Sikreto 102: Tama ba ang paraan mo ng pag-iipon?

Sikreto 102: Tama ba ang paraan mo ng pag-iipon?



featured image link credit : www.flickr.com/photos/jobarracuda
Sobrang lupit ng photographer na to. Visit niyo page niya sa link above.

 

Ito ang pangalawa sa sikreto na dapat nating malaman.

Sikreto Para Guminhawa ang Buhay

Tama ba ang paraan mo ng pag-iipon?

Sabihin nating may pinagkakakitaan ka na at regular na ang pagtanggap mo ng kita. Uunlad na ba ang buhay mo?

Oo kung:

  • Pagkatapos mo mabayaran lahat ng bayarin ay may natitira pa sayo

Hindi kung:

  • Kulang pa ang suweldo mo sa pambayad ng mga bayarin

 

Sa madaling sabi, makakaipon ka lang pag may tira pa sa kita mo. Obvious. Pero hindi porke’t may tira sa kita mo ay makakaipon ka.

May dalawang magtropa ang nag-usap sa kanto:

Pedro: Juan tigilan mo na ang pagyoyosi mo. Masama sa katawan yan at isipin mo nakaka isandaang piso ka kada araw sa yosi mo. E kung inipon mo yan

100 pesos/day x 365 days/year x 30 years = 1,095,000 pesos

sa loob ng 30 years ay higit isang milyon ka na.

Juan: Ikaw ba Pedro nagyoyosi ka?

Pedro: Hindi

Juan: Nasaan na ang isang milyon mo?

Yung ibang tao ay hindi nakakapag-ipon dahil maluho sa bisyo. E paano yung walang bisyo? Nasaan ang ipon nila? Kung titingnan may katuwiran si Juan. Pero nakadepende yun sa isasagot ni Pedro. Pwede niyang isagot na wala siyang isang milyon dahil binili niya iyon ng Centrum. Pareho silang gumagastos ang kaibahan lang, yung isa gumagastos para humaba ang buhay niya. Yung isa naman, gumagastos para umikli ang buhay. Diyan pumapasok yung value nang ating pinagkakagastusan. Bad value at good value. Hindi ko na sasabihin yung basic needs ng mga tao dahil alam kong alam niyo na iyon.

Siguro ay may sarili kang style ng pag-iipon. Kung epektib, ok yan. Kung hindi, basahin mo ang nasa baba.

So paano nga ang tamang pag-iipon?

  1. Mag budget
    1. Kwentahin mo ang sweldo mo at magagastos mo sa isang buwan. Income minus expenses. Pag may tira punta ka sa no. 2 pag walang tira, mag-antay at gumawa ka ng paraan para may matira sa suweldo mo. Either magdadagdag ka nang mapagkakakitaan o magbabawas ka ng expenses.
  2. Magbukas ng hiwalay na bank account para sa ipon
    1. Kung mas malaki pa ang expenses mo sa income ay wag ka na muna magbukas ng bangko dahil wala ka namang madedeposito. Tsaka na sabi pag nagawan mo na nang paraan na may matira sa kita mo.
    2. Hindi mo pwede pagsamahin ang perang panggastos mo at ipon mo. Disaster yan. Mas maganda nga kung mawiwithdraw mo lang ang pera pag bank book at hindi atm para hindi ka maakit na magwithdraw kaagad. Pilitin mong wag galawin ang perang yan hanggang sa abot ng makakaya mo. Pag konting gastos ay gagalawin mo na agad ito, wag ka nang umasang makakaipon ka pa.
  3. 10% Rule
    1. Ancient rule ito. Ibig sabihin, unang panahon pa lang ay ito na ang pinakasikreto ng mga unang tao na yumayaman. Simple lang ang rule. Kung magkano man ang kitain mo sa kinsenas at katapusan ay kakaltasan mo na agad ng 10%. Kung 10,000 pesos ang kita mo (bawas na ang tax, philhealth etc) tuwing katapusan ay itabi mo na agad ang isang libo ganun din pag kinsenas. Yung matitirang 9,000 pesos ay pwede mo na gastusin mula sa bayad sa upa ng bahay, pagkain, pamasahe at wag mo ring kalimutang gastusan ang pangangailangan ng pamilya mo at anak.
    2. Regular dapat ang pag-iipon. Pilitin mo na kada buwan ay may matabi ka.
    3. Kung malaki ang tira at kaya mo magtabi ng 30% at 50% ay mas ok yun pero payo lang, wag mo masyadong tipirin ang sarili mo dahil ang maidudulot niyan ay stress dahil normal sa tao na mawalan ng gana kapag wala siyang pakinabang sa bagay na pinaghihirapan niya. Mag budget ka para pasayahin ang sarili mo, asawa mo at pamilya mo. Oo mahalaga mag-ipon pero mas mahalaga na hindi magutom ang asawa mo at iyong mga anak. May mas sasarap pa ba sa maligaya at kumpletong pamilya?
  4. Paghiwalayin ang long term at short term na ipon
    1. Kung target mo  makapag-ipon ng 100,000 pesos sa loob ng 2 taon para sa iyong trip to Singapore para makapagpasikat ka sa mga kaibigan mo sa Facebook (100,000 pesos / 24 months = 4,167 pesos per month) ay kailangan mo magtabi ng atleast 4167 pesos kada buwan.
    2. Pero kung kasabay ng iyong pag-iipon para sa iyong Singapore trip ay nag-iipon ka rin na pambili ng kotse 8 years from now na worth 500,000 pesos ay mas mabuti kung paghihiwalayin mo ang bank account na iyong pag-iipunan dahil pag pinagsama mo yan ay mahihirapan kang i-trace ang ipon mo. Lalo na pag apat o lima na ang sabay-sabay mong pinag-iipunan.
  5. Spreadsheet para sa book keeping
    1. Kung marunong ka mag-Excel (Microsoft) o kung ano mang kagaya nito ay sulitin mo ang nalalaman mo o kung hindi naman ay isulat mo na lang sa notebook. I record mo lahat ng perang pumapasok sayo at lumalabas para ma-track mo kung nasusunod mo ba ang budget mo. Ok din ung irerecord mo ang bill ng kuryente, tubig etc. para makita kung ang laki ba ng itinataas at magawan agad ng paraan. I record mo rin ang suweldo mo para makita mo kung tama ba ang ibinabayad sayo lalo na kung puro overtime ka.
  6. Itabi ang bonus
    1. Yan ang problema sa  karamihan sa atin. September pa lang ay may plano na tayo kung paano natin lulustayin ang ating 13th month pay at bonus. Dalawa ang pwede mong treatment dyan:
      1. Bonus panggastos
        1. Bili kaagad ng bagong cellphone nang makapagpasikat ka sa tropa
      2. Bonus pang-ipon
        1. Hindi ba bonus lang yan? Kung baga e extrang pera lang yan. Ibig sabihin makakaraos tayo kahit wala yang bonus na yan. E kung kaya mo naman palang mabuhay na hindi yan ginagastos ay mas mabuti na itabi mo muna at gamitin sa emergency o pandagdag sa long term goal mo.
  7. Emergency fund
    1. Para sa akin, bago ka magsimulang mag-ipon para sa goal mo ay dapat ka muna magkaroon ng emergency fund. At ito ay katumbas ng tatlo hanggang limang buwan mong suweldo. Ito yung nakatago lang sa banko mo at gagalawin mo lang pag may naospital o nawalan ka ng trabaho.
    2. Bakit kailangan pa ng emergency fund at di na lang kuhanin sa ipon? Simple, para hindi mo masira ang plano at goal mo. At isa pa, pag natupad mo ang long term goal mo tsaka nagkaroon ng emergency ay magkakanda letche-letche ang buhay mo
      1. Halimbawa: Walang emergency fund
        1. Naka-ipon ka na ng 500,000 pesos pambili nang kotse. Inuna mo yun pag-ipunan at binale-wala mo ang emergency fund. Nakabili ka na ng kotse at sobrang saya mo. After 1 week pagkabili mo ay sumabog ang appendix ng anak mong naglaro ng mataya-taya pagkatapos mag lunch. Sinugod mo agad sa hospital. Siningil ka ng downpayment na 15,000 pesos bago nila operahan ang anak mo at karagdagang pambayad na 30,000 pesos. Magsasanla ka sana ng alahas kaso holiday nga pala. Wala kang mautangan dahil nasa out of town lahat ng kakilala mo. Gusto mo isanla ang kotse mo sa intsik mong kapit-bahay pero ayaw niya dahil bago ka lang sa subdivision niyo at baka takasan mo lang siya at lokohin. Hindi siya payag sa sanla pero pag binenta mo payag siya. No choice ka kundi ibenta. Binarat niya ng 350,000 pesos pero babayaran niya sayo ng cash.Hindi ka pumayag. Pero naalala mong mamamatay na ang anak mo. Pumayag ka na.
      2. Halimbawa: May emergency fund

        1. Katulad nang kwento sa taas pero pagkadala sa ospital ay nabayaran mo na agad. Nasayo pa rin ang kotse at buhay at ligtas pa rin ang anak mo.
  8. Pag-isipan ang mga bibilhin
    1. Di namin makonkontrol ang paggagastusan mo dahil pera mo yan at pinaghirapan mo. Ang amin lang, pag-isipan mo nang 7 beses bago mo bilhin. Mahalaga ba? Makakapag-antay ba? High quality ba dapat? Gaano ba karami? Ok lang bumili ng cellphone pero iphone ba dapat? Ok lang bumili ng bahay pero sa Ayala Alabang ba dapat?
    2. Wag maging social climber. Hayaan mo silang magsuot ng magaganda at branded na damit. Kung parehas lang kayo ng level ng buhay at pag sinilip mo ang bangko niyan ay tiyak barya lang ang laman. Kung hindi mo kaya makipagsabayan, wag mong pilitin dahil hindi naman yan kailangan. Mas makakaipon ka kung magiging simple ka.

Ang sarap sa pakiramdam pag nakikita mo na may naiipon ka. Mas gaganahan ka magtrabaho. Mas magiging masayahin ka dahil hindi ka masyadong magiging praning at magagalitin. Karamihan sa mga OFW ay kumikita ng malaki pero hindi nakakapag-ipon dahil sa kakapadala. Nakakalimutang magtabi para sa sarili at sariling pamilya. Baka masyado mo na silang pinapaasa sayo. Walang masamang tumulong pero kung may uunahin kang tulungan ay ang mga anak mo at magulang mo. Sana hindi sila ang nagsasakripisyo sa pagtulong mo sa iba.

Sana matuto ang lahat ng tamang pag-iipon. Mahirap yan sa simula pero dapat nakatingin ka sa goal mo at dapat, mas malinaw pa sa Liwanag Candle ang mga plano mo sa buhay.


 

Next article:

Saan mo dapat ingatan ang pera mo

Main link:

Sikreto

Leave a Reply