Sikreto 104: ano ang epekto ng pagiging masunurin?

Sikreto 104: ano ang epekto ng pagiging masunurin?



featured image link source: www.topclassblackcabtourslondon.co.uk

 

Ito ang pang-apat sa sikreto na dapat nating malaman.

Sikreto Para Guminhawa ang Buhay


Ano ang epekto ng pagiging masunurin?

Dalawa lang yan. Mapabuti ka o mapasama.

Sa financial na aspeto, malaking bagay ang pagiging masunurin sa tama at hindi lang natin ito nakikita dahil akala nila ay parehas lang naman kung susunod ka o hindi.

  1. Pagsunod sa magulang
    1. Kung Kristiano ka, alam mo ba na ang unang kautusan na tiyak na may gantimpala ay ang pagmamahal at pagsunod sa magulang? Depende yan sa paniniwala niyo at kinalakihan niyo. Pero hindi ba kung meron kang dalawang anak na ang isa ay masunurin at yung isa ay masuwayin ay mas lamang para sa iyo yung mabait? Oo dapat walang favoritism pero kung yung isa ay labas masok sa kulungan at yung isa ay panay ang akyat panaog sa stage pag graduation ay hindi mo maiiwasang manimbang?
    2. Walang magulang ang gustong mapasama ang kanilang anak kaya bakit hindi mo sila susundin? Hinasa na sila ng panahon at papunta pa lang tayo ay pabalik na sila. Pagkatiwalaan mo sila sa bagay na magaling talaga sila. Kung payuhan ka nila na mag-aral maige, gawin mo. Kung payuhan ka nilang magbenta ng shabu, wag mong gawin. Alam mo naman ang tama sa mali pero nasa sa iyo pa rin yun.
    3. Isapuso mo yung payo nila sa iyo at huwag mong isa tenga lang. Baka pag nawala na sila sa mundo ay para kang asong pinakawalan sa kulungan after 10 years. Sabik na sabik kang sumuway. Ang pinaghirapan ng matagal na panahon ng magulang mo na pagpapalaki sayo kung hindi mo aayusin ang buhay mo.
  2. Pagsunod sa batas
    1. Batas Pampubliko
      1. Sige overspeed pa. Sige wag kang magseatbelt. Sige wag kang magbayad ng buwis. Anong napala mo? Yung pinagtrabahuhan mo ng isang linggo ay ibabayad mo lang sa penalty? Wala naman sigurong mawawala kung hindi ka magiging pasaway. Akala mo nakakalamang ka at naiisahan mo sila. Ang hindi mo lang alam, katakot-takot na aksidente, disgrasya o malamig na rehas ang nag-aabang sayo. Baka hindi mo alam na mahirap na kumilos sa bansa lalo na ang makaalis papunta sa ibang bansa pag may record ka na sa NBI. Tiyak mahihirapan ka maghanap ng trabaho. Paano na ang mga anak mo?
    2. Batas sa Trabaho
      1. Kung may kaltas man o wala ang pagka-late sa trabaho, mas mabuti ang ibibigay mong impression kung lagi kang maaga. Kung palaabsent ka at lagi kang sakit ng ulo, tiyak na ikaw ang unang inonominate kapag kailangan magtanggalan ng tao. Pag nawalan ka ng trabaho ay makakahanap ka ba agad?
      2. Bakit mo nanakawan o gugulangan ang kompanya mo? E hindi mo ba alam na ang paghatak mo sa kanila pababa ay isang katangahan dahil nasa isang bangka lang kayo at para ka na ring nagsuicide. Maliban lang kung plano mo namang lumipat sa ibang bangka. Pero kawawa ka pag nabuko nila ang kalokohan mo at sasabihin nila sa ibang mga bangka kung ano ang reputasyon mo. Darating ang panahon ay hindi ka na nila gusto pasakayin. Maging productive ka at tulungan ang bangka na sinasakyan mo. Tingnan mo, kung sakaling aksidenteng malunod ka mag-isa ay agad ka nila babatuhan ng salbabida at sasagipin. Tandaan mo na ikaw ang may kailangan sa kanila at hindi sila ang may kailangan sa iyo na kung tutuusin ay madami namang pwedeng taong kunin pero ikaw ang kinuha nila.
  3. Pagsunod sa batas ng kalikasan
    1. Ito ang nakakalimutan ng ibang tao. Marami kasi ang umaasa sa himala. Nakakalimutan nila ang tamang investment.
      1. Pag marami kang tinanim, marami kang aanihin. Common sense na lang ito. Pero ang iba, gustong-gusto na umani ng marami kahit wala namang tinatanim. Gusto mong lumaki ang sweldo mo? Magtanim ka ng sipag at malaking tulong. Gusto mo na sundin ka ng tauhan mo? Mahalin mo sila at ituring mo silang pamilya at patuloy mo sila taniman ng magandang gawa at pakikisama. Tiyak kahit nakatalikod ka, ipagtatanggol ka nila at hindi ka iiwan. Magtanim ka ng galit, kabastusan at kayabangan ay asahan mo na may mangangagat sa iyo at tiyak yan din ang aanihin mo. Mas magiging productive at lalaki ang kita mo o ng kompanya niyo kapag mabuti ang pagtanim niyo at mabuti ang pinili niyong binhi.
      2. Pag tumakbo ka ng matulin, kung matinik ay malalim. Hinay-hinay ka lang. Baka sa sobrang pagmamadali mo na maabot ang pangarap mo ay magkandaletse-letse ang buhay mo. Gusto mo maging manager agad para lumaki ang sahod mo e ano na ba ang kaya mo iambag? Baka pag binigay sayo ang pwesto ay wala kang masimulan dahil wala ka pa namang alam. Laging magbigay galang sa seniority kahit saan ka mapunta. Mas maaappreciate nila pag nagtatanong ka sa kanila at humihingi ng payo kesa nagmamagaling ka. Ikaw rin ang makikinabang sa pagmemenor dahil kung magiging mapagpasakop ka ay sila na ang kusang magbibigay sa iyo ng mga tips at technique na mapapakinabangan mo.
      3. Pag may baha, mas mataas ang rate ng inflow sa outflow. Ang baha kasi ay tubig na naiipon at magkakaroon lang ng tubig na naiipon kapag mas mataas ang inflow sa outflow. Sa madaling sabi, may maiipon ka pag mas malaki ang kinikita (inflow) mo kesa sa ginagastos (outflow) mo. Gusto mong bumaha ng lampas tao ang pera mo, tiyakin mo na konti lang ang labasan ng tubig o di kaya ay maghanap ka ng maraming tubig ulan.

Magkaiba ang masunurin sa sumusunod. Ang sumusunod, sumunod lang pag inutos at may nakakakita. Ang masunurin, kahit walang nakakakita, sumusunod sa lahat ng panahon na walang reklamo o reservations.

Iba-iba ang batas na pwede mong sundin at yun ay nakadepende sa bansa na tinitirahan mo, relihiyon mo, paniniwala mo, lahi mo, edad mo, school mo, kompanya mo, negosyo mo, investment mo at marami pang iba. Kaya dapat, paunlarin mo ang knowledge at wisdom mo kung ano ba ang source mo ng kabuhayan. Magbasa ka ng libro, umattend ng seminar at maging updated sa balita. Hindi lang ang sarili mo ang tinatayo mo kundi ang reputasyon mo sa ibang tao. Isa pa, mas madaling pasunurin ang mga anak mo kung ikaw mismo ay sumunod sa prinsipyo na pinaniniwalaan mo dahil nasa harap na nila ang matibay na ebidensya na pwedeng mangyari sa kanila kapag naging masunurin sila.


Next article:

Ano ang epekto ng lifestyle at mindset sa pag-unlad?

Main link:

Sikreto

 

One thought on “Sikreto 104: ano ang epekto ng pagiging masunurin?

Leave a Reply