-abroad ka naman at malaki ang kikitain mo at mabubuhay ka naman nang matiwasay at makakabili ng kotse at bahay ay bakit kailangan mo pang mag kolehiyo?

  • Mas madaling tumaas ang ranggo ng nakapagtapos pati na rin ang suweldo maliban lang kung mahaba na ang iyong experience. Pero paano pa kung nakapagtapos ka na at may mahabang experience ka pa? Hindi ba tiyak na mas papabor sayo ang kinsenas at katapusan?
  • Kayamanang hindi mananakaw – Yan ang laging sinasabi sa atin ng ating mga lolo’t lola. Kahit masunugan ka ng bahay at maubos ang pera mo ay meron at meron kang trabahong mapapasukan at madali kang makakapagsimula dahil may investment ka na sa sarili mo. At mas maganda kung sa mas maagang panahon ka mag-aral para masulit mo ito. Yung tuition mo nung 1995 kada sem siguro ay P10,000 lang pero pag ngayon ko nag-aral ay P30,000 na. Bukod sa patuloy na lumalaki ang matrikula ay lumalaki rin ang gastos.
  • Maging huwaran kang Ama o Ina – Maraming tao ang hindi nakakapagtapos dahil sa kakulangan ng pera. Gustong-gusto nila pero hindi nila magawa dahil kailangan agad nilang tumulong sa pamilya. Kaya pagkagraduate ng highschool ay nagtratrabaho na agad kahit sobrang liit lang ng sahod. Ang masaklap, pag tuluyan na silang hindi tumuloy sa kolehiyo o sa anumang vocational na course ay hanggang doon na lamang sila. May pangarap sana sa buhay kaso napilitang kumapit sa kasalukuyang sitwasyon at hindi na tinanaw ang hinaharap. Kung magkakaanak sila sasabihin nila sa anak nila na “Anak mag-aral kang maige at huwag mo akong tutularan. Magsisikap ako na mapag-aral kayo para hindi niyo maranasan ang hirap na naranasan ko.” pero pwede rin nilang sabihing “Anak pagkagraduate mo ng highschool ay magtrabaho ka na para matulungan mo kami sa mga gastusin sa buhay” at pag yan ang sinabi nila, isang henerasyon nanaman ang mapapasahan ng kahirapan. Tandaan na pagsisikap at diskarte talaga ang kailangan para maka-survive ka sa araw-araw pero bakit kailangan mo pang pahirapan ang sarili mo ng 50 years kung 4 na taon lang isasakripisyo mo para habang-buhay ka ng hindi magugutom
  • Oo hindi lahat ng taong nakapagtapos ay nakakapagtrabaho at hindi lahat ay nalilinya sa kanilang tinapos. Ang iba, nakakapag-asawa agad at hindi nagagamit ang kanilang napag-aralan. Sapat na bang dahilan yun para hindi ka mag-aral? Ang buhay natin ay parang pagsabak sa giyera at yung edukasyon ay yung ating armas. Oo pwede kang lumusob kahit anong oras mo gustuhin pero hindi ba mas lalakas ang loob mo na mananalo ka kapag kumpleto ka sa mga armas?
    • Sabihin nating lumusob ka pero wala kang nakitang kalaban. Abaý ok lang yun atleast may armas ka at anytime na may kalaban ay may ibubuga ka. Darating ang panahon na makakahanap ka ng trabaho basta wag ka lang titigil sa paghanap.
    • Sabihin nating lumusob ka pero naligaw sa kagubatan. Abaý ok lang din yun atleast may armas ka at pag dumating ang panahon at nakita mo na ang tamang ruta papunta sa kuta ng kalaban ay nakahanda ka at hindi lang tapang ang maihaharap mo kundi may ipuputok ka sa kanila. Kung ibang linya man ang napuntahan mo dahil mas malaki ang suweldo mo roon at kailangan mo iyon para itaguyod mo ang pamilya mo, ok lang yan. Ang kagandahan ay pag handa ka na at gusto mo na bumalik sa linya mo ay makakatalon ka kaagad at hindi mo na kailangang mag-antay pa ng apat o limang taon para makagraduate.
    • Sabihin nating lumusob ka at may nakita kang kakampi na kumpleto sa kagamitan at sinabi nila sayo na sila na ang bahala sayo basta’t sumama ka lang sa kanila at sila na ang bahalang lumusob. Abaý ok lang din yun dahil kung sakaling mawala sila o sila ay mapilayan at hindi  na makalaban ay nandiyan ka para maprotektahan ang grupo ninyo at makapagpatuloy sa paglusob. Iaasa mo na lahat sa asawa mong mayaman o may trabaho? Paano pag nagkasakit siya o mawala sa mundo ng maaga? Maitataguyod mo ba ang pag-aaral ng anak mo? Paano na sila kung wala na ang iyong kabiyak na source ng inyong kabuhayan? Hindi ba mas maganda kung may baon kang armas para patuloy kang makalaban sa buhay?
  • Oo yung mga pinakamayayamang tao sa mundo ay hindi nakapagtapos kundi ang ginamit lang nila ay perseverance at ideas at talino. Si Bill Gates at Mark Zuckerberg ay hindi diretsang nakapagtapos sa kolehiyo pero sila ay umunlad. So hindi ka na rin magtatapos para maging kagaya nila? Hindi ganun ang formula. Pwede ka naman magtapos tsaka mo kopyahin ang perseverance nila at pagiging malikhain. Si Pacquiao ay hindi nakapagtapos pero naging bilyonaryo. So hindi ka na rin mag-aaral para maging bilyonaryo ka kagaya ni Pacquiao? Hindi ganun ang formula. Kung gusto mo mag-aral ka tsaka ka magboxing para kung sakaling mabasag ang buto mo sa kamao ay makakabalik ka sa career mo at matiyak mong mabubuhay mo pa rin ang pamilya mo.

Pero tanggapin natin na hindi lahat ng tao ay hindi marunong humawak at magpalago ng pera kaya kahit 10 taon ng nagtatrabaho ay wala paring naipundar. Iba kasi ang edukasyon na mapapag-aralan mo sa kolehiyo at kadalasan hindi ituturo sa iyo ang tamang paghawak ng pera at pagpapalago nito lalo na kung hindi related sa business ang kurso mo.

Dalawa ang edukasyon na sobrang importante:

  1. Academic Education –
    • Ito yung pinag-aralan mo sa kolehiyo o sa vocational o sa mga seminar na inatendan mo. Ito ang pinakamagandang back up dahil ito ang magbibigay sayo ng trabaho. Kung sakaling nagnegosyo ka at di ito nag-click ay pwede kang bumalik sa pagtatrabaho.
  2. Financial Education –
    • Ito yung hindi tinuturo sa school lalo na pag hindi business related course ang kinuha mo. Ito ang susi para maging mayaman ka financially. At saan ito matututunan? Sa mga taong experiensyado sa pag iinvest at sa mga libro.

Balik sa tanong. Kailangan ba ng diploma para guminhawa ang buhay? Hindi. Lalo na kung bilyonaryo na ang tatay mo. Ang diploma ay isa lang papel na katunayan na may natutunan ka. Nasa sa iyo parin yan kung nag-aral ka ba talaga at kung nagsipag ka ba. Ang diploma ay pang-upgrade lang ng pagkatao mo. Pero kung papipiliin ka, bakit hindi mo pipiliing mag-upgrade? Bukod sa maganda ang features ay mas matatag din ang magiging future mo. Bali-baliktarin man natin ang mundo, edukasyon pa rin ang magpapaganda ng kapalaran ng susunod na henerasyon ng pamilya mo. At sa lahat ng investment, edukasyon ang pinakasulit. Mahalaga ang edukasyon. Kung may anak ka, ubusin mo lahat ng pawis mo para makapagtapos ang anak mo sa kolehiyo. Kung estudyante ka, mag-aral ka maige at pilitin mong makapagtapos. Wala kang maireregalong pinakamaganda sa kanila kundi ang maipakita mo sa kanila na ok ka na at natutuno kang tumayo sa sarili mong paa sa pamamagitan ng pawis nila. Isa lang naman ang gusto ng mga magulang at yun ay masiguro nila na kung mawala man sila sa mundong ibabaw ay hindi mo na mararanasan ang pang-aapi, paghihirap at pagkabigo na naranasan nila. Ang diploma mo ay hindi para sa iyo. Para iyon sa mga magulang natin at kapamilya natin na nagtulong-tulong para mapaaral ka.


Next article:

Tamang Paraan ng Pag-iipon

Main link:

Sikreto

Leave a Reply